
Palalayasin ng Babaeng ito ang Kaniyang Kasambahay dahil sa Kati ng Kamay, Mas Malaki pa pala ang Nawala sa Kaniya sa Huli
“Naku, friend, kung ako ‘yan ay sisisantihin ko na ‘yan! Naka-ilang kupit na ba ‘yan sa’yo at bakit hindi mo mapagsabihan?” tanong ni Arah, matalik na kaibigan ni Noemi.
“Alam mo nung una, maliliit na halaga lang naman ang nawawala. Sadya akong nag-iiwan ng mga bente o singkwenta sa bulsa ng mga pantalon ko para tignan kung ibabalik niya pa pero hindi na talaga. Iniisip ko na lang na tip ko na lang ‘yun sa pag-aalaga niya sa anak ko at maayos naman talaga ang bahay pero nitong mga nakaraan ay malaki na ang kinukuha niya. Sumasakit ang ulo ko talaga,” sagot ni Noemi sabay hawak sa ulo nito habang kausap pa rin sa telepono ang kaibigan.
“Kung may mahahanap lang ako kaagad na kasambahay ay ‘di sana matagal ko na itong sinabihan pero ako pa ang mapapasama. Noong nakaraan nga ay napagsabihan ko tungkol sa pagkain namin na mabilis maubos ay nagtampo kaagad at hindi ako kinakausap. Nahihirapan ako kasi may trabaho ako at hindi ko na maisisingit pa ang lumambing ng ibang tao sa dami ng iniisip ko,” dagdag pa nito.
“Alam mo tama ka rin, mahirap talaga makahanap ngayon ng kasambahay pero mas mahirap ‘yung may ganyan kang kasama. Hulihin mo na lang kaya sa akto o ‘di naman kaya bumili ka ng cctv para wala na siyang ligtas!” suhestiyon ng kaniyang kaibigan.
“Ay bakit nga hindi ko ‘yan naisip! Sige nga, bibili na ako ngayon!” masayang sagot niya rito at natapos ang kanilang usapan.
Maglilimang taon ng single mom si Noemi at simula noon ay kasambahay na niya si Aling Ingka. Maayos naman ito sa bahay at napakasipag din, swerte na nga raw siya rito dahil hindi na niya kailangan pang utusan at sabihin ng mga kailangan. Bukod pa roon ay napaka-ayos din ng pag-aalaga nito sa kaniyang anak na naging napakalapit na sa ale. Ngunit hindi niya rin maipagkakaila na medyo makati ang kamay nito lalo na nga pagdating sa pera kaya naman simula noong naging kasamabahay niya ang babae ay naging mas maingat at palatago siya sa pera. Kaya lamang ay napapansin niya nitong mga nagdaang araw ay napapadalas ang pagkukulang ng kaniyang ipon kahit nga itinatago na niya ito nang mabuti.
Kaya naisipan niyang bumili ng isang hidden camera online at halos dalawang linggo pa ang hihintayin niya bago ito dumating.
Kaya pa sanang maghintay ni Noemi ng ganoong katagal pero mukhang mapuputol na ang pisi niya ngayon na nakuhanan na naman siya ng isang libong piso.
“Anak, Kara, may sasabihin si mommy sa’yo. Aalis na si Nanay Ingka sa atin. Paalisin ko na siya, kailangang maging good girl ka!” wika ni Noemi at pilit na kinakalma ang sarili.
Hindi nagsalita ang kaniyang anak at napatingin lamang ito sa kaniya.
“Anak, naiintindihan mo naman si mommy, ‘di ba? Ayaw kong iiyak ka kapag wala na si nanay rito sa bahay. Bad si Nanay Ingka kaya aalis na siya sa atin,” muli pang sabi niya rito sa bata.
“Bakit siya naging bad, mommy?” tanong ng bata sa kaniya.
“Kasi nawawala ang pera ni mommy sa wallet at alam ni mommy na si nanay ang kumukuha nun. Stealing ang tawag doon, pagnanakaw sa Tagalog,” paliwanag niya rito.
“No, mommy, hindi ganoon si Nanay Ingka!” sigaw ng anak niya.
“Anak, hindi mo pa naiintindihan ang mga ganoong bagay, bata ka pa pero hindi magandang ugali ang kumukha ng pera lalo na kung hindi sa’yo at hindi nagpapaalam,” paliwanag niyang muli sa anak.
Tumahimik ito at bigla na lamang lumuha.
“Mommy, I’m sorry,” iyak ni Kara sa kaniya.
Hindi nagsalita si Kara at kinuha ang isang kahon sa ilalim ng kaniyang kama.
“Mommy, nandito ang pera mo,” sabi ni Kara habang lumuluha pa rin ito at binuksan ang kahon na naglalaman ng mga pera.
“Ano ito, Kara?! Saan ito galing,” gulat na tanong ni Noemi sa kaniyang anak.
“’Di ba tinanong kita noon kung magkano po ang sweldo mo sa isang araw, sabi mo maraming pera, pwede na po ba ito?” tanong ng bata habang lumuluha pa rin.
“Gusto ko lang naman ng isang araw na kasama ka, mommy, kaya kumukuha ako ng pera para pambayad sa’yo kasi sabi mo mahal ang araw mo kaya hindi ka maka-absent. Sorry, mommy, kung kinukuha ko po,” wika pang muli ng bata at mas lalo pa itong umiyak saka niya niyakap.
Hindi nakapagsalita si Noemi at labis na nagulat sa kaniyang natuklasan. Buong akala niya’y si Aling Ingka ang kumukuha ng pera ngunit ang anak pala niya mismo ang salariin sa gawaing ito. Mas masakit para sa kaniya na malaman ang dahilan ng kaniyang anak kung bakit ito nagawa, pakiramdam niya’y labis siyang nagkukulang sa pagiging ina.
Simula noon ay nilalaan niya ang kaniyang day off upang pakinggan ang bata at makipaglaro rito. Ngayon niya napagtanto na malaki na pala talaga ang supling na noon ay nasa sinapupunan lamang niya.