
Labis na Inggit ang Nararamdaman ng Babaeng Ito kaya naman Isusugal Niya Pati Kinabuksan ng mga Anak, Luha ang Sukli sa Kaniya ng Kapalaran
“Bakit ganoon?! Pare-parehas lang naman kami noon. Mas mahirap pa nga ‘yang si Lanie sa akin noong nasa kolehiyo kami pero tingnan mo naman ang mga post niya ngayon sa FB. Nakakainis! “ wika ni Jean sa kaniyang asawa.
“E ‘di ba ‘Kano naman ang napangasawa niyang si Lanie kaya biglang yaman. Huwag mo na lang pansinin dahil ganun naman talaga ang mga tao ngayon. Hindi nagpo-post ng negatibo sa social media,” sagot ni Marvin asawa ng babae.
“Kasalanan mo’ng lahat ng ito! Hindi ka kasi sumisipsip doon sa boss mo ayan tuloy ang tagal-tagal ng promotion mo! Magbenta ka na nga lang ng insurance, sabi nila malaki raw ang kita sa gano’n! Napag-iiwanan na tayo, Marvin!” nagwawala niyang sigaw sa asawa.
Hindi na nagsalita pa si Marvin at iniwan na lamang ang kaniyang misis sa kanilang kwarto saka pinuntahan ang kambal nilang anak na natutulog na.
Magsasampung taon nang mag-asawa ang dalawa, maayos na sana ang karera at ipon ng mga ito dahil sa magandang tinapos at maayos na trabaho kaya lamang ay nagbago ang lahat ng mabuntis si Jean ng kambal. Simula noon ay nagastos ang kanilang ipon at tumigil sa trabaho ang babae kaya naman mas humigpit ang budget nilang pamilya.
“Lanie, ang susyal mo na talaga! Miss na kita, friend,” hindi napigilang mensahe ni Jean sa kaniyang dating kaklase.
Kaagad naman siyang sinagot at tinawagan nito.
“Naku, Jean, may bago nga kaming project diyan sa Maynila. Baka gusto mong kumuha ng unit sa condo, mura lang ang babayaran mong downpayment. Discount ko na sa’yo kasi magkaibigan naman tayo,” sabi ni Lanie sa kaniya.
“Naku, matagal ko na ngang gustong kumuha ng ganiyan, naghahanap lang talaga ako ng kakilala ko. Alam mo naman, wala na ako trabaho at medyo mahigpit ang budget namin ngayon pero kakausapin ko pa rin si Marvin tungkol dito at babalikan kita kaagad!” mayabang sagot ni Jean kahit nga ang totoo ay wala naman sa plano nila ang kumuha ng condominium unit. Mas tumagal pa nga ang usapan nila at mas lalo pang naramdaman ni Jean ang labis na kainggitan sa pamumuhay ng kaniyang kaibigan.
“Dali na, isang unit lang naman ang bibilhin natin! Isa pa, para naman ‘yun sa kambal kapag lumaki na sila. Gusto mo ba habang buhay ay mangungupahan tayo? May laman naman ‘yung mga bank account nung dalawa! Isa pa, may ambag naman ako sa pera na ‘yun nung may trabaho pa ako. Pinag-ipunan naman natin ‘yung dalawa, hindi lang ikaw!” sigaw ni Jean sa kaniyang mister.
“Ayan ang napapala mo sa pakikipag-usap kay Jean! Hindi ba’t pinag-usapan na natin na para iyon sa pag-aaral nila at kahit anong mangyari ay hindi natin iyon gagalawin. Hindi para sa condominium, Jean, naman pwede bang tigilan mo na iyan! Ang dami kong iniintindi ngayon para sabayan mo pa ng ganito. Alam kong maraming nawala sa’yo at marami na akong hindi maibigay na luho pero hindi naman ito para sa atin lang kung ‘di para sa mga anak natin,” naiinis na sabi ni Marvin sa kaniya at saka ito tumayo at lumabas.
Hindi na nagsalita pa si Jean sa sobrang inis niya sa kaniyang mister ngunit mas nananaig ang inggit at kagustuahan niyang makasabay kay Lanie. Kaya naman kahit na hindi alam ni Marvin ay inilabas ni Jean ang ipon ng kambal na halos tatlong daang libo.
“Lanie, nadeposit ko na ang pera na kailangan mo. Kailan ko makukuha ang mga papeles na kailangan para roon sa condo?” masayang tanong nito sa kaibigan.
“Mga ilang araw pa, aasikasuhin ko ‘yun kaagad kausap ko lang din kasi ang iba nating mga kaklase na gusto ring kumuha ng ibang unit. Huwag kang mag-alala ako na ang bahala sa lahat. Sa susunod na buwan ay uuwi na kami sa ‘Pinas at sabay-sabay tayong bibisita sa condo natin,” masayang sabi ni Lanie sa kaniya.
Naging napakasaya ni Jean ngunit pinilit na nilihim-lihim ito sa asawa hanggang sa makauwi si Lanie ng Pilipinas. Naka-usap na rin niya ang iba pang kaklase na kumuha rin ng unit kay Lanie at nagkaroon siyang muli ng dahilan upang makipagkumustahan sa mga dating kaibigan na noon ay iniiwasan niya dahil pakiramdam niya’y masyado na siyang nasadlak sa kahirapan at nahinto na ang kaniyang buhay nang maipanganak ang kaniyang mga supling.
“Jean! Natatawagan mo si Lanie? Hindi ko na siya makita sa Facebook!” wika ng isa niyang kaklase sa kaniya.
“Teka lang, kakagising ko pa lang! Saglit at titingnan ko!” pupungas-pungas na sagot ni Jean dito at kaagad na binaba ang telepono upang tawagan si Lanie. Ngunit katulad nga ng mga nababasa niya sa group chat nilang magkakaibigan ay hindi na nila makita pa o matawagan ang account o numero ng babae.
Mas lalo pa silang kinabahan ng pumutok ang balitang scam lang pala ang sinasabi nitong pinapatayong condominuim at hindi rin kilala si Lanie bilang ahente roon. Parang binuhusan ng malamig na tubig si Jean at napadapa ito, nanginginig ang kaniyang kamay habang hawak ang telepono. Hindi pa rin nya tinigilan ang pagtawag kay Lanie ng halos buong araw at mga sumunod pa.
“Pa, p@t*y!n mo na ako, alam kong magagalit ka. Alam ko na ang sasabihin mo, tatanggapin ko ang lahat pero parang awa mo na. Huwag kang makipaghiwalay sa akin, ayaw kong mawalan ng ama ang mga anak natin. Patawarin mo ako!” iyak ni Jean kay Marvin nang malaman na ito ng kaniyang mister.
Mas pinili na lamang na hindi magsalita ni Marvin at tinawag ang kaniyang mga kaibigan na pwedeng tumulong sa kanila upang mahabol o masampahan ng kaso si Lanie kahit nga nasa ibang bansa ito.