Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit ang Misis sa Kanyang Mister na Panay ang Bigay sa Kamag-anak, Nasupalpal Siya nang Tila Bumaliktad ang mga Mundo Nila

Galit na Galit ang Misis sa Kanyang Mister na Panay ang Bigay sa Kamag-anak, Nasupalpal Siya nang Tila Bumaliktad ang mga Mundo Nila

“Nagbigay ka na naman sa mga kapatid mo, para kang gatasan ng mga ‘yan ah!” inis na inis na naman si Meryl sa asawa.

Kaaga-aga kasi ay nakita niya itong nagbigay na naman ng pera sa kapatid nitong nag-aaral sa kolehiyo.

Breadwinner ang asawa niyang si Kardo at kahit kasal na sila ay sa asawa niya pa rin ang takbuhan ng mga kapatid at nanay nito.

“Maigi nalang at wala pa tayong, anak. Kung hindi kawawa kami ng anak mo sayo!” bunganga niya dito.

Hindi naman umiimik ang asawa niya at sa halip ay pinagpatuloy nalang ang pag-inom ng kape. Hindi naman sila mayaman. Masasabing may-kaya lang silang mag-asawa dahil may negosyo silang babuyan.

Sapat ang kinikita nila mula sa negosyo kaya naman nakakaluwag-luwag sila pareho.

“Simula nang mag-asawa ako, nahihirapan na ako. Hindi ko na mabili-bili ang mga luho ko.”

Kung dati-rati kasi ay araw-araw siyang nasa parlor at nagsha-shopping, ngayon ay nalimitahan nalang iyon ng isang beses sa loob ng dalawang linggo.

“Tumigil ka na, Meryl. 500 lang naman yung binigay ko kay Totoy na pang-allowance niya.”

“Nila-“lang” mo lang ang 500 ah. Kahirap-hirap kumita ng pera!” hindi talaga siya maka-move on dito.

Palagi nalang kasi sa tuwing may problema sa pera, sa eskwela o kapag may sakit ay sa asawa niya ang takbo ng pamilya nito.

“Malay mo naman kapag tayo ang nawalan, matutulungan rin nila tayo,” mahinahong sagot ng asawa.

“Asa ka, Kardo!” inis na nilayasan niya ang asawa. Ngunit bago pa man tuluyang umalis ng bahay ay nagparinig muna siya sa pamilya ng asawa na kapitbahay lang nila.

“Magsumikap naman kayo. Hindi puro asa ang ginagawa niyo!”

Ilang buwan ang lumipas at isang trahedya ang sinapit ng negosyo nina Meryl at Kardo. Nagkasakit at namatay ang halos lahat ng baboy nila. Kakarampot na savings ang natira sa kanila.

“Puro ka kasi bigay, tignan mo ngayong nangyari sa atin. Tayo ngayon ang nganga!” inis na sisi niya sa asawa.

Ilang buwan pa ang lumipas at nalaman niyang buntis siya. Mas nahirapan sila lalo’t kinailangan pang i-CS ni Meryl sa panganganak. Wala silang nagawa kundi isangla ang bahay.

Nakaraos sa panganganak si Meryl. Galit na galit pa rin siya sa asawa. Ito ang sinisisi niya sa pagkabagsak nila. Nawala ang negosyo nila, nakasangla ang bahay at kulang sa nutrisyon ang kanyang anak. Para siyang pinagbagsakan ng langit at lupa.

Pero isang araw ay may bumungad sa kanya–ang titulo ng bahay nila.

“Kanino galing to?” tanong niya sa asawang kadarating lang.

Napangiti ito na tila naluluha, “Kila nanay, Mahal.”

“Ha?” naguluhan siya sa sinabi ng asawa.

“Hindi rin ako makapaniwala pero pinag-ipunan nilang lahat ito. Simula nang bumagsak tayo at wala pa akong trabaho noon, sila ang nagbibigay ng pangkain natin. Pero sabi ni nanay huwag na nga daw sabihin sayo para mapayapa ka. Pero…” umiiyak na ang asawa, “Sobrang nakakatuwa itong ginawa nila para sa atin. Kaya hindi ko na napigilang sabihin sayo, Mahal.”

Hindi malaman ni Meryl kung anong mga salita ang mamumutawi sa kanyang bibig para sa pamilya ng asawa–pasasalamat ba o paghingi ng tawad?

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement