
Dahil Takot Makantiyawan ang Pangit na Binata ay Hiniram Niya ang Nobya ng Kaibigan Para Isama sa Party; ‘Di Niya Namalayan na Mabibighani Siya Rito
Bata pa lang ay matalik nang magkaibigan sina David at Vhon. Kung pagmamasdan ang dalawang lalaki ay malayo ang hilatsa ng mukha nila sa isa’t isa. Si Vhon ay ubod ng guwapo samantalang si David ay kabaliktaran nito, sa madaling salita ay pangit ang lalaki kaya sa edad na trenta anyos ay wala pa rin itong girlfriend.
“O, David…bakit malungkot ka, pare?” tanong ng kaibigan nang magkita sila.
“Paano kasi ay may reunion kami ng mga dati kong kaklase sa kolehiyo. Malamang ay makantiyawan na naman ako roon ng mga maloloko kong kaklase,” nakasimangot na sagot ni David.
“Eh, bakit naman?”
“Sapagkat sila ay puro may mga asawa’t anak na at ‘yung iba naman ay may mga girlfriend na ibabalandra, samantalang ako ay wala. Parang ayoko tuloy umattend eh, siguradong ako ang magiging sentro ng kantiyawan.”
“Buti ka pa syota lang ang problema mo…ako eh, pera. Kailangan ko ng tatlong libo, baka kasi maremata ‘yung singsing na isinanla ko,” sabi ni Vhon.
“’Di manghiram ka muna sa girlfriend mo,” sagot ng kaibigan.
“Eh, wala ring pera ‘yon, pare.”
May naisip tuloy na paraan si David para makapunta sa reunion nila.
“Maganda ba ang girlfriend mo?” tanong niya.
“Oo naman. Bakit mo naitanong, pare?”
“Pera ang problema mo, ‘di ba? Ako naman ay girlfriend. Now let’s make a deal. Pahihiramin kita ng pera, isasanla mo naman sa akin ang girlfriend mo,” nakangising sabi ni David sa kaibigan.
Napakunot ang noo ni Vhon sa gusto niyang mangyari.
“Anong palagay mo sa girlfriend ko? Alahas na isinasanla?”
“Huwag kang mag-alala, pare. Hindi maaano sa akin ang girlfriend mo, para meron lang akong kapareha sa reunion namin. Isang gabi lang naman, eh. Isasama ko lang siya sa party. Alam ko rin ang iniisip mo, imposibleng magkagusto sa akin ng girlfriend mo, sa pangit ko ba namang ito? Sa palagay mo ba’y ipagpapalit niya ang napaka-guwapo kong kaibigan sa tulad kong mukhang ewan?” paliwanag pa ni David.
Napailing na lang si Vhon sa plano ng bestfriend niya.
“Pare, huwag mo namang laitin nang husto ang sarili mo. Hindi pa lang dumarating ang tamang babae para sa iyo. Kapag nahanap mo na siya’y ako ang unang matutuwa para sa iyo. Pero sige na nga, payag na ako sa gusto mo. Akin na ang tatlong libo at kakausapin ko ang girlfriend ko,” tugon ni Vhon.
Nang sumunod na araw ay ipinakilala na siya ng kaibigan sa girlfriend nito.
“David, si Betty ang syota ko,” pakilala ni Vhon sa babaeng kasama.
Nagulat si David nang makita ang nobya ng kaibigan niya. Napakaganda ni Betty na bagay na bagay sa bestfriend niyang si Vhon. Medyo nahiya nga siya dahil sobrang ganda nito para ipareha sa kagaya niya ngunit wala na siyang magagawa, kung hindi naman niya isasama ang babae sa reunion nila ay tiyak na siya ang tampulan ng tuksuhan doon.
“S-siya ba? Mabuti naman at pumayag ka, Betty,” sabi niya.
“Oo, okay lang sa akin. Sinabi sa akin ni Vhon ang lahat,” wika ng babae.
Sa ilang minuto pa lang nilang pag-uusap ni Betty ay agad siyang napahanga rito.
“Ang ganda talaga niya. Mahinhin at bagay sa kanya ang suot niyang damit. Kahawig niya si Angel Locsin maging sa hubog ng kanyang katawan. Sayang, kung kasing guwapo ko rin sana si Vhon ay may magkakagusto rin sa aking kagaya niya,” bulong ni David sa isip.
Sa reunion na dinaluhan nila ay ‘di akalain ni David na magiging sikat siya sa dati niyang mga kaklase.
“Uy, David, ‘di kami makapaniwala na napakaganda ng girlfriend mo,” wika ng isa.
“Oo nga, parang si Angel Locsin ‘pag naka-side view. Ang suwerte mo naman, pare,” sabad naman ng isa pa.
“A, eh, m-masuwerte talaga ako kay Betty. Maganda na, mabait pa,” naiilang niyang sagot.
Masaya si David ng gabing iyon. Ngayon lang kasi siya hindi nakantiyawan sa pinuntahan niyang party. Feeling niya ay napaka-guwapo niya dahil angat na angat ang ganda ng kapareha niya. Para siyang isang prinsipe na may ka-date na napakagandang prinsesa, pero kapag naiisip niya na pagkukunwari lang ang lahat ay nanliliit siya. Napakalabong maging girlfriend niya ang girlfriend ng kaibigan niyang si Vhon kaya susulitin na lamang niya ang mga oras na magkasama sila.
“Masarap ka palang kasama, Betty. Very intelligent kang kausap,” aniya habang kasayaw ang babae.
“Ikaw rin, David. Masaya kang kausap, may sense of humor ka,” tugon naman ng babae.
Kaya nang matapos ang party ay labis na nalungkot si David lalo na nang ihatid na niya si Betty sa bahay nito.
“Tuloy ka muna sa loob, David, para makapagkape ka man lang,” yaya nito.
Umiling siya.
“Huwag na. Salamat na lang. Magpahinga ka na. Salamat uli sa pagsama sa akin ha?”
“Wala iyon. Nag-enjoy rin naman ako, eh.”
Mula noon ay naging magkaibigan na sila ni Betty. Sa pagiging malapit nila sa isa’t isa ay hindi niya namalayan na nahuhulog na ang loob niya sa babae na hindi niya kagustuhang mangyari.
“Ayokong maging ahas sa paningin ng matalik kong kaibigan. Hangga’t maaga pa ay lalayuan ko na si Betty. Isa pa ay hindi ako bagay sa kanya. Nararapat lang ang tulad niya kay Vhon,” malungkot na sabi ni David sa sarili.
Iniwasan na niya ang babae ngunit talagang gumagawa ng paraan ang tadhana para muli silang magkita.
“D-david? Dalawang linggo ka nang hindi dumadalaw sa bahay, a! May problema ba? Iniiwasan mo ba ako?” tanong nito sa kanya nang magkasalubong sila sa mall.
Wala na siyang nagawa kundi ipagtapat dito ang tunay na nilalaman ng loob niya at ikinagulat iyon ng babae.
“Ayokong masaktan si Vhon. Matalik ko siyang kaibigan kaya hindi maaari ang nararamdaman ko para sa iyo, Betty,” bunyag niya.
“Bakit? Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin sinasabi sa iyo ng kaibigan mo ang totoo?” natatawa nitong tanong.
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Na kaibigan ko lang si Vhon at pinsan ko ang tunay niyang girlfriend na si Angie,” pagtatapat ni Betty.
Nanlaki ang mga mata ni David sa narinig.
“I-ibig mong sabihin ay hindi kayo magsyota ni Vhon?”
“Oo, paano kasi ay nagkasakit ang pinsan ko noon na girlfriend ng bestfriend mo. Ayaw naman ni Vhon na masira sa usapan ninyo kaya pinaki-usapan niya ako para pumalit sa girlfriend niya para may kapareha ka sa reunion niyo,” saad pa ni Betty.
Gustong lumipad sa tuwa ni David sa sinabi ng kausap ngunit kahit nalaman niya ang totoo ay alangan pa rin siya rito na agad namang nahalata ni Betty.
“David, ano pang iniisip mo? Hindi ka ba natutuwa na hindi ako ang girlfriend ng kaibigan mo? Na wala rin akong boyfriend at available na available ako,” hirit ng babae.
Napatingin si David sa magandang mukha ni Betty at hindi niya namalayan ang sumunod nitong ginawa sa kanya. Hinalikan siya nito sa pisngi kaya halos manikip ang dibdib niya sa sobrang kilig.
“Nang makilala kita ay nagustuhan na agad kita, David, dahil mabait ka, matalino at totoong tao na malayung-malayo sa mga manliligaw ko noon,” bunyag pa nito.
“P-pero, hindi mo ako maipagmamalaki, Betty. Tingnan mo nga itong mukha ko, ikumpara mo sa mukha ng kaibigan kong si Vhon. Walang-wala akong panama kung ihihilera sa mga manliligaw mo,” tugon niya na hindi naaalis ang lungkot sa mga mata.
Nginitian siya ng babae at hinaplos ang pisngi niya.
“Ang pag-ibig ay walang nakikitang anyo, ang mahalaga ay ang nararamdaman ng puso. Ano man ang hitsura mo’y tanggap na tanggap ka ng aking puso, David. Walang dahilan para hindi kita ipagmalaki dahil isa kang mabuting lalaki,” bigkas pa ng babae.
Napaluha si David sa sinabing iyon ni Betty. Sa pagkakataong iyon ay may isang babaeng nagkagusto sa kanya, na tanggap ng buong-buo ang kanyang pagkatao.
“’Di malaya na pala akong manligaw sa iyo?” tanong niya na hinawakan ang mga kamay ng babaeng nabihag ng kanyang alindog.
“Eh, ano pa nga ba ang ginagawa mo ngayon?” napahagikgik na sagot ni Betty na sinuklian ng halik sa labi ang kanyang tinuran.
Nang malaman ng kaibigan niyang si Vhon ang tungkol sa kanila ni Betty ay laking tuwa nito dahil sa wakas ay nahanap na rin niya ang babaeng inilaan para sa kanya.
Sana lahat ay kasing suwerte ni David, ‘no?