
Kunsumido ang Babae sa Anak Dahil Lahat ng Gusto ay Ginagawa Nito; Bakit Nga Kaya Naging Pasaway ang Binata?
“What?! Nasiraan ka ng kotse sa disyerto sa Africa?” Napasapo na lang sa noo si Rachel nang marinig sa kabilang linya ang anak na si Daniel.
“Huwag kang mag-alala mommy, sinabihan lang kita para kapag sakaling may mangyari at least alam mo–”
“Daniel! Huwag ka ngang magsalita ng ganiyan! Magpapadala ako ng susundo sa iyo,” sabi ni Rachel saka ibinaba ang telepono. Hindi na niya alam ang gagawin sa anak na masyadong lakwatsero at tila ba laging naghahanap ng sakit sa katawan. Nitong nakaraan lang ay naaksidente ito hababg nasa Japan dahil sa pagmamaneho ng lasing. Kung ano-anong adventure ang pinupuntahan nito sa iba’t ibang bansa na delikado at dahilan ng palagian niyang pag-aalala.
Labis siyang nababahala sa kaligtasan nito dahil tila ba may nagbago sa anak niya. Bago ito magtapos sa kolehiyo ay napakamasunurin at responsableng bata nito. Silang dalawa na lang sa buhay simula nang pumanaw ang kaniyang asawa sa malalang sakit sa buto. Maalwan naman ang kanilang buhay dahil may-ari siya ng isang malaking kompanya. Ngunit nitong nakaraang buwan ay parang ‘di na niya ito makilala. Inaasahan niyang tutulungan siya nito sa kompanya ngunit nang hindi mangyari iyon ay ayos lang sa kaniya. Bata pa naman siya. Hinayaan niya na rin muna itong magliwaliw at i-enjoy ang kabataan nito. Ngunit nang palagi itong naaaksidente at madalas iniiwasan ang tawag niya ay nag-alala na siya. Halos tatlong buwan niya na nga itong ‘di nakikita sa personal.
Napabuntong hininga na lang siya. Tinawagan niya ang Kuya Arthur niya na nag-iisang taong pinakikinggan ni Daniel. Nakiusap siya ditong sunduin ang anak at pauwiin na.
Maagang natapos ang meeting ni Rachel kaya’t nagpasya siyang umuwi na at magpahinga. Tila napagod din ang utak niya dahil buong araw niyang inaalala si Daniel. Namimiss niya na ito kaya’t pumunta siya sa kwarto nito. Napangiti siya dahil sa mga litrato nilang pamilya na nasa bedside table nito. Kamukhang-kamukha nito ang ama nito, parehong gwapo. Dinampot niya ang isang picture frame at nagulat siya nang may malglag na isang papel mula doon. Pagpulot niya ay isa iyong reseta. Hindi na niya sana papansin ngunit napansin niyang hindi ang family doctor nila ang nakapirma roon. Nagtaka siya. Bakit naman magpapakonsulta ang anak niya sa ibang doktor gayong malapit sila sa sarili nilang doktor? Bilang isang ina ay munting kaba ang bumangon sa kaniyang dibdib. Nakita niya na pamilyar rin kasi ang mga gamot na naroon.
Napalunok siya at agad na tinawagan ang Kuya Arthur niyang sumundo kay Daniel. Nag-alala siya nang hindi ito sumagot. Pinakalma niya ang sarili ngunit ‘di niya magawa. Hanggang sa ‘di niya namalayan na nakaidlip na pala siya kahihintay ng tawag. Naalimpungatan siya nang sa wakas ay tumawag na si Arthur.
“Rachel? Pumunta ka agad dito sa ospital. Si Daniel…” sabi nito. Dali-daling sumugod si Rachel sa ospital na sinabing pinagdalhan sa anak niya. Natatarantang kinuha niya ang susi ng kotse. Madali siyang nagmaneho habang gulong-gulo ang isip. Maraming tanong at hinalang naglalaro sa kaniyang isipan.
Pagdating doon ay nasa emergency room daw si Daniel. Pilit siyang pinakalma ni Arthur saka inilahad ang mga nangyari. Maging ito ay naguluhan sa inakto ng pamangkin. Kilala niyang mahinahon at responsableng bata ito. Ngunit nang matagpuan niya ito ay tila ibang tao ito. Habang sakay sila ng eroplano ay nakikiusap ito na huwag nang iuwi siya sa Pilipinas. Pagbaba nila ay bigla na lang dumugo ang ilong nito at nawalan ng malay. ‘Di alam ni Arthur na may karamdaman pala ang pamangkin.
Paglabas ng doktor ay saka nila namalayan na ang karamdamang iyon ay sakit nga sa buto na kapareho sa sakit ng asawa ni Rachel noon. Malaki raw ang tsansa na namana nito ang karamdamang iyon. Tila ba nabingi si Rachel kasabay ng pagtigil ng kaniyang puso sa narinig na balilta. Ang sakit na iyon kasi ay wala pang malinaw na lunas sa ngayon. Ngayon ay alam na niya kung para saan ang mga resetang nakita niya sa kwarto ni Daniel.
Walang magawa ang magkapatid kundi umiyak at magdasal na magising na ang binata. Paggising nito ay iyakan na naman ang naganap.
“‘Ma, patawad kung inilihim ko sa’yo. Nakita ko kasi kung gaano ka kalungkot at nahirapan noong magkasakit si papa eh, ayaw kong maranasan mo ulit iyon. Hangga’t maaari ay gusto kong sarilinin na lang ito kaya ginawa ko ang lahat upang ‘di mo malaman. Naging pasaway ako at gusto ko na lang itapon ang buhay ko kaysa pahirapan ka pa sa pagpapagamot sa akin,” sabi ni Daniel.
Niyakap na lang ng ina ang anak. Kung siya ay labis na nasasaktan, paano pa kaya ito? Sobrang bata pa nito upang magkaroon ng ganoon katinding karanasan.
Simula nang araw na iyon ay tila ba nagdesisyon sila na mabuhay na lang nang masaya. Wala na silang panahon na dapat sayangin. Ginawa rin ni Rachel ang lahat upang makahanap ng lunas. Ayon kasi sa mga doktor, dahil bata pa si Daniel at ‘di pa naman ganoon kalala ang sakit nito ay mataas ang tsansa na makapamuhay ito ng katulad ng normal na tao kung iinumin nito ang mga gamot nito.
Imbes na mawalan ng pag-asa, nagdesisyon ang pamilya na harapin iyon nang sama-sama at may pag-asa. Ginamit nila ang bawat araw para ipakitang mahal nila ang isa’t isa. Maikli lang talaga ang buhay, at natutunan nilang itaya iyon sa mga bagay na tunay na makabuluhan. Ngayon, ‘di man sila sigurado kung kailan babawiin ng Maykapal si Daniel sa kanila, ang mahalaga ay nasusulit nila ang bawat araw na sila ay masaya at magkakasama.