
Sinabihan na ang Lalaki ng Kaniyang mga Katrabaho Tungkol sa Hahatirang Kustomer; Ito Pala ang Dahilan Kung Bakit Ito Inaayawan
“Saan ang address na hahatiran mo p’re?” Usyosong tanong ni Kevin, ang kapwa rider ni Michael.
Agad namang binanggit ni Michael ang paghahatirang address at ang pangalan ng padadalhan.
“Naku! Blacklisted na ‘yang si Madam Adeline sa mga kapwa nating riders,” agad na reaksyon ni Kevin.
“Bakit naman?” takang tanong ni Michael.
“Malalaman mo mamaya, p’re. Ang maipapayo ko na lang muna sa’yo ngayon ay kumain ka ng tinapay na Paciencia, para humaba ang pasensya mo mamaya,” wika ni Kevin.
Agad namang umiling si Michael at minadaling inayos ang lahat ng parselang kailangan pa niyang ihatid. Sana makauwi siya ng maaga ngayon. Sana walang pasaway na kustomer siyang makakasalamuha.
Eksaktong alas tres ng hapon nang marating niya ang address ni Ma’am Adeline. Agad niyang t-in-ext ito upang ipaalam na nasa labas na siya ng gate nito.
Ngunit lumipas ang ilang minuto’y wala man lang itong reply. Kaya nagdesisyon si Kevin na tawagan na lamang ang kustomer. Baka wala itong pang-text at baka naka-silent ang selpon nito, dahilan upang hindi nito mapansin ang pinadala niyang mensahe.
Ngunit naka-sampung tawag na yata siya sa numero nito’y wala man lang sumasagot.
“Ito ba ang dahilan kaya blacklisted na ang taong ito sa mga kasamahan ko?” kausap ni Michael sa sarili.
Mahigit isang oras na siyang naghihintay sa labas ng gate ni Ma’am Adeline, at medyo masakit pa sa balat ang sikat ng araw. Ganito ba talaga ito palagi? Sa wakas! Makalipas ang halos dalawampung missed call ay sumagot na rin ito.
“Nagmamadali ka ba kuya? Hindi ka makapaghintay?” asik na wika ng babae sa kabilang linya.
“P-po?” nauutal na wika ni Michael.
Siya pa ngayon ang nagmamadali? Halos magda-dalawang oras na nga siyang nakatayo sa labas ng gate nito. Siya pa ngayon ang hindi makapaghintay?
Sa kabila ng inis na nadarama ay minabuti ni Michael na gawing mahinahon ang tono ng boses. “Kanina pa po kasi akong nakatayo rito sa labas ng gate niyo ma’am. Saka sana po maisip ninyo na hindi lang po kayo ang taong hahatiran ko ng mga parsela,” aniya sa panipigilang gigil.
“Anong pakialam ko?! Obligasyon mong ihatid ang bawat parselang iyan. Binabayaran kayo upang maghatid ng mga parsela. Hindi ko utang na loob iyon sa’yo! Maghintay ka d’yan! Palabas na ako!” singhal pa rin ng babaeng nasa kabilang linya at walang ano-ano’y ibinaba na nito ang tawag.
Nangigigil man sa inis dahil sa bastos na ugali ng pa-importanteng kustomer ay pinilit ni Michael na huminahon. Makalipas ang ilang minuto ay nasa harapan na niya ang isang babaeng nagpakilala bilang si Adeline.
“Hindi ka man lang ba hihingi ng pasensya sa’kin, kuya? Napakabastos mo kayang rider. Minamadali mo ang nga kustomer mo. Pangit ang ganyang ugali kuya.
Baka ipasibak kita sa amo mo, at baka dahil lang sa’yo kaya masisira ang kumpanyang in-orderan ko nito. Isusulat ko sa ratings na mga bastos ang rider na naghahatid sa mga kustomers nila!” Mataray na wika ni Adeline.
Wala sa loob na agad nagsalubong ang kilay ni Michael sa sinabi ng babae. “Hindi niyo po ba nakita ang pinaka-unang mensahe ko sa’yo ma’am?” aniya. Pilit pa ring pinipigilan ang pagtaas ng boses. “Dapat nga ikaw ang humingi sa’kin ng despensa dahil pinaghintay mo ako rito sa labas ng gate ninyo ng halos dalawang oras, habang tirik na tirik ang araw,” dugtong ni Michael.
“Aba’t bastos ka pala talaga ah!”
“Bakit ako hihingi ng despensa sa taong bastos at pa-importanteng kagaya mo. Masyado yatang mataas ang tingin mo sa sarili mo madam, por que ganito lamang ang trabaho namin. Hindi niyo yata alam ang salitang konsiderasyon sa kapwa.
Okay lang sana kung mag-inarte ka sa’ming mga riders kung kasing ganda mo si Marian Rivera, e madam mas maganda pa nga si Kiray sa’yo. Alalahanin niyo po madam, hindi lang ikaw ang kustomer ng shop na pinagtatrabahuan ko, at hindi ka kawalan.
Sa katunayan nga’y black listed ka na sa’ming mga riders. Kaya dapat magpasalamat ka’t may nagta-tiyaga pa ring maghatid ng iyong parsela. Tandaan mo ang mukha ko Madam Adeline, ito na ang una’t huling beses na ihahatid ko sa’yo ang parsela mo.
Michael Velasquez ang buong pangalan ko. Ipasibak mo ako kung gusto mo,” mahinahon ngunit may halong inis na wika ni Michael sa babaeng feeling VIP!
Hindi na nakapagsalita pa si Adeline sa inis na naramdaman sa harap-harapang pang-iinsulto ni Michael. Nagbanta itong ipapasibak siya at sinisuguro nitong pagsisihan niya ang kaniyang mga sinabi sa babae. Isang matipid na ngiti lamang ang isinagot ni Michael at pinaharurot palayo ang dalang motor.
Sa dami ng riders na pinagpasensyahan ang babae’y nakahanap rin siya ng katapat sa katauhan ni Michael. Huwag masyadong maging makasarili. Hindi lang ikaw ang tao sa mundo. Lahat ng tao’y kumakayod upang mabuhay, magkaroon naman ng kahit kaunting konsiderasyon sa kapwa.