Inday TrendingInday Trending
Lalaking Puno ng Tattoo sa Katawan, Nilalayuan at Pinagchi-chismisan ng mga Kapitbahay, Ito Pala ang Magliligtas sa Kanila Mula sa Isang Trahedya

Lalaking Puno ng Tattoo sa Katawan, Nilalayuan at Pinagchi-chismisan ng mga Kapitbahay, Ito Pala ang Magliligtas sa Kanila Mula sa Isang Trahedya

Si Rick, 41 taong gulang ay tampulan ng usap-usapan sa kanilang subdivision dahil sa napakarami nitong tattoo sa katawan. Madalas siyang mapagkamalang masamang tao ng mga mayayamang nakatira sa kanilang village.

Adik, magnanakaw, sanggano, at kriminal ay ilan lamang sa mga binansag sa kanya ng ilang mamamayang nakakakita sa kanya.

Pero sa kabila ng lahat ng iyon ay nagpatuloy sa pamumuhay ng tahimik si Rick. Wala siyang pamilya at mag-isang nakatira lamang sa kanyang tahanan. Walang nakakaalam ng kanyang buhay. Ni wala ring sumusubok na makipagkaibigan sa lalaki.

“Sino po ang nakatira sa kabilang-bahay?” minsa’y narinig niyang tanong ng bago niyang kapitbahay sa ginang na nakatira sa tapat ng bahay nila.

“Ay naku, huwag mo nang tanungin hija at baka magulantang ka lamang,” sagot ng ginang.

Halatang nagulat at medyo natakot ang maamong mukha ng kapitbahay niyang babae.

“May kasama ka ba sa bahay niyo?” tanong ng ginang.

“Opo, yung anak ko po.”

“Asan ang asawa mo?” usisa pa rin nito sa babae.

“Ay nasa abroad po eh. Bale kami lang po ng anak kong si Justin ang titira dito.”

Nakita niya ang batang may hawak-hawak ng kamay nito. Sa tantya niya’y nasa anim na taong gulang ang bata.

Nakita niyang lumapit ang ginang sa babae, kahit pabulong ay narinig niya pa rin ang sinabi nito, “Mag-iingat ka d’yan sa kapitbahay mo, sanggano ‘yan.”

Ilang araw ang lumipas ay hindi pa rin mapakali si Jillian sa sinabi ng matandang katapat-bahay nila. Natakot siya sa isiping baka sanggano nga ang lalaking kapit-bahay umano nila. Napailing siya, “Hindi dapat ako manghusga nang hindi ko pa siya nakikilala.”‘

Isang araw ay napagdesisyunan niyang dalhan ito ng cookies, “Tao po.”

Sumalubong sa kanya ang isang malaking lalaki na puro tattoo ang katawan. Napaatras siyang bigla. Pero saglit lang ay nakabawi rin naman siya. “Ah, ako ‘yung bagong kapitbahay mo. Nagdala ako ng cookies. Sana magustuhan mo.”

Ganito na ang tradisyon ng babae sa tuwing makakakilala ng bagong kapitbahay. Upang makagaangang-loob ay dinadalan niya ng pagkain ang kahit-sinong kapitbahay. Naniniwala kasi siyang sa oras ng trahedya ay ang kapitbahay ang higit na makakatulong sayo.

“Salamat,” tipid na sabi ng lalaki sabay sara na muli ng pinto.

Ipinagwalang-bahala niya na lamang iyon. Lumipas ang mga araw ay ganoon pa rin ang estilo ng lalaki. Madilim ang loob ng bahay. Kaya hindi malaman kung palagi bang wala sa bahay ito o nag-iisa lamang sa tahanan.

Ngunit isang trahedya ang hindi sinasadyang mangyari. Habang nasa opisina si Jillian ay nakatanggap siya ng tawag mula sa security guard ng subdivision. Nasusunog daw ang bahay nila. Taranta siyang umuwi ng bahay. Naroon kasi ang anak niya. Iyak siya nang iyak habang nagda-drive pauwi ng bahay. Kitang-kita niya ang laki ng apoy at ang mga kapitbahay na nagkukumpulan sa tapat ng bahay nila.

“Anak ko! Justin!” sigaw niya agad. “Nasaan ang anak ko.”

“Misis, maghunus-dili ka, kasalukuyan na pong nirerescue ang anak niyo.”

Nagulat siya nang lumabas ang kanyang anak. Laking pasasalamat niya dahil maliliit na galos lamang ang natamo nito. Ngunit mas ikinagulat niya ang lalaking kasunod ng anak na lumabas sa bahay nila–ang kapitbahay nilang sinasabihang sanggano!

Labis-labis ang pasasalamat niya sa lalaki. Nalaman niya ring Rick pala ang pangalan nito. At matagal nang namatay sa sunog ang mag-ina nito. Nagka-phobia ito sa maliliwanag at apoy simula nang masawi ang asawa at ang isang anak. Pero laking-gulat din daw nito nang biglang lumusob sa apoy upang iligtas ang anak niya.

“Ayoko nang may inosenteng bata pa ang masawi dahil sa sunog.”

Simula noon ay naging magkaibigan na ang magkapitbahay. Wala na ring nanghusga kay Rick at sa halip ay tinuring siyang hero ng buong village.

Tunay ngang napakadaling husgahan ang mga taong tulad ni Rick dahil sa panlabas na anyo nito. Napakarami ding tao na galit na galit sa taong may tattoo kahit hindi pa man nila ito nakikilala. Maging aral sana ito sa lahat, ang tattoo ng isang tao ay hindi sapat na depenisyon ng kanyang pagkatao. Maaaring parte lamang ito ng kanyang self expression. Maaaring may malalim na ibig sabihin ang tattoo na ito para sa kanya.

Maaaring may iba’t iba tayong paniniwala sa buhay, pero mas makakabuti kung marunong tayong rumespeto ng pagkatao ng bawat isa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement