
Nalaman Niyang Nagtataksil ang Kaniyang Kasintahan; Isang Lihim ang Kaniyang Matutuklusan, Kung Saan nga ba Siyang Dapat Lumugar
Isang nakakagigil na balita ang sinabi sa kaniya ng kaniyang kaibigan na si Danica, dahilan upang ngayon pa lang ay gusto na niyang magpaalam na umuwi, upang sugurin ang ka*bit ng kaniyang asawang si Jeffrey.
“Saan at kailan mo nakita, Danica?” Nanginginig na boses na wika ni Thea.
Sinalaysay naman agad ni Danica kay Thea, kung kailan niya nakita ang boyfriend nitong may kasamang ibang babae at kung saan niya ito nakita.
“Sigurado ka ba? Baka magkaibigan lamang sila o baka magkatrabaho lamang?”
“May magkaibigan bang nagki-kiss? May magkatrabaho bang nagsusubuan? Diyos ko, Thea! Gising-gising din pag may time!” Ani Danica.
Lalo lamang kumulo ang dugo ni Thea sa sinabi ni Danica. Paanong nangyaring may kerida si Jeffrey? Hindi man lang niya iyon napapansin. Kasi halos lahat naman ng oras ng lalaki ay nilalaan nito sa kaniya. May mga oras na may mga kailangan itong gawin, pero lahat nang iyon ay ipinapaalam sa kaniya ng nobyo.
“Samahan mo ako’t pupuntahan natin iyang lugar na sinasabi mo kung saan mo palaging nakikita si Jeffrey at ang kerida niya. Humanda sila sa’kin!” gigil na wika ni Thea.
Gaya ng kaniyang inutos sa kaibigan ay sinamahan nga siya ni Danica sa lugar kung saan niya palaging nakikita si Jeffrey, kasama ang babae nito. At doon nga nasaksihan ni Thea na totoo ang lahat ng sinabi ng kaibigan.
Naka-akbay si Jeffrey sa babae habang masayang nagngingitian. Buntis ang babae, dahil sa laki ng umbok ng tiyan nito. Kailan pa siya niloloko ng kaniyang nobyo? Hindi na napigilan ni Thea na sugurin at komprontahin ang dalawang taksil.
“T-thea?” mahinang sambit ni Jeffrey na animo’y nakakita ng multo.
“Anong ibig sabihin nito, Jeff? Kailan niyo pa ako niloloko?” galit na wika ni Thea, saka binalingan ang babaeng maharot. “Ikaw! Malandi kang babae ka. Hindi mo ba alam na may nobya na ang lalaking kinakalan*tari mo!” Singhal ni Thea sa babaeng parang na-istatwa na sa kinatatayuan.
“Thea, mag-usap tayo nang mahinahon. Huwag sa ganitong paraan, please. Baka makasama sa baby namin ni Andrea, ang pang-iiskandalo mo,” nagmamakaawang wika ni Jeffrey.
“Ang kapal ng mukha mo, Jeff!” mangiyak-ngiyak na wika ni Thea, sabay sampal ng malakas sa taksil na nobyo. “Kailan mo pa ako niloloko? Kailan pa nagsimula ang relasyon niyo ng babaeng ito!”
“I can explain, Thea. Pero hi—” nahihirapang wika ni Jeffrey.
“Ayoko! Tinatanong kita kung kailan niyo pa ako nilolokong dalawa ng malanding babaeng ito!” gigil na singhal ni Thea sa nobyo.
Para namang nabuhusan ng malamig na tubig si Andrea sa sinabi ni Thea na isang siyang malanding babae. Kaya siya na mismo ang sumagot sa tanong ni Thea.
“March-29-2009, petsa kung kailan kami ikinasal ni Jeffrey!” matigas at taas-noong wika ni Andrea. “Ikaw kailan nagsimula ang relasyon niyong dalawa ng asawa ko?”
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Thea, pati na si Danica sa sinabi ni Andrea.
“K-kasal? A-asawa mo siya?” nauutal-utal na sambit ni Thea.
“Yes, we are. Kasal kami at ako ang asawa ni Jeffrey. May dalawa kaming anak, pangatlo na itong nasa sinapupunan ko. Ikaw? Anong papel mo sa buhay ng asawa ko?” mahinahong tanong ni Andrea.
Ano nga pala ang papel niya sa buhay ni Jeffrey? Ang buong akala niya’y siya ang buhay nito— noon! Ang buong akala niya’y siya ang magiging asawa nito, sa hinaharap. Ngunit bakit lahat ng inakala niya’y mali.
“Bakit hindi mo sinabi sa’king may asawa ka pa lang tao, Jeffrey?” hindi makapaniwalang wika ni Thea. “Ang lakas ng loob kong sugurin kayo at magalit sa babaeng inakala kong ka*bit mo. Tapos ngayon malalaman kong ako pala ang lumalabas na ahas dito,” humihikbing wika ni Thea.
“I’m sorry, Thea. Matagal ko na ring gustong aminin sa’yo ang totoo. Pero natatakot ako sa kahihinatnan. Patawarin mo ako kung sa ganitong paraan nagtapos ang lahat,” malungkot na wika ni Jeffrey.
Imbes na sagutin pa ang nobyo ay pinalapat niya ang magkabilang kamay sa pisngi nito. “Iyan lang ang kaya kong ibigay na sakit sa’yo kapalit ng pananakit mo sa’kin, Jeffrey,” aniya. Buong tapang na pinigilan ang luhang nais na namang umagos. “Dalawang taon mo akong niloko at pinaasa sa wala.
Sana karmahin ka— ikaw lang. Hindi kasama ang asawa mong inosente sa kaga*guhang ginawa mo sa’ming dalawa. Sana maging mahimbing ang tulog mo, matapos mong gawin sa’kin ang lahat ng ito!” aniya saka muling sinampal ang lalaki.
Bago tuluyang umalis ay masinsinang kinausap ni Thea si Andrea.
“I’m sorry kung nagawan kita ng kasalanang hindi ko alam,” mangiyak-ngiyak niyang wika. “Hindi ako galit sa’yo. Dahil pareho tayong biktima rito. Ayusin niyo ang gusot na ito. Pangako, hinding-hindi na ako makikigulo sa relasyon ninyong dalawa,” aniya saka tuluyang nagpaalam.
Ang hirap magmukhang t@nga. Ang tapang pa ng mukha niyang sugurin si Andrea, iyon pala’y siya ang ka*bit ng asawa nito. Kung anuman ang mangyayari sa relasyon ni Jeffrey at Andrea ay wala na siyang pakialam. Ang mahalaga’y nalaman niyang isa pa lang malaking loko ang lalaking minahal niya ng dalawang taon!