
Halos Mawalan ng Malay si Mister nang Malamang Nasangkot sa Aksidente ang Kaniyang Misis; May Kasunduan Pala Silang Sinuway Nito
Hindi malaman ni Diego ang gagawin matapos ibaba ang tawag na galing sa presinto. Ayon sa lalaking nagpakilala sa kaniyang si SPO2 Santos ay nabangga raw ng kaniyang asawang si Quennie ang sasakyan nito sa isa pang sasakyan at kailangan daw siyang pumunta roon dahil sa kaniya nakapangalan ang insurance ng sasakyan.
Ilang minuto rin ang lumipas ay naroon na siya sa mismong address na sinabi ni SPO2 Santos. Matagal man ang naging proseso’y naging maayos rin naman ang lahat. Nagkasundo ang bawat panig at nagkaayos.
“Bakit mo naman kasi binangga ang sasakyan? Sinabihan naman kita na huwag kang mag-drive mag-isa. Nasaan ba sina Timmy at Nestor? Bakit hindi ka nagpasama sa kanila? Tignan mo tuloy na bangga ang sasakyan natin at nakabayad pa tayo nang malaki!” Nanggigigil na wika ni Diego sa asawang ngayon ay nakatingin lamang sa labas ng bintana.
“Hindi ko ginusto ang nangyari, Diego. Sinong ta*nga ang ibabangga ang sariling sasakyan,” asik nito habang nakaharap pa rin sa may bintana.
“Alam ko. Kaya nga sana sa susunod, Quennie, huwag ka ng magmaneho ng sasakyan! D’yos ko naman. Mabubutas ang bulsa ko sa’yo,” ani Diego na kulang na lamang ay hampasin ang manibela.
“Talagang pera mo lang ang inaalala mo, Diego?” Galit na asik ni Quennie. “Hindi mo man lang tinanong kung kumusta ako. Kung okay lang ba ako o hindi ba ako nasaktan sa nangyaring banggaan!” Mangiyak-ngiyak na wika pa nito.
“Teka lang. Ano bang pinagsasasabi mo?” Takang wika ni Diego.
“Ginusto ko bang mabangga ako? Ginusto ko bang gumastos ka nang malaki? Ayos ka ah! Alam kong kasalanan ko ang nangyari pero aksidente iyon, Diego.
Walang may gusto no’n. Hindi pa naman ako gan’on ka desperada para magpakam@tay. Bakit sinusumbat mo ang lahat sa’kin na parang ang laki-laki ng kasalanang nagawa ko?!” Tumatangis na wika ni Quennie.
Sa pag-aalala’y agad na ipinarada sa gilid ng daan ni Diego ang sasakyan upang aluin ang asawang umiiyak.
“Hindi naman ako nagagalit sa’yo, Quennie,” mahinahong wika ni Diego.
“Hindi galit?! Ano pala iyong ginagawa mo kanina?”
“Siyempre nag-aalala ako sa’yo. Paano kapag napahamak ka? Kaya nga pinag-iingat lang kita. Kaya sinasabihan kita na huwag ka nang magmaneho at baka maulit ang nangyari kanina’t mas higit pa ang nangyari. Sorry kung sa ibang paraan ko nasabi,” ani Diego sabay hila sa asawa at niyakap nang mahigpit.
Kung alam lamang ni Quennie ang nangyari sa kaniya kanina nang malaman niyang nabangga ito. Kulang na lang ay mahimatay siya sa balitang kaniyang nalaman.
Hindi man niya naipabatid sa maayos na paraan ang kaniyang pag-aalala’y alam niya sa kaniyang puso na kahit maubos ang pera niya at masira ang lahat ng kotse nila’y hindi no’n mapapalitan ang buhay ng kaniyang asawa.
“Sorry, Diego ah. Alam kong pinag-alala kita kanina. Ninais ko lang namang magmaneho para hindi na ako maka-istorbo sa mga kasama natin sa bahay.
Nahihiya na kasi ako sa kanila e, sa t’wing aalis na lang ako’y dapat kasama ko sila para may nagmamaneho sa’kin. Kaso minalas ako’t nakagawa pa ng aksidente sa daan,” humihikbing wika ni Quennie.
“Huwag kang mahihiya sa kanila, Quennie. Mas mabuting may kasama ka dahil sa gano’ng paraan ay mas ligtas kang makakarating sa’yong pupuntahan. Mabuti na lang at hindi malala ang banggaang nangyari kanina,” puno ng pag-aalalang wika ni Diego.
“Pangako hindi na ako magmamaneho nang mag-isa,” nakayukong wika ni Quennie sa asawa.
“Darating din ang panahon na matututo kang magmanehong mag-isa, Quennie. Pero sa ngayong hindi ka pa gano’n kagaling ay ipaubaya mo muna kina Timmy at Nestor ang manibela. Hindi masamang matuto, pero mas lalong hindi masama ang mag-iingat. Iisa lamang ang buhay ng tao,” ani Diego saka dinampian ng magaan na halik ang labi ng asawa.
“Sorry ah. Nagalit lang naman ako sa’yo kanina kasi sa paraan ng pananalita mo. Alam kong kasalanan ko ang lahat. Kaso nakakainis lang ‘yong pakiramdam na kasalanan mo na nga, sinisisi ka pa nang hindi man mo man lang inabalang itanong kung maayos lang ba ako,” mahinahong wika ni Quennie sa asawa.
“Sorry rin Quennie, sa labis na pag-aalala ko kanina’y hindi ko na naisip na kumustahin ka. Nang makita kitang nakatayo at walang kahit anong galos sa katawan ay naging sapat na para maging masaya ako, pero sa kabilang banda’y galit ako dahil sa ginawa mo. Kaya imbes na alalahanin ang nararamdaman mo’y mas inuna kong pagalitan ka. Pasensiya ka na sa naging trato ko kanina,” paliwanag ni Diego at muli silang nagyakapan.
Walang anuman ang mas hihigit sa buhay ng tao. Mawala na ang lahat huwag lang ang buhay, dahil isang beses ka lang mabubuhay sa mundo, kaya pakaingatan mo ito.

Malaki ang Galit sa Puso ng Lalaki sa Kaniyang Tiyahin Dahil sa Ginawa Nito Noon sa Kaniya; Paanong Mangyayari ang Pagpapatawad Dahil sa Apat na Estrangherong Bata?
