Naniwala ang Mister sa Chismis Laban sa Asawa, Kaya Naman Nauwi Lamang ang Lahat sa Pagkasira ng Kanilang Pamilya
Masayang-masaya ang mag-asawa sa kanilang tahanan habang kasabay kumain ang dalawang anak. Nagkukwentuhan sila tungkol sa mga nangyari sa kanila buong araw. “Naku ‘yung boss palagi nalang ako sinusungitan. Hindi ko alam kung mainit ba talaga ang dugo nun sakin o sadyang nagagwapuhan lang sakin.” Simpleng inirapan ng misis ang mister, “Sus, baka kasi mali-mali ka sa trabaho mo!” Tawanan ang pamilya sa kanilang pagbibiruan. Ganito palagi ang tema nila. Masaya lalo na kapag nagsasalu-salo. Isang araw ay umuwing aburido ang mister ni Joan. Tinanong niya ito kung anong problema. Tumanggi ito noong una kaya naman hindi niya na pinilit ito. Sa halip ay minasahe na lamang ang ulo ng asawa. Ngunit pagkatapos noon ay ganoon pa rin si Louie, tahimik at tila mainit ang ulo sa lahat ng bagay. Pati mga anak nila ay napagbubuntunan na nito ng inis. Kaya naman hindi naging maganda ang kanilang hapunan. Nang umakyat sila sa kwarto ay nagdesisyon si Joan na kausaping muli ang asawa. Baka kasi problemado na naman ito sa boss nito. “Hon, ano bang problema?” malambing na tanong niya sa asawa. “Wala, matulog ka na,” nagulat siya sa malamig na reaksyon nito. Hindi siya sanay na ganoon ang asawa. Sanay siyang malambing, mapagpakumbaba at kinukulit siya nito. Pero ngayon ay tila ibang tao ang kaharap niya. Hindi pa siya tinabihan nito sa pagtulog dahil sa ginagawa nitong “paper works” daw na kailangang tapusin. Nagising si Joan na wala na rin sa tabi niya ang mister. Ni hindi niya alam kung tumabi ba ito sa kanya kagabi. Kaya naman hinatid niya na lamang ang mga anak sa eskwela. Kinahapunan, pagkagaling niyang overtime sa trabaho ay naabutan niyang nasa sala ang mga bata at wala pa ang mister niya na karaniwang mas maagang umuuwi kapag overtime siya. “Asan ang Papa niyo? Hindi pa ba kayo nakain?” Malungkot na umiling ang bunso niya. “Gutom na kami ‘ma,” ika naman ng panganay niya. Doon na nainis si Joan sa asawa. Hindi niya malaman kung bakit pati mga anak nila ay dinamay nito sa kung anumang problema nito. Nakita niyang papasok ang asawa sa pinto, “Nandito ka na pala. Hindi mo ba nareceive ‘yung text ko na mag-oovertime ako?” “Nareceive,” simpleng sagot nito. Nagpupuyos na siya sa galit, “Oh bakit ‘di ka umuwi ng maaga?” “Kailangan ba laging sundin ang gusto mo, Joan?” Hindi mapaniwalaan ng babae ang mga lumalabas sa bibig ng mister. Ibang-iba na ito. Wala na ang makulit niyang asawa sa katauhan nito. Kaya naman nagdesisyon siyang mag-empake at sinama ang mga anak sa nanay niya sa probinsya. Ilang araw ang lumipas at hindi pa rin sila sinundo ng mister kaya naman nagdesisyon siyang tawagan ito. “Ano bang problema mo? Bakit bigla kang nagbago?” “Sorry… “ umiiyak ito sa kabilang linya, “Sorry hon…” Naguluhan siya, “Ha, bakit?” “Noong una kasi siniraan ka ng katrabaho ko sabi nakita ka niyang may kasamang lalaki. Yun ang dahilan bakit hindi kita kinibo ng ilang araw. Tapos kahapon niya lang sinabi sa akin na nagsinungaling lang siya. Nahihiya ako sa inyo hon…” iyak ito nang iyak. “Hindi ko alam kung anong mukha ang ihaharap ko sa inyo ng mga anak natin.” Napabuntong-hininga si Joan, “Sa susunod kasi, matuto kang makipag-usap ng maayos. Huwag puro pride ang papairalin mo. Okay?” “Sorry, hon… susunduin ko na kayo d’yan bukas. Miss na miss ko na kayo.” “Miss na miss na rin namin ang makulit na daddy namin.” Napagtanto ni Louie ang kahalagahan ng maayos na komunikasyon sa kanilang pagsasama. Kung kinausap lamang niya ng maayos ang asawa na may marinig siyang chismis tungkol dito ay hindi na sana nangyari ang bagay na ito. Muntik nang masira ang pamilyang binuo niya nang dahil sa naniwala siya sa kasinungalingan ng ibang tao. Mas kilala niya ang asawa niya kung kaya sana ay mas nagtiwala siya dito. Sabik na sabik na siyang makita ang kanyang mag-iina. Sinabi niya dito na bukas niya susunduin ang mga ito ngunit tumayo siya sa pagkakaupo at inilabas ang sasakyan. Wala siyang sasayangin na panahon. Kailangan niyang bumawi sa kanyang pamilya. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.