Umaasa Ang Babaeng Ito Na May Magmamahal Pa Rin sa Kanya Kahit Siya’y May Anak Na, Mayroon Pa Nga Ba?
Maganda ang mukha, maganda ang katawan, mukha pang bata, mabait – yan si Aireen. Siya’y isang 28-anyos na babae na nagtatrabaho sa isang call center.
Hindi nakapagkolehiyo si Aireen dahil maaga siyang nabuntis sa panganay niyang anak. Kinailangan niya agad magtrabaho dahil bukod sa hindi naman sila galing sa mayamang pamilya, iniwanan pa siya ng tatay ng kanyang anak.
Bago siya nakakuha ng maayos na trabaho sa call center, naging kahera muna siya sa isang supermarket sa mall. Maayos siya sa kanyang trabaho kaya naman palagi rin siyang napupuri rito.
Ilang lalaki rin ang sumubok na manligaw sa dalaga ngunit dahil sa takot na maiwan ulit, ay hindi niya pinapansin ang mga umaaligid sa kanya.
Limang taong gulang na ang kanyang panganay na anak, nang nakapagtrabaho si Aireen sa call center. Naging mahirap para sa kanya ang makapasok dito dahil sa kanyang edukasyon. Ngunit, dahil sa pagpursige ay natanggap rin siya sa trabaho.
Gaya sa dati niyang trabaho, marami pa ring lalaki ang gustong mapalapit sa kanya na higit pa sa kaibigan.
Masaya naman siya sa kanyang sitwasyon sa kasalukuyan, ngunit minsan ay napapaisip pa rin siya kung anong pakiramdam na may katuwang sa buhay.
Kaya’t nagdesisyon siya na buksan muli ang kanyang puso para sa bagong pag-ibig. Pero ang desisyon din pala na ito ang unti-unting sisira sa kanya.
Maaayos naman ang mga manliligaw niya ngunit tuwing nalalaman nilang mayroon na siyang anak ay bigla na lamang silang magbabago hanggang sa dumating sa puntong hindi na lamang sila magpaparamdam at mawawalang parang bula.
Mayroon din naman siyang naging nobyo na tumanggap sa kanya at sa kanyang anak. Akala niya’y magtatagal ito, ngunit sa una lang pala. Hindi pala talaga kayang tanggapin ng lalaking iyon na may anak na ang babaeng mahal niya.
Dahil dito, unti-unting nawalan ng gana si Aireen. Malaman pa lamang niya na gusto na siyang ligawan ng lalaki ay siya na mismo ang umiiwas dito.
Hanggang sa isang araw ay mayroon isang lalaki sa kanilang opisina na panay ang papansin sa kanya. Alam na alam na ito ni Aireen na isa na namang balak manligaw sa kanya ang lalaking ito.
Ngunit dahil sa pagpursige ni Ricky, ay bumigay rin si Aireen at sinagot ito.
Mabait si Ricky, masipag, matalino at gwapo. Dagdag pa rito ay ang pagiging maalaga niya.
Ipinaalam agad ni Aireen ang tungkol sa panganay niyang anak, at tanggap naman ito ng binata.
Tumagal ng halos isang taon ang kanilang relasyon nang biglang nalaman nilang parehas na buntis pala si Aireen.
Ipinangako naman ni Ricky na hindi niya magagawang iwanan ang dalaga lalo pa’t ngayon na siya’y buntis sa kanilang anak.
Tumira si Ricky sa bahay nila Aireen at doon siya’y inalagaan nito.
Napakasaya ni Aireen dahil tinupad ni Ricky ang kanyang pangako. Naging maayos ang kanilang relasyon hanggang sa napag-usapan na rin nilang magpakasal.
Hanggang dumating ang isang araw…
“Kumusta ang trabaho mo? Bakit ngayon ka lang pala nakauwi?” maayos na tanong ni Aireen.
“Maayos naman sa trabaho, marami lang ginawa,” sagot naman ni Ricky.
“Ah ganoon ba? Napansin ko kasi parati ka nal ang halos ginagabi eh,” dagdag na tanong ni Aireen.
“So, anong ibig mong sabihin? Ha? Aireen?!” naiiritang sagot ng binata.
“Naku, wala naman. Tinanong ko lang kasi syempre hindi ito ang normal mong uwi,” sagot ni Aireen.
“Eh malamang nagtatrabaho ako ng maayos dahil tatlo kayong pinapakain ko! ‘Di ka ba nag-iisip?! Eh simula nang magresign ka, ako na ang sumalo lahat ‘di ba?!” galit na sagot ni Ricky.
Hindi na lamang sumagot si Aireen dahil alam niyang lalala pa ang galit ng nobyo. Iniisip niya na lang na pagod na ito sa trabaho. Kaya’t kung ano-ano na ang nasasabi nito.
Ngunit, napapadalas na rin ang kanilang pag-aaway. Simpleng kibot lamang ni Aireen ay tila naiirita na agad dito si Ricky.
Hindi rin maintindihan ng dalaga kung bakit naging ganoon ang pakikitungo sa kanya ng nobyo.
Isang araw, isusurpresa sana niya ang nobyo sa kanilang opisina, habang may dala siyang pagkain para rito. Inabangan niya si Ricky sa may pinto, ngunit hindi niya inaasahan ang kanyang nakita.
Isang lalaking kamukhang-kamukha ng kanyang nobyo ang nakita niyang naglalakad palabas ng opisina at may ka-hawak-kamay na babae.
“Ri- Ricky??” nagtataka niyang sabi.
Mabilis na pumiglas ang binata sa pagkaka-hawak niya sa kamay ng kanyang kasama.
“Anong ginagawa mo dito?!” gulat niyang tanong.
“Isosorpresa sana kita. Pero mukhang ako ang mas nagulat,” sagot ni Aireen habang nakatitig sa babaeng kasama ng nobyo.
Agad-agad siyang umalis at pilit siyang hinabol ni Ricky, ngunit ‘di na siya naabutan nito.
Nang sila’y nakapag-usap, tuluyan nang nakipaghiwalay si Aireen kay Ricky.
“Maging tatay ka nalang para sa anak mo, pero wala nang tayo,” aniya.
Buo na ang loob ni Aireen sa pakikipaghiwalay sa nobyo.
Noong una ay mahirap para sa kanya dahil nasanay siyang palaging kaagapay si Ricky. Pero napagtanto rin niya, na hindi niya naman talaga kailangan ng katuwang sa buhay. Dahil ang kanyang dalawang anak ay sapat na para siya ay magpatuloy sa buhay.
Nangako si Aireen sa kanyang sarili na magiging mabuting ina siya sa kanyang dalawang anak at hindi siya makikipagrelasyon sa kahit sinong lalaki na hindi matatanggap ang kanyang mga anak.