Inggit ang Tatlong Estudyante sa Ubod ng Talino Nilang Bagong Kaklase kaya Pinagplanuhan Nila Ito ng Masama; Hindi Pala Sila Magtatagumpay

Bagong lipat si Nathan sa pinapasukang eskwelahan ngunit nagpakitang gilas na agad siya sa mga bagong kaklase at kaniyang mga guro. Matalino kasi siya at masipag na mag-aaral kaya tuwang-tuwa sa kaniya ang mga ito.

“Wow, napakahusay mo naman, Mr. Domingo! Nasa ikalawang taon ka palang sa kolehiyo pero alam mo na agad ang formula na ginagamit sa ikaapat na taon?!” gulat na tanong ni Mr. Pamintuan na guro niya sa Matematika.

“Nag-advance reading lang po ako, sir,” sagot niya.

Sa isa naman niyang klase sa Physics ay gulat na gulat din ang kaniyang gurong si Ms. Lopez dahil palaging perfect ang score niya sa mga mahihirap nitong exam.

“Ibang klase ka talaga, Mr. Domingo. Hinirapan ko na nga ang exam ninyo pero nakakuha ka pa rin ng perfect score! Ikaw na talaga ang pinakamatalino kong estudyante,” anito.

“Nag-aral lang po akong mabuti, ma’am,” sagot niya.

Kaya naman panay ang papuri sa kaniya ng mga guro niya.

“Kakaibang estudyante talaga ‘yang si Nathan Domingo. Napakatalino na, mabait at masipag pa. Magalang pa sa mga guro niya. Malayo ang mararating ng batang ‘yan!” wika ni Mr. Pamintuan.

Advertisement

“Sinabi mo pa, sir. Siya ang pinakamatalino sa klase ko. Palaging siya ang nakakasagot sa mga mahihirap kong tanong sa exam at recitation,” sabad ni Ms. Lopez.

“Sadyang henyo yata ang estudyante nating ‘yan. Nararamdaman kong siya ang magiging Summa Cum Laude kapag nakapagtapos na siya sa kolehiyo,” sabi naman ni Mr. Reyes na guro ni Nathan sa Ingles.

Ngunit sa tinatamasang papuri si Nathan sa mga guro dahil sa kaniyang katalinuhan ay may mga hindi natutuwa at naiinis sa kaniya.

“Kay bago-bago rito akala mo kung sinong matalino!” inis na sabi ng kaklase niyang si Timothy.

“Sumisipsip lang ang Nathan na ‘yan kina sir para siya palagi ang bida sa klase,” sabi naman ni Romnick.

“Tsamba lang naman ang pagiging matalino niya. Siyempre, para sa amin ikaw pa rin ang pinakamagaling sa klase, Timothy,” sabad ni Wency.

Ang tatlong estudyanteng ito ang siyang mahigpit na kalaban ni Nathan sa patalinuhan sa kanilang klase lalo na si Timothy ngunit mula nang dumating sa eskwelahan nila si Nathan ay natalbugan sila nito kaya labis ang inis at galit nila rito.

Isang araw, nang nagkaroon sila ng pagsusulit sa Matematika ay nakakuha na naman siya ng perfect score.

Advertisement

“Wow, perfect score ulit, Mr. Domingo! Very Good!” tuwang-tuwang sabi ni Mr. Pamintuan.

“Thank you po, sir. Sinunod ko lang naman po ‘yung sinabi niyo na i-memorize lahat ng formula para madaling makuha ang sagot,” buong kababang loob na sabi ni Nathan sa guro.

Lihim na namang nanggagalaiti ang magkakaibigang Timothy, Romnick ay Wency. Nasapawan na naman kasi sila ni Nathan sa klase ni Mr. Pamintuan na paborito nilang subject.

“Bwisit talaga ‘yang Nathan na ‘yan sa buhay natin. Hindi na tayo napapansin ng mga guro natin, palagi na lang siya ang magaling at matalino!” inis na wika ni Timothy.

“Namumuro na talaga sa atin ang mokong na ‘yon!” ani Wency.

“Ano, naisip niyo ba ang naiisip ko?” tanong naman ni Romnick.

At biglang nagtawanan ang tatlo.

Habang nagbabasa naman ng mga aklat sa library si Nathan ay nilapitan ito ng isa sa mga kaklase niyang si Adam. Ang kaklase niyang ito ang pinakamahina ang ulo sa kanilang klase.

Advertisement

“A, e Nathan, pasensiya ka na kung naistorbo kita,” anito.

“O, ikaw pala, Adam. Hindi ka naman nakakaistorbo, e. Anong kailangan mo sa akin?” tanong ng binata.

“M-magpapaturo sana ako sa iyo sa Math. Hindi ko kasi masyado maintindihan ‘yung tinuro kanina ni Sir Pamintuan, e. Kung okay lang sa iyo,” tugon ng kausap.

“Iyon lang ba? Sige, tuturuan kita. Okay lang sa akin, wala naman akong ginagawa. Mamaya ko na lamang ipagpapatuloy ang aking pagbabasa,” sabi ni Nathan.

“Naku, salamat, Nathan!” masayang sagot ni Adam.

Matapos na turuan ni Nathan si Adam ay muli itong nagpasalamat sa kaniya.

“Salamat ulit ha, Natahan! Pasensiya ka na, nagulo ko pa ang pagbabasa mo.”

“Walang anuman. Kapag may hindi ka maintindihan sa mga aralin natin ay magsabi ka lang at tuturuan kita.”

Advertisement

Nang sumapit ang uwian ay nagmamadaling umuwi si Nathan dahil gusto niyang umuwi nang maaga. Habang naglalakad sa makitid na daan ay ‘di niya inasahang may pumalo nang malakas sa ulo niya hanggang mawalan siya ng malay.

Kinaladkad siya ng tatlo niyang kaklase na sina Timothy, Romnick at Wency at dinala siya sa isang lumang bodega na nasa likod ng eskwelahan at ikinulong. Sinamantala ng tatlo ang pagkakataon na walang malay si Nathan. Ikinandado nila ang bodega habang nasa loob ang binata. Pansamantalang iniwan nila ito at may kukunin.

Nang magising si Nathan ay napansin niyang nakakulong siya sa kung saan. Saka na lang niya nalaman na nasa loob siya ng lumang bodega.

Kahit nananakit pa rin ang katawan at ulo sa malakas na pagpalo sa kaniya kanina ay pinilit niyang tumayo. Nilapitan niya ang pinto at napansing nakakandado iyon sa labas.

“Tulong! Tulungan niyo ako!” malakas niyang sigaw habang kinakalampag nang malakas ang pinto.

Halos magwala na siya sa loob. Nagsisigaw siya hanggang sa makarinig siya ng kaluskos. Mayamaya ay laking gulat niya nang may magbukas ng pinto. Kahit nahihilo pa ay agad siyang nagpasalamat sa tumulong sa kaniya.

“S-salamat at iniligtas mo ako,” aniya sa mahinang boses.

“Ayos ka lang ba, Nathan?” nag-aalalang tanong ng isang lalaki.

Advertisement

Nang tingnan niya ang taong tumulong sa kaniya upang siya ay makalabas ay nagulat siya kung sino iyon.

“I-ikaw?” mangha niyang tanong.

“Ako ‘to, si Adam,” anito.

Ang tumulong sa kaniya ay ang kaklase niyang tinulungan kanina sa aralin nila. ‘Di sinasadyang napadaan ito sa lumang bodega at nakita ang tatlo nilang kaklase na dinala si Nathan sa bodega at ikinulong. Kilalang-kilala ng binata ang mga salarin. Bago nila lisanin ang lugar ay muli nilang kinandado ang pinto ng bodega at pagkatapos ay agad silang pumunta sa pulisya para ireport ang nangyari.

Sa pag-alis nila ay dumating ang tatlong magkakaklase na may dalang gasolina at posporo at sinimulang silaban ang lumang bodega. Wala silang kaalam-alam na wala na sa loob si Nathan.

“Todas ka na ngayon, k*pal!” natatawang sabi ni Timothy.

“Hindi na makakaligtas ang gag*ng ‘yan!” wika ni Wency.

“Maabo na ‘yan diyan!” sabad ni Romnick.

Advertisement

Kinaumagahan ay agad na inaresto ng mga pulis ang tatlong estudyante. Itinuro ni Adam ang tatlo na nagtangka sa buhay ni Nathan.

Mabilis na dinakip ang tatlong salarin. Lumabas sa imbestigasyon na pinagtangkaan nga nila ang buhay ni Nathan dahil sa matinding inggit at galit.

Magsisi man ang tatlo ay huli na dahil pananagutan na nila sa batas ang ginawa nilang kasamaan.

Laking pasasalamat ni Nathan sa kaklase niyang si Adam, kung ‘di dahil sa tulong nito ay wala na sana siya sa mundo. Ibinalik lang ng binata ang ginawa niyang kabutihan dito nang tinulungan niya ito.