Inday TrendingInday Trending
Naging Matagumpay ang Lalaking Ito Dahil Lumaki Siyang Hindi Nakakatikim ng Pandesal na May Palaman

Naging Matagumpay ang Lalaking Ito Dahil Lumaki Siyang Hindi Nakakatikim ng Pandesal na May Palaman

“Ayoko ng pandesal, Nay. Wala naman pong palaman,” muli na namang reklamo ni Dexter sa kanyang ina.

Sa araw-araw nalang kasi na paggising niya sa umaga at pagkain nila ng almusal ay walang palamang pandesal lang ang palagi nilang kinakain.

“Masarap naman ang pandesal anak, lalo na kapag sinawsaw mo sa kape,” paliwanag ng kanyang ina. “Kung ayaw mo namang isawsaw sa kape pwede mo namang ilagay ang daliri mo at isipin mo nalang ay hotdog ang palaman mo.”

Nainis siya dito. Nagawa pa nitong magbiro samantalang seryoso naman ang tinatanong niya. Ayaw niya na ng ganitong buhay. Ang gusto niya ay ang buhay na katulad ng sa kaklase niya na palaging may baon na sandwich. Napakasarap palagi ng palaman ng tinapay nito na ayon sa kaklase ay bacon, tuna at marami pang ibang tawag.

Araw-araw ay pinagdarasal niya na sana maranasan niya rin na ganoon ang baon at almusal sa umaga. Ngunit tila hindi siya pinapakinggan ng nasa itaas dahil kailanman ay hindi nangyaring masarap ang kanyang almusal. Palaging ganoon, palaging pandesal na walang palaman at isasawsaw lamang sa kape.

Kaya naman isang araw ay nagdesisyon siyang nakawin ang sandwich ng kanyang kaklase sa baunan nito. Nalaman ng lahat na nawawala ang tinapay nang bigla na lamang itong umiyak. Tinanong silang lahat ng guro kung sino ang kumuha ng sandwich. Ngunit wala ‘ni isang umamin. Hindi umamin ang batang si Dexter.

Sa recess ay sa banyo kinain ni Dexter ang masarap na sandwich na kinuha niya sa kanyang kaklase. Ngunit habang kumakain siya’y nagulat siya nang biglang bumukas ang pinto nito. Nakalimutan niya pala itong ilock!

Gulat na gulat siya at ang kaklase niya lalo na nang makita ng mga ito na kinakain niya ang nawawalang sandwich. Agad siyang sinumbong sa guro ng kanyang kaklase. Pinagtawanan rin siya ng buong classroom. Iyak siya nang iyak lalo na nang ipatawag ng guro ang kanyang ina.

“Kaya naman pala magnanakaw, ang dungis rin ng nanay, mukha ring magnanakaw,” rinig niyang bulong ng kaklase.

Kinausap ng guro ang nanay niya at nagulat siya nang bigla na lamang napaiyak ang kanyang ina nang malaman nito ang ginawa niya. Lalo pa siyang nagulat nang bigla na lamang lumuhod ito sa harapan ng kaklaseng pinagnakawan niya ng sandwich, “Patawarin mo sana hijo ang anak ko. Ako ang may kasalanan ng lahat nang ito. Wala akong kwentang ina. Hindi ko man lang kasi siya mabilhan ng tinapay na may palaman.”

“Nay, tama na po…” umiiyak na rin siya habang pilit na pinapatayo ang ina.

Ngunit hindi ito nagpapigil at pati sa kanyang guro ay paulit-ulit na humingi ng tawad, “Sorry po, Ma’am. Huwag po kayong magalit sa anak ko. Ako po ang may pagkukulang na ina. Ako po ang dapat na parusahan!”

Doon mismo nang araw na iyon ay napagtanto ni Dexter ang mapait na realisasyon sa buhay. Ang katotohanang kailanman ang kahirapan ang isa sa pinakamabigat na problema ng tao. Nang dahil sa nangyaring iyon na hindi niya kailanman nalimutan, lahat ng ginagawa niya ay isinasaalang-alang niya na ang kanyang ina.

Nang dahil sa masaklap na pangyayaring iyon sa kanyang buhay ay pinagsumikapan niyang umasenso upang hindi na maranasan ang isa sa pinakamapait na pangyayari sa buhay nilang mag-ina–ang mapahiya dahil sa kahirapan.

Advertisement