
Inakala ng Binatilyo na Maayos Makisama ang Stepfather Niya; Hindi Niya Akalain na Lalabas ang Tunay Nitong Kulay
Maagang naulila sa ama si Kyle sa edad na limang taong gulang. Pumanaw sa sakit sa puso ang kaniyang ama kaya ang inang si Margie na lamang ang nakasama niya sa kaniyang paglaki.
Isang araw may ipinakilala sa kaniya ang ina. Kakauwi pa lang niya mula sa eskwela nang maabutan niya sa kanilang bahay ang isang lalaki na nakasuot naman ng disenteng damit.
“Kyle, anak, si Tony! Siya ang bago mong magiging daddy, “ wika ng babae.
“Nice to meet you, Kyle! Napakaguwapo palang bata nitong anak mo, Margie!” bati ng lalaki sa kaniya.
“Nice to meet you rin po,” matamlay niyang sagot.
Hindi na siya nagulat na may ipinakilalang lalaki ang mommy niya dahil matagal na rin naman niyang nabalitaan sa mga kamag-anak nila na mayroon itong idini-date na lalaki. Wala naman siyang magagawa dahil kung saan maligaya ang ina ay hindi siya kailanman tututol lalo’t kinse anyos na siya at kaya nang alagaan ang sarili.
Nang tumira ang lalaki sa kanilang bahay ay naging maayos naman ang pakikitungo nito sa kaniya. Minsan ay naisipan ng mommy niya na bisitahin ang kanilang negosyo sa Davao. Hindi na sumama ang tatay-tatayan niya dahil sinabi nito na may trabaho ito sa Maynila na hindi maaaring iwan kaya ang mommy lang niya ang natuloy na umalis. Walang pang ilang araw na nakaaalis ang mommy niya ay biglang nagbago ang lahat. Sa una lang pala mabait ang kaniyang stepfather. Nang mawala sa bahay ang ina ni Kyle ay nagbuhay ‘Don’ na ito roon.
“Hoy, Kyle ngayong wala ang mommy mo rito ay ayokong sinusuway mo ang lahat ng utos ko, naiintindihan mo?! Sige, linisin mo ang banyo at maliligo ako!” bulyaw nito sa binatilyo.
“Dad, pasensiya na po pero mag-aaral pa po ako. May exam pa po kami bukas sa school,” paalam ni Kyle sa lalaki.
“Narinig mo ang sinabi ko? Maglinis ka ng banyo! Hindi ka mag-aaral hangga’t hindi mo natatapos ang pinagagawa ko sa iyo! At isa pa, ayokong tinatawag mo akong dad dahil hindi naman kita totoong anak!” inis nitong sabi.
“Opo, sige po,” mahina niyang tugon.
Hindi napigilan ni Kyle na maluha at malungkot. Hindi niya akalaing daranasin niya iyon sa bago niyang tatay-tatayan.
Nagmistulang muchacho ang naging buhay niya sa kamay ng lalaki. Hindi na siya nakakapaglaro at minsan ay gabi na niya nagagawa ang homeworks niya dahil gusto nito na tapusin muna niya ang mga gawain sa bahay. Siya ang naglilinis, naglalaba at natuto rin siyang magluto. Habang ang lalaki ay pahila-hilata lang sa sofa at nanonood ng TV.
Isang gabi ay tumunog ang telepono. Tumatawag ang inang si Margie. Pagkakataon na sana ni Kyle para magsumbong sa mommy niya ngunit biglang dumating ang kaniyang stepfather at inagaw ang telepono.
“Hi, darling! Miss mo na kami?” bati nito sa kausap.
“Sobra! Teka, si Kyle ba nariyan? Gusto kong makausap!”
“A, e…wala siya. Hindi pa umuuwi galing sa eswelahan.”
Narinig ni Kyle ang pagsisinungaling na iyon ni Tony. Sinisiraan siya nito sa ina.
Matapos makipag-usap sa mommy niya ay lakas-loob na kinompronta niya ang lalaki.
“Bakit niyo naman po sinabi kay mommy na wala ako rito at hindi pa umuuwi?”
Kumunot ang noo ni Tony at sinigawan siya.
“Aba at sumasagot ka na? Hindi mo dapat makausap ang mommy mo at baka magsumbong ka pa ng kung anu-ano!”
“Hindi po tama iyon. May karapatan po akong makausap siya dahil anak niya po ako,” aniya sa mahinahong boses kahit sa loob ay nagpupuyos ang damdamin.
Nanlisik ang mga mata ng lalaki at agad nitong kinuha sa kwarto ang isang latigo at inihampas sa binatilyo.
Napasigaw nang malakas si Kyle nang ihataw sa kaniya ng lalaki ang hawak nitong latigo.
“Araayy!!!” sigaw niya habang namimilipit sa sakit. Wala namang puknat ang lalaki sa paghampas ng latigo sa katawan niya na sumugat na sa kaniyang pisngi. Hindi pa nakuntento si Tony at kinuha sa tokador ang itinatagong baril at tangkang ipuputok sa binatilyo. Mabuti na lang at nakalabas na ng bahay si Kyle at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
“Tulong, tulungan niyo po ako!!!” malakas niyang sigaw.
Nakahingi naman ng tulong si Kyle. Nakatakas naman si Tony sa takot na kuyugin ng mga nagsidatingang kapitbahay.
Nalaman ng mga kamag-anak niya ang nangyari at nagsipunta ang mga ito sa pagamutan kung saan dinala ang kaawa-awang binatilyo. Nalaman din ng kaniyang ina ang nangyari at agad na umuwi.
“Patawarin mo ako, anak. Kung ‘di ako umalis ay hindi iyon mangyayari sa iyo!” mangiyak-ngiyak nitong sabi.
“Okay na ako, mommy. Mabuti na rin po ang nangyari dahil nalaman po natin ang totoong ugali ni Daddy Tony. Ayos lang naman sa akin mommy na magmahal ka ulit, pero sa tamang tao at sa taong mahal ka talaga at handang mahalin din ang mga taong mahal mo,” sagot ni Kyle sa ina.
Mula noon ay hindi na muling nakipagrelasyon si Margie at ibinuhos na lang ang lahat ng pagmamahal at atensyon sa nag-iisa nitong anak. Hindi nagtagal at nadakip rin ng mga pulis si Tony at nakulong dahil sa kasalanang ginawa.