Gumuho ang Mundo Niya Nang Malamang Isa Lang Pala Siyang Kabit; Pinakamasakit ay Pati Anak Niya ay Nawalay sa Kaniya

Gumuho ang Mundo Niya Nang Malamang Isa Lang Pala Siyang Kabit; Pinakamasakit ay Pati Anak Niya ay Nawalay sa Kaniya

FamilyHeartbreakingStories

Sumilip si Melda sa bintana at saka napaismid nang makita si Elena na nakatayo na naman sa labas ng gate.

“Oh nandyan na naman yung babae mo sa labas, walang kadala-dala. Masampolan nga ulit,” malditang sabi ng babae. Nang makitang biglang napalingon ang asawang si Nilo at sumilip sa bintana ay nagsalubong ang kilay niya.

“Oh bakit? Namimiss mo? ‘Wag na ‘wag kang lalabas, itago mo rin si Popoy,” anito, nandidilat sa selos ang mga mata ng babae.

Si Elena naman ay matiyagang pinindot muli ang doorbell sa malaking bahay. Halos sampung minuto na siyang nakatayo sa labas ngunit walang nagbubukas ng pinto. Dala niya ang mga paboritong laruan ng kaniyang anak na si Popoy. Hindi siya makatulog kagabi dahil nag-aalala siya sa nawalay na anak. Alam niya kasing ‘di ito nakakatulog na hindi hawak ang laruang iyon.

Nangilid na naman ang luha niya nang maalala ang nangyari nitong nakaraang buwan lang. Sa isang iglap ay tila gumuho ang kaniyang mundo. Ang kinakasama niya kasing si Nilo na nangakong pakakasalan siya ay mayroon na palang asawa. Isang malaking eskandalo ang nangyari nang mabunyag na siya pala ang kabit. Si Melda ang tunay na asawa at nagbanta itong magsasampa ng kaso sa kanila. Si Nilo ay ‘di man lang sila naipaglaban ng anak niya at bumalik na lang sa piling ni Melda. Katwiran nito ay galing sa makapangyarihang pamilya ang babae at alam niyang hindi nito sila titigilan kung ‘di nito makukuha ang gusto. Wasak na ang puso niya na matalikuran ng lalaking minahal, mas lalong nadurog iyon nang pati anak niya si Popoy ay kuhanin ng mga ito. Palibhasa’y wala siyang pinag-aralan ay ‘di niya alam kung paano lalaban. Ang mga kamag-anak naman niya ay walang suporta sa kaniya. Walang nagawa si Elena kundi lumuha. Ngayon wala na siyang pakialam kay Nilo, ngunit alang-alang sa tatlong taong gulang na anak ay handa siyang ibaba ang pagkatao. 

Ilang linggo na siyang pabalik-balik sa mansyon nina Melda at paulit-ulit ipinagkakait sa kaniya ang makita man lang si Popoy. Madalas ay umaabot sa pisikal at berbal ang pag-aaway sa pagitan nila. Kahit pakiramdam ni Elena ay ubos na ang dignidad niya ay wala siyang pakialam.

Napangisi naman si Melda nang makitang umiiyak sa harap ng gate si Elena. Hindi niya ito pinagbuksan sa halip ay tinapunan pa ng tubig sa mukha.

“Baka nauuhaw ka, ang init kasi ng araw eh,” nanunuyang sabi ni Melda. Pinigilan ni Elena na gantihan ito. Muli siyang nakiusap na makita at makausap ang anak. Ngunit tulad ng inaasahan, hindi pumayag si Melda. Nagpasya si Elena na ipaabot na lang kay Melda ang laruan ni Popoy.

Di alam ni Melda na sa loob pala ng laruang iyon ay isang sulat para kay Nilo. Isang pagkakamali na ibinigay niya ang laruan sa asawa. Ang sulat na iyon pala ang magpapabago sa puso ng asawa. ‘Di makalimutan ni Nilo ang sinabi ni Elena na tumagos sa kaniyang puso. 

“Walang kasing-sakit para sa isang ina ang mawalay sa kaniyang anak. Kung may natitira ka pang kahit katiting na awa para sa amin ni Popoy, sana ay kahit isang beses ay gawin mo naman ang tama kahit bilang ama na lang niya.”

Ilang gabing laging iniisip ni Nilo ang mga salitang iyon. Napagtanto niyang siya talaga ang puno’t dulo ng problema. Naging mabuti at maalaga sa kaniya si Elena, at totoo siyang minahal nito. Ngunit kataksilan at kawalang-awa ang isinukli niya. Kung tutuusin ay wala naman na siyang nararamdaman para kay Melda. Siya ang may kasalanan kung bakit nasa ganoong sitwasyon sila. At naging duwag siya. Pero ngayon, gusto niya nang itama ang pagkakamali.

Kinabukasan, nagpasya si Nilo na lisanin ang bahay. Bitbit ang ilang gamit ay sinama niya ang anak na si Popoy. Saktong naroon si Melda at nakita sila.

“Saan kayo pupunta ha?!” sigaw ni Melda sabay hablot sa kamay ni Popoy. Sa higpit ng hawak nito ay napaiyak na lang ang bata. 

“Tama na, Melda!”

“Bakit?! Babalik ka sa kabit mo?” matapang na hamon nito. “Kaya mo na ba ang buto mo ha, Nilo? Baka gusto mong sirain ko ang buhay niyo, kayang-kaya ko yon!”

“Sira naman na ang buhay ko kung kasama kita! Ilang taon mo akong iniwan para mangibang bansa. Namuhay ka roon na parang dalaga tapos pagbalik mo ay ikaw pa ang galit? Alam kong may pagkakamali ako pero sobra na ito. Hindi ako babalik kay Elena pero ibabalik ko ang anak niya,” pinal na sabi ni Nilo.

Sakto namang parating na noon si Elena upang muling makiusap ng araw na iyon. Nang makalabas ng gate ang mag-ama ay agad niyang niyakap nang mahigpit si Popoy. Galit na galit si Melda na pinagbabato sila ng kung ano-ano.

“Sige na, umalis na kayo. Ako nang bahala rito,” sabi ni Nilo. Galit man si Elena na muling makausap ito ay tumalima agad siya. Ang mahalaga na lang sa kaniya ay ang anak niya 

Makalipas ang ilang buwan ay ‘di na muling nagkita sina Elena, Melda, at Nilo. Nagpakalayo-layo si Nilo, si Melda ay bumalik ng ibang bansa, habang si Elena ay bumalik sa probinsya. Naging mahalagang leksyon sa kaniya ang nangyari. Dapat talaga ay pinaglalaban ang mga taong mahalaga para sa atin. Nagdesisyon siya sa sarili na magiging mas matapang para sa kanila ng anak.

More Stories