Nagkawatak-watak ang Magkakapatid nang Magkahiwalay ang Kanilang mga Magulang, Ginawa ng Panganay ang Lahat ng Makakaya Niya Para Mabuo Silang Muli
Produkto ng pamilyang hindi kumpleto si Vincent. Siya’y panganay sa apat na magkakapatid, at kaisa-isang lalaking anak.
Nakita niya kung papaano unti-unting nawalan ng gana ang kanyang mga magulang sa isa’t isa mula nang malaman niyang nambabae pala ang kanilang ama.
Sampung taong gulang pa lang siya noon nang magpasyang maghiwalay ang kanyang mga magulang.
Lahat silang magkakapatid ay piniling sumama sa kanilang ina. Lahat rin sila ay lumaking may galit sa kanilang ama dahil sa pag abandona sa kanila.
Buong akala niya’y matatapos na ang kanilang problema doon mula nang sila’y lumayo sa kanilang tatay.
Ngunit, makalipas lamang ang dalawang taon, isang nakakadurog na balita ang kanilang natanggap.
“May taning na ang buhay mo, Cecil. Two to three months. I am sorry,” sabi ng doctor noong nagpacheck-up ang kanyang ina at siya ang kasama.
12 anyos noon si Vincent at labis niyang naiintindihan ang ibig sabihin ng mga salitang iyon. Na bukod sa iniwan na sila ng kanilang tatay, mawawalan na rin sila ng nanay.
Gaya ng kanyang ina, hindi niya alam kung paano sasabihin ang balitang ito sa kanyang mga kapatid.
Sa sobrang hina na ng pangangatawan ng kanyang ina, hindi na siya umabot maging sa dalawang buwan.
Walang kahit anong naiwan ang kanilang ina sa kanilang apat na magkakapati. Maging ang kanyang ama ay hindi rin makatulong dahil nauubos nito ang kanyang pera sa pagsusugal.
Dahil doon, nagka-hiwa-hiwalay silang magkakapatid. Ang kanyang kapatid na bunso ay napunta sa kanilang lola, ang pangalawa sa bunso naman ay nakitira sa isang tiyahin. Ang kapatid niyang sumunod sa kanya naman ay tumira rin sa isa pang tiyahin. Silang tatlo ay halos magkakalapit lang dahil lahat ay nasa Maynila.
Ngunit, si Vincent ang kaisa-isang nalayo dahil pinapili siya ng kanyang tiyahin.
“Pwede kitang pag-aralin, pero doon ka titira sa amin sa Mindoro,” sambit ng kanyang tiya.
“Pero paano po yung mga kapatid ko?” malungkot na sagot ni Vincent.
“Eh di dito sila sa Maynila. Ang mga ibang tiyahin mo na ang bahala sa kanila. Pwede ka naman dito pero hindi ko sigurado kung mapapaaral ka nila. Pero kung sasama ka sa probinsya, ako nang bahala sa pag-aaral mo,” sagot muli ng kanyang tiyahin.
Nahirapan si Vincent sa kanyang naging desisyon. Ngunit para sa kanya, mas ayos na ang tiisin niya ang sitwasyon na magiging malayo siya sa kanyang mga kapatid pansamantala para makapag-aral.
Plano niya na pag nakapagtapos siya sa kolehiyo ay kukunin niyang muli ang kanyang mga kapatid, para magkasama-sama na sila.
Ang huling pag-uusap ng magkakapatid bago sila tuluyang nagkahiwalay ay punong-puno ng iyakan. Kitang-kita ni Vincent ang takot sa mata ng kanyang mga kapatid na baka hindi na sila muling magkasama-samang muli.
“Kuya, paano na tayo ngayo?” umiiyak na tanong ng kanyang pangatlong kapatid.
“Ayokong magkahiwa-hiwalay tayo, kuya,” sabi naman ng kapatid niyang sumunod sa kanya.
“Wag kayong mag-alala, magkikita tayo ulit. Magtiwala tayo sa ating mga tiyahin na aalagaan at mamahalin nila tayong mabuti,” sambit ni Vincent habang pinipigilang pumatak ang mga luha.
Totoong natatakot din si Vincent sa posibilidad na baka iyon na ang huli nilang pagkikita, kaya naman napakahigpit ng yakap niya sa kanyang mga kapatid. Pinigilan niya ring umiyak dahil gusto niyang magpakatatag.
“Lakasan niyo lang ang loob niyo at walang susuko ha?” huling bilin ng nakatatanda sa kanyang maliliit pang kapatid.
Mapalad si Vincent dahil pinag-aral talaga siya ng kanyang tiyahin. Ngunit kapalit ng pagpapaaral sa kanya ay naging utusan siya sa bahay na iyon.
Noong siya’y nasa high school na, siya na rin ang naging tagalaba at tagalinis ng bahay ng kanyang tiyahin. Mas pagagalitan pa siya ng kanyang tita kung hindi siya nakapaglaba kaysa sa kung hindi siya makakagawa ng mga aralin niya.
Pero lahat ng ito ay ayos lang kay Vincent. Tinanggap niya ang kanyang sitwasyon dahil tuwing naiisip niya ang kanyang mga kapatid ay lumalakas muli ang kanyang loob.
Nang siya’y naging kolehiyo, dumami man ang naging dagdag niyang trabaho sa bahay ng kanyang tiyahin ay mas nadagdagan din naman ang pag-asa niyang makapiling muli ang mga kapatid. Lalo na noong papalapit na ang araw ng kanyang pagtatapos.
Nakiusap ang binata na bigyan pa siya ng ilang buwan para makitira sa kanyang tiyahin. Humanap agad siya ng trabaho at nagsimulang mag-ipon.
Nang magkaroon ng sapat na pera para makaluwas na ng Maynila ay nagpaalam agad siya sa kanyang tiyahin. Nagbigay rin siya ng kaunting halaga sa kanyang tiyang bilang pasasalamat sa pagpapaaral sa kanya.
Dahil mahigit sampung taon niyang hindi nakapiling ang mga kapatid ay laking gulat niya nang makitang nagdalaga at nagbinata na ang mga ito.
Nang sila’y magkita-kita, wala silang nasabi ni isang salita at puro iyakan lang ang kanilang nagawa.
“Hindi ko inaasahan na magkikita-kita talaga tayo ulit,” mahinang bulong ng bunso niyang kapatid.
Naghanap agad ng mauupahang bahay si Vincent bilang panimula na malapit sa kanyang mga kapatid. At dahil siya’y isang huwaran na estudyante noon, hindi naging mahirap para sa kanya ang makahanap ng bagong trabaho.
Nang isa-isang makatapos ang kanyang mga kapatid ay sumama na rin sila sa kanilang kuya.
Ngayon, lahat sila ay nagtratrabaho na at magkakasama nang muli sa iisang tahanan.
Tunay nga na dahil hindi sumuko si Vincent ay nakamit din nila ang matagal nilang kagustuhan, ang maging masayang pamilya at sama-sama.