Lalong Sumikat ang Artistang Ito Dahil sa Ginawa Niyang Kabutihan Para sa Kasambahay; May Ibang Pakay Pala Ito

Lalong Sumikat ang Artistang Ito Dahil sa Ginawa Niyang Kabutihan Para sa Kasambahay; May Ibang Pakay Pala Ito

HeartbreakingKarmaStories

“Maraming-maraming salamat po talaga sa napakabuti kong amo! Sa wakas, makakauwi na ako sa Lanao, makakapagpatayo na ako ng sarili naming bahay, at makakapgsimula ng maliit na negosyo. Hindi po ako makapaniwala sa kabutihan ng puso ninyo, Ma’am…” pasasalamat ni Iday sa kaniyang among si Helena Morales, ang sikat na model, celebrity, at vlogger sa Pilipinas.

Niyakap ni Helena ang kaniyang kasambahay na si Iday na tatlong taon ng naninilbihan sa kaniya. Ginawa niya itong subject sa kaniyang vlog—niregaluhan niya ito ng tatlong milyong piso sa kaarawan nito, bagay na pinag-usapan naman ng mga followers at subscribers niya sa mga social media platforms niya. Puro papuri ang kaniyang natanggap mula sa kanila.

At ngayon, live na live na tinatampok sa isang press conference si Helena at ang kaniyang kasambahay na si Iday.

“Naku Helena… grabe ka! Napaka-generous mo naman pala sa mga kasambahay mo, puwede bang mag-aplay na lang sa iyo?” nakangiting tanong ng isang beking reporter na may malaking nunal sa itaas na labi. Nagtawanan ang iba pang miyembro ng press.

“Gusto mo ba? Walang problema sa akin,” sabi ni Helena, na ikinatawa na naman ng lahat. “Joke lang. Seriously speaking, mababakante na ang trono ni Iday sa bahay, hindi na siya ang maglilinis, magluluto, mamamalantsa, at iba pa. Kasi, papayagan ko na siyang makasama ang kaniyang pamilya sa Lanao. Alam ko, matagal na niyang gustong bumalik doon para makapiling ang anak niya,” anunsyo ni Helena. Ikinagulat ito ni Iday, na lalong napahagulgol sa tuwa.

Nagpalakpakan naman ang mga miyembro ng press. Hindi siya makapaniwala sa rebelasyon ni Helena.

“Maraming-maraming salamat, Ma’am. Hindi lang po kayo maganda at talentado, mabait po talaga. Hindi po totoo ang mga sabi-sabi ng inyong mga bashers na suplada at matapobre kayo sa totoong buhay. Kung alam lang nila kung gaano kabuti ang puso ninyo, mapapahiya sila. Maraming-maraming salamat po talaga, Ma’am…” pasasalamat ni Iday.

“That’s okay, Iday. That’s okay. I can feel talaga na you are longing sa anak mo, kaya dapat lang na magkasama kayo. Sa loob ng tatlong taon, naging mabuti ka sa amin. Kaya you should have given a reward,” nakangiting sabi ni Helena.

“So ano nang balak mo ngayon, Iday? Milyonarya ka na,” tanong ng isang babaeng reporter na medyo malusog.

“Sabi po ni Ma’am Helena, puwede na raw po akong umuwi sa amin, pero kung tatanungin po ninyo ako, ayaw ko pong iwan si Ma’am…” sabi ni Iday, at bumaling ito sa amo.

“Iday… ayos lang kami. Kaya nga kita binigyan ng reward para makasama mo ang pamilya mo. Mamimiss kita… pero ganoon talaga,” nakangiting sabi ni Helena. Nagpalakpakan na naman ang mga miyembro ng press.

“Napakasuwerte mo naman Iday at nagkaroon ka ng napakabait na amo. Alagaan mo ang reward na ibinigay niya, ha? Bibihira ang ganiyan,” sabi ng isang matandang reporter.

Tumagal pa ang naturang interview bago natapos ang press conference. Agad na naging trending sa social media ang ginawa ni Helena sa kaniyang kasambahay. Nadagdagan na naman ang mga taong humahanga sa kaniya.

Tinawagan ni Iday ang kaniyang inang si Aling Caridad upang sabihin ang magandang balita. Ito ang nag-aalaga sa kaniyang

“Oo anak! Nabalitaan ko nga sa TV ang ginawa ng amo mo! Milyonaryo na tayo!” tuwang-tuwang sabi ni Aling Caridad.

“Oo nga ‘Nay eh. Napakabuti ng puso niya. Hindi ko alam na ganoon pala siya. Dito kasi sa bahay, hindi siya palakibo. Hindi naman niya ako pinupuri. Kaya laking-gulat ko na natutuwa pala siya sa mga ginagawa ko para sa kaniya.”

“Magpasalamat ka sa kaniya, anak. Sabihin mo sa kaniya, isa itong malaking utang na loob na tatanawin natin habambuhay,” sabi ni Aling Caridad.

Matapos ang kanilang pag-uusap, ipinasya ni Iday na sadyain ang among si Helena sa kuwarto nito upang makapagpasalamat. Subalit may kausap ito sa video chat sa laptop kaya hindi natuloy. Subalit narinig niya ang pinag-uusapan ng mga ito. Kitang-kita niya na ang kausap nito ay ang reporter kanina sa press conference na beki at may malaking nunal sa labi.

“My god… nabawasan ako ng tatlong milyon para lang mapalayas ang Iday na iyan. Dibale, for sure triple naman ang matatanggap ko sa mga kikitain ko dahil sa vlogs and endorsements,” sabi ni Helena.

“Well, ang galing mo nga kanina eh mother! Puwede ka nang mabigyan ng award, best actress in a bait-baitan way,” sabi ng reporter. “Pero bakit nga ba hindi mo na lang palayasin ang kasambahay mo kung hindi ka na masaya sa performance niya?”

“Ito na lang ang isipin mo. I’m just hitting two birds in one stone. Napalayas ko na siya, natuwa pa ang mga followers ko. Mas magugustuhan nila ako at dadami sila. Oh, hindi ba iyan naman ang uso ngayon? Kawanggawa?” tugon ni Helena.

“Ay winner ka! I wish, ako na lang si Iday. Speaking of, baka naman puwede mo akong bigyan ng bonus! Magaling din ang performance ko kanina ah,” sabi ng reporter.

“Yes, of course… basta’t galingan mo at gandahan ang write ups sa akin. Oo nga pala, hanapan mo nga ako ng ipapalit kay Iday, ‘yong marunong magluto, maglaba, at pulido gumawa ah… para naman matuwa ako sa kasambahay ko rito.”

Labis na nasaktan si Iday sa kaniyang mga narinig. Kinabukasan, agad siyang nag-resign at hindi tinanggap ang tatlong milyong pabuya ni Helena sa kaniya, na isa lamang palang malaking palabas at pabalat-bunga.

Para sa kaniya, hindi mabibili ang kaniyang dignidad. Bumalik sa Lanao Del Sur si Iday upang makapiling ang pamilya at magsimula ng bagong buhay.

More Stories