
Malaki ang Galit sa Puso ng Lalaki sa Kaniyang Tiyahin Dahil sa Ginawa Nito Noon sa Kaniya; Paanong Mangyayari ang Pagpapatawad Dahil sa Apat na Estrangherong Bata?
“Kahit magkano lang naman sana, Allan. Babayaran naman namin kapag nakaluwag-luwag na. Kailangang-kailangan lang ng Tita mo para sa gamutan niya. Alam mo, ikaw ang pinakahuling taong naisip ko na lapitan. Pero wala na akong mapamimilian. Desperado na ako, pinsan.”
Hindi kumibo si Allan. Nagsadya sa kaniya ang pinsang si Claribelle at humihiram ng malaki-laking halaga ng pera sa kaniya, dahil kailangang operahan ang nanay nito, na kapatid naman ng nanay ni Allan.
Hindi naging maganda ang naging pagtrato sa kaniya ng tiyahin, na kumupkop sa kaniya nang maagang sumakabilang-buhay ang kaniyang nanay. Inalipin siya nito. Dahil hindi na matiis ang pagtrato sa kaniya, ipinasya ni Allan na bumukod na lamang. Pinag-aral niya ang kaniyang sarili. Hindi niya pinakinggan ang mga panunumbat nito noong una, na kesyo wala raw siyang utang na loob. Isa raw siyang adelantado.
Makalipas ang maraming taon, nakapagpatayo ng maliit na pares-mami house si Allan sa tapat ng kaniyang biniling bahay. Masasabing maayos naman ang itinatakbo ng kaniyang negosyo. Nakapagpundar na rin siya ng mga gamit. Nakapag-ipon-ipon na rin. Masinop at madiskarte sa pera si Allan dahil takot na siyang magutuman. Isa pa, mag-isa lamang siya sa buhay. Alam niya sa sarili niyang hindi siya mag-aasawa dahil hindi niya gusto ang mga babae…
“Matapos ang ginawa ng Nanay mo sa akin, ngayon, sa akin siya lalapit? Akala ko ba hindi na ninyo ako kailangan at hindi kaanak ang turing ninyo sa akin? Ngayong nagigipit kayo, saka lang ninyo ako naaalala? Saka lang ninyo naisip na kadugo ninyo pala ako?” sumbat ni Allan sa pinsan. Nakayuko lamang ito.
“H-Hiyang-hiya ako nang lumapit ako rito, Allan. Sana mapatawad mo naman ang Nanay sa mga nagawa niya sa iyo. Wala na bang puwang sa puso mo ang pagpapatawad? Sana mayroon pa. Nagsisi na ang Nanay sa mga ginawa niya sa iyo. Sana man lamang madalaw mo siya. Sige, tutuloy na ako, Allan. Pasensiya na at naabala pa kita,” saad ni Claribelle. Nagpaalam at umalis na ito. Hindi man lamang nagsalita si Allan.
Maya-maya, apat na batang tila mga nangangalakal ang pumasok sa kaniyang pares-mami house. Gusto niya sanang sawayin ang mga ito, subalit napansin niyang may mga pera naman ito, kaya baka bibili naman. Narinig niya ang pag-uusap ng apat. Ang isa ay tumitingin sa presyo ng mga pagkain.
“20 pesos ang mami. Magkano ang kinita natin?” tanong ng unang batang lalaki, na naglalaro sa walong taong gulang ang edad.
Nagbilang naman ang iba pa.
“60 pesos lang ‘to! Kung apat tayo, isa ang hindi makakakain!” sabi ng pangalawang bata.
“Paano iyan? Sino ang hindi kakain?” tanong ng unang bata.
Itinuro ng dalawang bata ang isa nilang kasama.
“Siya na lang! Tutal lagi naman tayong inaaway niyan!”
“Uy huwag ganiyan. Kawawa naman. Lahat tayo kakain. Ganito na lang, mag-ambagan na lang tayo para sa kaniya. Okay lang ba?” tanong ng unang bata.
“Magkano ba?” tanong naman ng pangatlong bata.
“Sige tig-5 piso kayong dalawa, ako na sa 10 piso tutal ako naman ang nagsabi. Kahit inaaway kayo niyan, kaibigan pa rin natin iyang si Jojit,” sabi ng unang bata, na parang matanda na mag-isip.
Nabagbag ang damdamin ni Allan sa mga narinig niya mula sa apat na bata. Kaya nang umorder na ito ng apat na mami, sa tuwa ni Allan ay binigyan niya ito ng tig-isang siopao.
“Wow! Maraming-maraming salamat po!” pagpapasalamat ng unang bata.
Sa pag-uusisa ni Allan, napag-alaman niyang mga batang nangangalakal ito ng bote, papel, at garapa dahil may iba’t ibang mga problema sa pamilya. Naalala ni Allan ang kaniyang nakaraan. Bago umuwi ang mga bata, binigyan niya ang mga ito ng libreng samalamig.
“Balik kayo rito ulit ah!” nakangiting sabi ni Allan sa apat na bata. Nang makaalis ang mga ito, kinuha niya ang kaniyang cellphone at tinawagan si Claribelle.
“Nasaang ospital ang Tita? Pupuntahan ko kayo…”
Nasa harap na ni Allan ang nanghihinang tiyahin, na nakatakdang operahan.
“Patawarin mo ako Allan, patawarin mo ako sa mga nagawa ko sa iyo…”
“Ssshhh Tita… huwag ka nang mag-alala. Okay na tayo. Ang mahalaga po, magpagaling at magpalakas po kayo,” nangingilid ang mga luhang sabi ni Allan sa tiyahin. Kay gaan sa pakiramdam ang pagpapatawad.
“Pinsan… maraming salamat sa pagpapautang ha? Malaking bagay para kay Nanay!” naiiyak na sabi ni Claribelle. Hinawakan at pinisil ni Allan ang kanang balikat.
“Huwag mo nang isipin iyan. Hindi utang iyan. Para kay Tita iyan,” sabi naman ni Allan. Hindi na kumibo si Claribelle. Niyakap na lamang siya at saka bumalong ang luha. Gumanti ng yakap si Allan.
Gumaling naman ang tiyahin ni Allan bagay na ipinagpasalamat niya sa Diyos at dininig ang kanilang panalangin. Tuluyan na nga silang nagkaayos at kinalimutan na nila ang nakaraan.
Napagtanto ni Allan na mas masarap ang pagpapatawad. Maraming salamat sa apat na batang mga nagsilbing anghel na ipinadala ng Diyos sa kaniya upang matamo niya ang kapayapaan at katiwasayan ng kaniyang puso.