Inday TrendingInday Trending
Kapalit ng mga Ibinigay Niyang Tulong at Regalo’y Hinihingan Niya ang mga Kapitbahay ng Asin o Mantika; Ito Pala ang Dahilan

Kapalit ng mga Ibinigay Niyang Tulong at Regalo’y Hinihingan Niya ang mga Kapitbahay ng Asin o Mantika; Ito Pala ang Dahilan

“Salamat sa ibinigay mo, Joana ha. Sigurado ka bang asin o mantika lamang ang hinihiling mo? Baka may kailangan ka pang iba,” aligagang tanong ni Aleng Fe, isa sa malapit nilang kapitbahay.

“Kung ano lamang ang kaya mo, Aleng Fe, kahit asin lamang ay masaya na ako sa ibibigay mo,” nakangiting wika ni Jelai.

Nang matapos mangolekta ng asin at mantika ni Jelai ay nagdesisyon na siyang umuwi. Sinalubong siya ng kaniyang anak na si Joana.

“Ma, ano pong ginagawa ninyo?” takang tanong ni Joana sa inang si Jelai, habang ang buong atensyon ay nasa dala-dala ng ina.

Kagabi lang ay abala ang buong pamilya sa pamimigay ng mga regalo sa kanilang mahihirap na kapitbahay. Mula noong nakapag-abroad ang kaniyang dalawang ate at kuya at nakakatanggap na ng padala ang kaniyang ina ay nakaugalian na nitong mamigay sa mga kapitbahay nilang kapos t’wing sasapit ang kapaskuhan.

“Marami naman tayong asin at mantika sa bahay kaya bakit kailangan mo pang manghingi sa kanila?” dugtong ni Joana.

Agad namang tumawa si Jelai sa nakitang kulubot sa mukha ng kaniyang anak. “Gusto ko lang anak.”

Mas lalong lumalim ang gitla sa noo ni Joana, sa sinabi ng ina. “Ano ‘yan, naisipan mo lang?”

“Hindi naman. Bakit mo natanong?”

“Nagtataka lang ako. Anong gagawin niyo sa asin at mantika? Saka kaya mo namang bilhin ang mga ‘yan. Bakit hinihingi mo pa sa mga kapitbahay nating mahihirap?”

“May dahilan ako, Joana. Hindi ito trip lang,” nakangiting wika ni Jelai, saka diretsong pumasok sa kusina upang ilagay sa lagayan ang nakolektang asin at mantika na galing sa kaniyang mga kapitbahay.

“Alam mo kasi anak, tayong may kakayahang magbigay sa’ting kapwa’y nagagawa nating mamili kung ano ang gusto nating bilhin para sa kanila, kasi may pera tayong pambili. Pero ang mga kagaya ng kapitbahay nating kapos ay hindi,” marahang paliwanag ni Jelai sa anak.

“A-anong ibig niyong sabihin, mama?”

“Masaya sila sa t’wing nabibigyan natin sila ng regalo at nabibigyan ng tulong kapag kailangan nila. Pero sa kanilang saloobin, Joana, ay nais rin nilang magbigay ng ganti sa mga taong nagbigay sa kanila ng tulong. Kaso nga lang hindi nila alam kung paano ibabalik ang pabor. Kaya nga may tinatawag na utang na loob ‘di ba?

Kasi iyon na lamang ang kaya nilang ibalik sa tulong na naibigay mo sa kanila. Kaya naisip ko, para hindi nila tanawing utang na loob ang mga regalo at tulong na ibinigay ko’y. Hiningan ko sila ng bagay na kaya lamang nilang ibigay sa’kin, gaya ng mantika o asin. Sa gano’ng paraan ay masabi nilang patas na kami. Binigyan ko sila kagabi ng regalo. Binigyan naman nila ako ng asin at mantika ngayon,” nakangiting paliwanag ni Jelai sa anak.

Naguguluhan man si Joana ay naiintindihan niya ang ibig sabihin ng kaniyang ina. Ayaw ng Mama Jelai niyang isipin ng mga kapitbahay nila na nagbibigay sila ng regalo sa mga ito upang mag-ipon ng utang na loob, upang mapakinabangan nila pagdating ng araw.

“Sa ganitong paraan anak, alam kong hindi na sila mahihiyang lumapit sa’tin at humingi ng tulong. Kasi alam nilang tumatanggap tayo ng kahit anong bagay na kaya lamang nilang ibigay. Maliit na bagay man, ang mahalaga’y kusang loob nilang ibinigay sa’tin iyon,” ani Jelai.

“Naiintindihan ko na po ang nais niyong sabihin mama. Salamat po at ipinaliwanag niyo sa’kin ng maiigi at tama po kayo. Minsan kahit gusto nating magbigay pabalik sa’ting kapwa ay hindi natin maitatanging kapalakip no’n ang pag-aalangan nating baka hindi nila magustuhan, lalo na sa sitwasyon ng mga kapitbahay natin. Mabuti at naisip ninyo iyan upang hindi na rin sila mag-alangan sa pamilya natin,” nakangiting wika ni Joana.

Nilapitan ni Jelai ang anak at mahigpit na niyakap. “Tandaan mo Jelai, na bilog ang mundo. Hindi sa lahat ng panahon ay nasa itaas tayo. Hindi natin alam ang bukas. Darating ang araw na hihingi tayo ng tulong sa iba. Kaya dapat ngayon pa lang iparamdam natin sa kanila na kaya nila tayong abutin at kailangan din natin sila, sa mga bagay na kaya lamang nilang gawin sa kanilang kapwa,” masayang wika ni Jelai.

Masarap sa pakiramdam kapag nakakapagbigay ka sa iyong kapwa. Pero mas masarap pa rin sa pakiramdam na alam mong ang iyong ginagawa’y hindi para ibaon sila sa utang na loob dahil sa’yong mga ginagawang pabor.

Wala mang kakayahan ang mga kapitbahay nila Jelai gaya nila, kahit simpleng paraan lamang ay sapat na upang maisip ng mga ito na pantay-pantay lamang sila.

Advertisement