Mapamahiin ang Babae kaya Pati Kasal Niya ay Pinag-iisipan Niya ng Masama; May Mangyayaring Hindi Niya Inaasahan

Mahilig maniwala sa mga pamahiin si Marian kaya pati sa nalalapit niyang kasal ay hindi niya maiwasang mag-alala. Tatlong linggo bago ang pag-iisang dibdib nila ng kasintahan niyang si Ronnie, ‘di siya mapakali at palaging kinakabahan.

“O, ano namang gumugulo sa iyo, hon?” nag-aalalang tanong ng lalaki.

“Kinakabahan kasi ako, hon. Malapit na ang kasal natin, ‘di ba kapag malapit na raw ang araw ng kasal ay may mga masasamang pangitain na nangyayari?”

“Huwag kang mag-alala, hon. Wala kang dapat na ikatakot. At huwag kang naniniwala sa mga pamahiin na ‘yan, okay,” sagot naman ni Ronnie.

“Gusto ko lang kasi ay wala nang maging problema pa,”

“Relax, magiging maayos ang lahat. Maikakasal tayo ayon sa mga plano natin!”

Kinahapunan, habang abala si Marian na naghahanda ng pagkain para sa kanila ni Ronnie ay may narinig siyang kumatok sa pinto. Nang buksan niya iyon ay wala namang tao kaya bumalik siya sa kaniyang ginawa. Mayamaya ay may kumatok na naman sa pinto ng dalawang beses at agad na naman niya iyong binuksan ngunit walang kung ano o sino sa labas. Bigla siyang kinabahan.

“Diyos ko! Ito na nga ba ang sinasabi ko, e. Isa iyon sa mga masasamang pangitain,” sabi niya sa sarili.

Advertisement

Kapag mayroon daw kumatok ng tatlong beses sa pinto ay mayroon daw taong papana*w. Kaya hindi na naman maalis sa utak niya ang kung anu-anong masasamang isipin.

Pagkatapos nilang kumain ni Ronnie ay nagpaalam na ito sa kaniya na uuwi na. Dinalaw lang siya nito para pag-usapan ang tungkol sa kanilang kasal. Sinabihan pa niya ito na magdoble ingat sa pagmamaneho ng sasakyan.

“Huwag kang mag-alala sa akin, hon. Palagi kong iniingatan ang sarili ko para sa iyo mahal ko,” sagot ni Ronnie.

“Pinag-iingat lang naman kita, hon. Gusto kong matuloy ang kasal natin, ayokong may mangyari sa iyong masama dahil mahal na mahal kita!”

“Alam ko iyon, kaya lang ay iwasan mo na ang mga alalahanin mo, hon dahil hinding-hindi hahayaan ng Diyos na hindi matuloy ang kasal natin dahil tayo ang itinadhana Niya para sa isa’t isa,” tugon ng kasintahan sabay yakap sa kaniya nang mahigpit.

Nang tuluyan na itong nagpaalam at umalis ay bigla na lamang may pumasok na itim na paro-paro sa kaniyang bahay.

“Ay paro-parong itim! Naku, kailangan na mawala ito sa loob ng bahay ko!” gulat niyang sabi sa isip.

Pinaghahampas niya ng unan ang paro-paro hanggang tuluyan itong lumabas sa bintana.

Advertisement

“Sa wakas at naitaboy ko rin,” hingal niyang sabi.

Masama rin daw kasi ang ibig sabihin kapag nakakita ng itim na paro-paro.

Nang sumunod na araw habang naglalakad papasok sa trabaho si Ronnie ay bigla siyang nagulat nang may makasalubong siyang pamilyar na mukha.

“T-totoo ba itong nakikita ko?” gulat niyang tanong sa sarili.

Hindi kasi maaaring magkamali ang lalaki dahil ang nakasalubong niya ay kamukhang-kamukha niya. Napansin niya na magkapareho rin sila ng suot nitong damit. Sinubukan niyang sundan iyon ngunit bigla na lamang naglaho sa kung saan. Agad niyang sinabi kay Marian ang nakita.

“Totoo, hon. Maniwala ka! Kitang-kita ko na magkamukha kami nung nakasalubong kong lalaki sa kalye. Pareho pa nga kami ng suot na polo shirt at black pants!”

“Diyos ko! Masama ang ibig sabihin niyon, hon. Hindi, hindi ‘yan maaaring mangyari!” Halos maghisterikal na ang babae sa sinabi ng kasintahan.

“Ano ka ba, hon. Huminahon ka nga! Anong masama ang ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong ni Ronnie.

Advertisement

“B-basta, masama, hon! Sinabi ko na kasi sa iyo na huwag ka na munang pumasok sa trabaho mo, e, hindi ka nakikinig sa akin!”

“Hindi naman maaari. Kailangan kong magtrabaho para sa nalalapit nating kasal.”

“Pero…”

“Walang mangyayaring masama, okay! Alisin mo na sa isip mo ang mga pamahiing ‘yan dahil labis ka nang naapektuhan, hon.”

Pilit na pinakalma ni Ronnie ang kasintahan na naging maayos naman ang pakiramdam kinalaunan.

Dumating na ang pinakahihintay na araw ni Marian, araw na ng kanilang kasal ni Ronnie. Abala siyang nag-aayos ng kaniyang traje de boda nang may tumawag sa kaniyang cell phone. Nang sinagot niya iyon ay halos hindi siya nakakilos sa kinatatayuan.

“Marian, anak! Nagkaroon daw ng banggaan sa kalsada kung nasaan ang sasakyan ni Ronnie. Heto’t napanood namin sa balita. Marami raw binawian ng buhay sa aksidente. Nang tumawag kanina si Ronnie ay sinabi niyang naroon daw siya at naiipit sa traffic, pero bigla na lang naputol ang pag-uusap namin sa ‘di malamang dahilan. Pagkatapos ay bigla na lang ibinalita sa TV na may nangyaring bangaan doon!” sabi ng kaniyang ina sa kabilang linya.

“Ano?!”

Advertisement

Halos mabitawan niya ang hawak na cell phone at biglang napahagulgol na rin ng iyak sa masamang balita.

“Diyos ko, nagkatoto na ang kinatatakutan ko! Hindi ito maaari, hindi!”

Agad niyang pinuntahan ang lugar ng aksidente. Halos liparin na niya ang kalsada sa sobrang pagmamadali.

Nang marating ang lugar ay bumungad sa kaniya ang mga nakataob na mga sasakyan na nagbangaan sa kalye. Ipinapasok na rin sa ambulansya ang mga wala ng buhay na katawan ng mga taong nadamay sa aksidente. Mayamaya ay may tumawag sa kaniyang pangalan.

“Marian!”

Nang lingunin niya iyon ay laking gulat niya dahil iyon ay walang iba kundi ang kaniyang kasintahan na si Ronnie. Inaalalayan ng isang lalaki at may benda sa ulo.

“Diyos ko, salamat at buhay ka mahal ko!”

Agad niyang niyakap nang mahigpit ang lalaki.

Advertisement

“Ang akala ko’y may masama nang nangyari sa iyo. Ang akala ko ay nagkatotoo na ang mga masasamang pangitain na nakita ko at nakita mo!” lumuluha niyang sambit.

“Hindi totoo ang mga pangitaing iyon, hon. Ang totoo ay ginabayan ako at iniligtas ng Diyos sa nangyaring aksidente kanina. Siya ang dahilan kung bakit narito pa rin ako, mahal ko,” sagot ng lalaki.

“Salamat sa Diyos at hindi hinayaang mawala ka sa buhay ko, hon! I love you!”

“I love you too, hon! Huwag kang mag-alala kapag gumaling na ang sugat ko sa ulo ay itutuloy na natin ang naudlot na kasal.”

‘Di nagtagal ay ikinasal na rin ang dalawa at bumuo ng masayang pamilya. Napatunayan ni Marian na may mas makapangyarihan pa pala kaysa sa mga pinaniniwalaan niyang pamahiin, mas mahalaga ang paniniwala sa kapangyarihan ng Lumikha at kapangyarihan ng pag-ibig.