
Pagkakakitaan ng Ale na Ito ang Ganda ng Kaniyang Anak, Kasinungalingan pala ang Pinuhunanan Niya
“Aling Ising, mukhang dalaga na ‘yang anak mo! Napakaganda, ano?” bati ni Denden, kapitbahay ng ale.
“Oo nga e, mukhang nagmana sa tatay niyang hindi ko naman kilala! Pero maiba tayo, Den, tumatangap ka pa ba ng ganitong edad?” tanong ni Aling Ising sa kaniya.
“Kayo ho ba o ‘yung anak niyo? Kasi kung kayo, hindi naman sa pang a-ano pero may edad ka na Aling Ising,” natatawang balik ni Denden sa kaniya.
“G@g*, siyempre ‘yung anak ko! Ang hina kasi ng labada ko ngayon kaya naisip kong baka pwedeng pagkakitaan ang anak ko. Hindi na kasi nagbibigay ang panganay ko na nasa Maynila. Malas ko yata talaga sa mga anak!” ani Aling Ising.
“Sakto! May kaibigan ako sa Japan na naghahanap ng mga dalaga na pwedeng mapangasawa pero sa papel lang naman kasi ayaw nila sa mga Haponesa roon,” wika ni Denden sa kaniya.
“Alam kong hindi ka aayaw sa pera kaya sa’yo ko lang i-aalok ito. Wala kang gagastusin na kahit na piso, sila ang mag aasikaso sa mga papel at kailangan para makalipad,” dagdag pa nito.
Hindi na sumagot pa ang ale at nginitian lamang si Denden saka nagpaalam sa babae.
May tatlong anak na ang ale at lahat ng ito ay bunga ng kaniyang trabaho na pagbebenta ng aliw. Iba-iba rin ang ama ng tatlo niyang anak at hindi maikakaila ang angking ganda ng bunso niyang si Fatima lalo na nga ngayon na nagdadalaga na ito.
“Ma, sabi niyo sa akin ay hindi niyo ako itutulad sa inyo pero bakit niyo ako ibebenta? Ayaw ko!” umiiyak na sabi ni Fatima sa kaniyang ina habang hinahanda na ang mga gamit nito.
“Aanhin ko ‘yang ganda mo kung hindi ko naman mapapakinabangan! Isa pa, hindi na nagpapadala ang mga kuya mo sa atin at paniguradong may pamilya na ‘yun doon. Hindi na tayo makakaasa sa kanila!” baling ni Aling Ising sa 15 anyos niyang anak.
“Ilang taon na lang at makakapagtrabaho na ako pwede bang magtiis muna tayo?” lumuluha pa nitong paki-usap sa ina.
“Anak, ‘di ba mabait kang bata? Sabi mo mahal mo ako, pwes kung mahal mo ako ay pagbibigyan mo ako sa hiling kong ito. Hindi ka naman gagalawin doon, basta lagi ka raw maganda ay ayos na. Tatayo ka lang sa tabi ng hapon at ngingiti sa mga bisita. Isa pa, hindi naman gurang ang lalaki, malay mo ay magkagusto talaga sa’yo ‘yun at aasenso na talaga ang buhay natin! Ang buhay mo!” sigaw pa ni Aling Ising at hindi na nakapagsalita pa si Fatima.
Mabilis lamang ang mga sumunod na pangyayari, naasikaso kaagad ang papel ni Fatima at nakalipad na nga ito sa ibang bansa. Binigyan kaagad si Aling Ising ng limang libong piso para sa unang bayad at nagsunod-sunod ito ng hanggang sa tatlong buwan.
“Nakita niyo na ba si Denden? Mukhang hindi ko na siya nakikita?” tanong ni Aling Ising sa ilang mga kaibigan nya.
“Hindi mo ba narinig ang balita? Nagtago na raw ‘yung babaeng iyon dahil sa dami ng na-scam niya! Napakarami na rin daw utang nun!” sabi ng isang babae.
Hindi nagsalita ang ale at kaagad na tinawagan ang kaniyang anak kung ayos lang ba ito ngunit hindi na niya ito maka-usap. Hanggang sa tumagal pa ng ilang buwan at natuntun niya ang pinagtataguan ni Denden.
“Nasaan ang anak ko, Denden? Bakit hindi ko na siya matawagan kasabay ng pagkawala mo?” baling niya kaagad sa babae.
“Naku, Aling Ising, para naman kayong bago syempre malay niyo nagkaroon na ng ibang buhay ‘yun doon kaya hindi na kayo tinatawagan!” singal ni Denden sa kaniya.
“Tigilan mo ako, Denden, hindi maganda ang kutob ko sa nangyayari sa anak ko. Sabihin mo sa akin ang totoo!” pilit niya kay Denden sabay uga ng balikat ng babae.
“Aling Ising, nasasaktan naman ako! Huwag niyo sa akin ibuntong ang galit niyo kung hindi na kayo napapadalhan ng pera! Baka ayaw na talaga kayong kausapin ng anak! Isa pa, kayo naman ang nagtulak doon sa menor de edad niyong dalaga!” pagpupumiglas niya sa ale.
Walang nagawa si Aling Ising kung ‘di umuwi at paulit-ulit pa rin niyang tinatawagan ang anak ngunit hindi na talaga niya ito naka-usap. Hanggang sa lumipas ang isang taon at laking gulat na lamang niyang kumatok sa kaniyang pintuan si Fatima.
“O, nabuhay ka yata! Kabisado mo pa pala ang pauwi rito sa atin! Gumanda na ba ang buhay mo at bumalik ka na rito? Isang taon kang nawala anong mayroon at bumalik ka pa? Sasampalin mo ba ako ng mga lapad mo?! Magpasalamat ka naman sa akin at guminhawa ang buhay mo!” baling niya sa anak na nasa pintuan pa lang.
“Pagdating ko ho sa Japan ay sa napunta lamang ako sa isang sindikatong nagbebenta ng mga babae sa mga y@kuza. Ilang lalaki rin ang sinayawan ko ng nakahubad at ilang lalaki na rin ang nagparaos sa akin. Swerte ko lang at nakatakas ako makalipas ang ilang buwan at napunta sa ilang Pinoy saka nila ako natulungan na makauwi rito sa atin. Salamat, ma, nakaranas ako ng ibang klaseng pagbebenta ng laman. Maraming salamat, kung hindi niyo na ako tatangapin bilang anak niyo dahil nawala na ang ganda ko ay aalis din kaagad ako bukas pero sana hayaan niyo muna akong magpahinga ngayon,” sabi ni Fatima sa kaniya na walang kahit anong emosyon at pumasok sa kwarto saka isinara ito.
Hindi nakapagsalita si Aling Ising sa kaniyang narinig mula sa anak, buong akala niya’y may magandang buhay na ito kaya nawala sa kaniya ngunit siya pa pala ang nagpasok sa isang bangungot para sa dalaga.
Hanggang kumalat ang ibang balita tungkol sa tunay na dahilan ng pagtatago ni Denden dahil pala ito sa marami na palang nabibiktima ang babae na mga pamilya at dalaga na siyang nasisira ang buhay dahil nagiging bayaring babae sa ibang bansa at mas masaklap pa ay kinakawawa ito ng mga banyaga.
Ngayon ay hindi niya malaman kung paano siya babawi sa anak niyang si Fatima dahil sa labis na pagbabago nito. Hindi lamang sa pisikal kung ‘di maging sa emosyonal na pakikitungo nito sa kaniya. Kung maibabalik lamang niya ang panahon ay hinding-hindi na niya muli pa itong gagawin.

Palalayasin ng Babaeng ito ang Kaniyang Kasambahay dahil sa Kati ng Kamay, Mas Malaki pa pala ang Nawala sa Kaniya sa Huli
