Binigyan ng Babae ng Stuffed Toy ang Nobyo nang Iwan Niya Ito, May Nakatago Palang Lihim Dito
“Gusto ko na sanang makipagbreak, Kiko…” Halos maguho ang mundo ng binata nang banggitin iyon ng kasintahan niya sa loob ng halos apat na taon. “Anong dahilan, Rika? Bakit naman biglaan?” hindi na siya nahihiya kahit pagtinginan pa siya ng mga tao. “Huwag ka ngang umiyak, kalalaki mong tao!” inis na turan ni Rika. “Kaya ko ngang lumuhod dito para lang hindi mo iwan, Rika!” Umiling ang dalaga, “Kahit ano pang sabihin at gawin mo, hindi na rin mababago niyon ang desisyon ko.” “Parang-awa mo na, Rika huwag mo kong iwan. Ikaw nalang ang buhay ko…” Lumuhod na nga ang binata pero pilit itong inalis ni Rika sa pagkakahawak sa mga tuhod niya. Pagkatapos ay may kinuha ito sa shoulder bag. Isang stuffed toy. “Oh, remembrance ko sayo, ingatan mo’ng sarili mo.” Natulala si Kiko sa stuffed toy na binigay ng kasintahan. Dahil doon ay naiwan siya nitong tuluyan. Ilang taon ang lumipas, naging maayos naman ang buhay ni Kiko sa kabila ng kanyang masaklap na nakaraan. Nagkaroon siya ng asawa’t dalawang malulusog na anak. Ngunit kahit na ganoon ay paminsan-minsan niya pa rin naaalala si Rika na simula nang maghiwalay sila ay wala siyang naging balita. Hanggang sa isang araw habang nagsisimba kasama ang pamilya ay may nakabunggo siyang babae. Pamilyar ang mukha nito, “Rika?” “Kiko…” namayat ito at medyo tumanda ang mukha. Tila kaydami nitong pinagdaanan sa buhay. “Kamusta ka na, tagal nating hindi nagkita ah?” Ngumiti ang babae, “Ito, sa awa ng Diyos okay naman.” Naguluhan siya sa sinabi nito pero ipinagwalang-bahala nalang niya iyon. Hanggang sa magpaalam na ang babae, “Rika!” Lumingon ito, “Pwede bang malaman kung ano talaga ang dahilan ng pakikipaghiwalay mo noon?” Nagulat ito, “Hindi mo ba nabasa?” “Ang alin?” “Yung sulat ko sa stuffed toy, andun lahat ng dahilan ko.” Nagulantang si Kiko. Nang makauwi siya sa bahay ay agad niyang hinanap sa lumang cabinet niya ang stuffed toy na bigay ng dating nobya. Doon ay nakita niya ang maliit na sulat. Kiko, Sorry sa biglang pag-iwan ko sayo. May malubha akong sakit at kailangan ko ng surgery. 20% lang daw ang chance kong mabuhay. Ayaw kitang masaktan at mahirapan. Deserve mo ang maging masaya sa piling ng iba. Kaya kung mabasa mo ‘to sana mapatawad mo ako. Iyak ng iyak ang lalaki. Hindi niya lubos-maisip ang ginawang sakripisyo ng dating nobya para sa kanya. Sa napakatagal na panahon ay nagkimkim siya ng sama ng loob sa babae dahil sa biglaang paglisan nito sa kanyang buhay. Ngayon lamang niya naintindihan na sinakripisyo nito ang sariling kaligayahan upang mailayo siya sa pagdurusa na pwede niyang pagdaanan. Masaya na si Kiko sa kanyang pamilya. Mas gumaan ang loob niya nang sa wakas ay natuldukan ang lahat at nasagot na ang mga tanong na matagal na niyang hinahanapan ng sagot. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.