Masaya ang Dalaga dahil Ikakasal na Siya sa Nobyo, Ituloy pa Kaya ng Lalaki ang Kasal Pag Nalaman Nito ang Lihim Niya?

Masaya ang Dalaga dahil Ikakasal na Siya sa Nobyo, Ituloy pa Kaya ng Lalaki ang Kasal Pag Nalaman Nito ang Lihim Niya?

InspiringLoveStories

Anim na buwan pa lamang na magnobyo sina Hera at Lemuel. Alam ng babae na ma-swerte siya sa lalaking napiling mahalin, mabait ito, responsable, may respeto sa kapwa,bonus pang ubod ito ng gwapo.

Kaya nga kahit sandali palang silang magkakilala ay pumayag na agad siya nang alukin siya nito ng kasal. Sobrang ligaya na sana ng puso niya, kaya lang pag naaalala ang malaking sikreto niya ay binabalot siya ng kaba.

“Kailan mo ba kasi balak sabihin? Kailangan niya pa ba talagang malaman?” sabi ni Sweet, ang bestfriend niyang Beki.

“Syempre! Eventually, malalaman niya yan.Paano pag hinanapan na ako ng pictures ko dati aber? Ano pang dahilan ko?”

“Bakit mo kailangang magdahilan, wala ka na namang pictures talaga dati dahil nasama sa sunog diba? At kung papers naman ang problema mo, hindi ba at maayos na rin lahat, legal na kumbaga. Ano ka ba, just marry him dahil dyan ka masaya,”

Saglit siyang napaisip sa sinabi ng bestfriend, oo nga. Dito siya masaya. Pero paano naman si Lemuel, pag nalaman nito ang totoo? Na kahit kailan, kahit anong tambling ang gawin nila, hindi niya ito mabibigyan ng anak. Dahil wala naman siyang matris. Oo, hindi siya tunay na babae.

Hindi Hera ang tunay niyang pangalan..kundi Heraldo.

Bata pa lamang ay pusong babae na siya, kaya nga nang magkatrabaho ay agad siyang nagpunta sa Thailand upang doon magparetoke.Hindi naman naging mahirap dahil natural na malambot ang kanyang mukha parang sa isang babae, nagpadagdag lamang siya ng dibdib at pinaputol ang dapat na putulin.

Kauuwi niya lamang noon nang makilala niya naman si Lemuel at agad nga siyang nahulog sa binata.

Mabilis lumipas ang mga araw at kasal na ng dalawa , sobra ang excitement ni Hera. Pero mas lamang ang pagmamahal niya sa lalaki dahil bali-baligtarin man ang mundo, niloloko niya ito.

Papunta na siya ngayon sa simbahan nang kalabitin niya ang driver.

“Itabi mo dyan sa gilid manong,” malungkot na sabi niya.

Nagtataka naman ang mukha ng driver, “Naiihi ho kayo ma’am? Teka may gasolinahan sa kabilang kanto,”

“Basta itabi mo, dito nalang,please.” sabi niya. Nang huminto ang sasakyan ay dire-diretso siyang nagtatakbo palayo. Hilam ng luha ang mga mata niya, hindi nararapat kay Lemuel ang lokohin ng ganito kaya bago pa ito mapasok sa isang sitwasyong di nito alam ay siya na ang lalayo.

Bahala na kung mabangga siya. Ang panget ng headline sa dyaryo pag nagkataon, Baklang brokenhearted, nasagasaan. Natawa nalang siya sa sarili, kaawa-awa ang itsura niya ngayon.Hulas ang make up, kalat kalat ang eyeliner habang suot ang pagkabigat-bigat na gown.

Napansin niyang tumatawag si Lemuel pero pinatay niya na ang cellphone. Uuwi nalang muna siya sa probinsya at magpapalipas, doon gagamutin ang sugatang puso.

Kinagabihan ay magang-maga ang kanyang mga mata. Dahan-dahan siyang kinalabit ng kanyang mama.

“Ma, ayoko muna pong pag-usapan. Hayaan mo na muna po akong matulog,” bahagyang dilat lang ang nagawa niya dahil ang sakit ng mata niya.

Hindi sumagot ang ginang at lumabas na sa kwarto, maya maya pa ay narinig niyang muling bumukas ang pinto.

“Ma, please. Hindi rin ako gutom, please lang-” natigilan siya nang makita kung sino ang nasa pinto.

Si Lemuel.

Matiim na nakatitig sa kanya ang binata, suot pa rin nito ang tuxedo na pangkasal nila. Hindi malaman ni Hera ang gagawin, hindi niya rin naman kayang makipagtitigan dito kaya napapikit nalang siya. Hinihintayan niyang sumbatan siya nito.

“Diyos ko Lemuel, alam kong malaki ang atraso ko sa’yo na pinaabot ko pa sa ganito. Dapat una palang, una palang hindi na ako nakipaglapit. Hindi ako Hera, Heraldo ako! Isang ambisyosa, ilusyunadang bakla. Pero di ko kayang ikulong ka sa relasyong maiipit ka lang.Lemuel, kung pandidirihan mo ako ay..m-maiintindihan ko. Pero please naman wag ngayon, ang hapdi hapdi pa rin kasi para sa akin,” lumuluha nang sabi niya.

“Bakit hindi moko sinipot?” simpleng tanong nito, tila hindi inintindi ang paliwanag niya.

“H-ha? Hindi mo ba naintindihan? Hindi ako tunay na babae! Bakla ako-“

“Ano’ng akala mo sa akin Hera..Heraldo..o kung ano pa man ang dati mong pangalan, ano ang akala mo sa akin, tanga?! Una palang alam ko na, malamang..mahal kita kaya aalamin ko lahat tungkol sayo! And you know what? Akala ko rin dati issue yan pero kung iisipin kong mawawala ka, t*ngna, mamamatay ako.

Wala akong pakialam kung ano ka pa dati, mahalaga sa akin kung ano ka ngayon. Hindi kita pakakasalan para lang bigyan mo ako ng anak, pakakasalan kita kasi mahal kita!” sabi nito na lumuluha na rin.

Gulat na gulat si Hera at sasagot pa sana pero hinalikan na siya ng binata. Nang akayin siya nito palabas ay lalong nanlaki ang mata niya nang makitang kumpleto ang bisita sa kasal nila, naroon lahat sa kanilang salas at naghihintay.

“Marry me, please?” nagsusumamong sabi ng binata. Lord, sino ba naman siya para tumanggi?

Malalaking tango ang isinagot ni Hera, “Go go go!”

Itinuloy nila ang kasal, masayang nagsama ang dalawa na nag-ampon rin ng kambal na babae.

Malaki ang pasasalamat ni Hera na nakatagpo siya ng lalaking tulad ni Lemuel, na tanggap ang lahat sa kanya. Sinuklian niya iyon ng habangbuhay na pagmamahal at pag-aalaga.

More Stories