Nagtanong ang Bata sa Ina Tungkol sa Matandang Pulubi na Naging Dahilan Para Makita Niya ang Tunay na Kulay ng Ina
Tuwing Linggo ay nakagawian na ni Marichu na dalahin ang anak sa isang fast food chain na pangbata, iyong may palaruan, pagkatapos nilang sumimba.
Pumapasok kasi siya sa opisina mula Lunes hanggang Biyernes, ang araw ng Sabado naman ay para sa paglilinis at paglalaba kaya Linggo ang tanging oras niya para sa anak. Ang asawa niya ay isang sundalo at sa probinsya ito nakadestino kaya silang mag ina lang muna ngayon, mayroon siyang yaya para sa anak tuwing papasok siya sa opisina. Mabait ang kanyang 5 taong gulang na anak, si Monica.
Kasalukuyang naglalaro si Monica kasama ng ibang bata habang si Marichu naman ay kumakain, paminsan minsan ay tumatakbo palapit sa kanya ang anak upang humingi ng french fries. Dahil salamin ang mga pader ng fast food chain, kita nila ang isang pulubi na halos nakahiga na at nakasandal dito, marumi ang may edad nang babae at halatang ilang araw na itong naroon. Marami rin itong nakapaligid na plastic na bote. Napairap si Marichu, bakit hindi ito sinasaway ng guard? Nakakadiri kayang kumain pag may nakikitang taong grasa!
Dahil natural na matanong ang batang si Monica, inalam niya sa kanyang ina kung ano ang nangyari sa matandang babae sa labas.
“Ay nako anak, pag hindi ka nag aral mabuti ayan magiging ganyan ka. Kadiri diba? Kaya study hard ha, para maganda ang future mo at hindi ka yuck katulad nya,” sabi ni Marichu, hindi naman umimik ang bata.
Maya maya pa, isang pamilya ang dumating at umupo malapit sa table nina Marichu. Mayroong dalawang anak ang pamilya, ang panganay ay halos kasing edad lang ni Monica at isa ring babae, habang bunso naman ang lalaki na siguro ay nasa 1 taong gulang. Agad na naglaro ang batang babae, at di nagtagal ay naging kaibigan ito ni Monica.
“Mon, lika na. Time to go home.” tawag niya sa anak, lumapit naman ito sa kanya. Bumalik na rin sa table ng mga ito ang batang babaeng kaibigan ni Monica, na Elise pala ang pangalan. Tulad ni Monica, napansin din ni Elise ang pulubi sa labas ng kainan, at nagtanong ito sa kanyang ina.
“Ma, ano pong nangyari sa lola?” habang tinuturo ang matanda. Mataman namang nakikinig si Marichu kung ano ang isasagot ng nanay.
“Ah, mahirap kasi ang buhay anak. Isa si lola sa mga kawawang naapektuhan ng hirap ng buhay,ma-swerte nga tayo dahil nakakakain pa tayo.” sabi ng babae. Napaismid naman si Marichu.
Nagpatuloy pa sa pagsasalita ang babae.”Kaya mag aral kang mabuti,”
“Para po hindi ako maging ganyan?” tanong ni Elise.
“Hindi. Para matulungan mo ang mga katulad niya.” sagot nito. Napahiya naman si Marichu, lalo pa at nakatingin pala sa kanya ngayon ang kanyang anak. Naalala niya ang tinuro niya rito kanina, imbes na siya ang magsabi dito na gumawa ng mabuti sa kapwa ay sya pa ang nagtuturo na maging makasarili ito.