Inday TrendingInday Trending
Lahat ng Ginagastos ni Misis ay Kinukwenta ng Kanyang Mister, Ang Di Niya Alam Ay Nagwawaldas Ito ng Pera sa Babae

Lahat ng Ginagastos ni Misis ay Kinukwenta ng Kanyang Mister, Ang Di Niya Alam Ay Nagwawaldas Ito ng Pera sa Babae

“Nagpadala na ako ng pera. Sabihan mo ako kung saan napunta ang mga pinadala ko. Basta, siguraduhin mo na mabayaran lahat ng kailangan, lalo na yung sa kinuha nating bahay at mga utang,” bilin ni Mike sa kanyang asawa na si Karla na kausap niya sa telepono.

“Sige, ipapakita ko na lang sa iyo ang mga resibo,” pagsang-ayon ni Karla.

“Siguraduhin mong wala kang bibilhin na kung ano-ano ha!” nakasimangot na pag-papaalala ni Mike.

Bago pa man makasagot si Karla ay binabaan na siya ng kanyang asawa ng telepono.

Ganito madalas ang pag-uusap ng mag-asawa – tungkol lamang sa mga bayarin at gastusin, at kaunti lang ang kamustahan. Nagbabarko si Mike at housewife naman si Karla. Isang taon ang kontrata ngayon ng mister at halos kasasampa lang niya ng barko. Mayroon na rin silang dalawang anak – isang pitong taong gulang at isang apat na taong gulang.

Kolehiyo pa lang ay naging magkarelasyon na sila. At nang sila’y magtapos ay inalok agad ni Mike si Karla para magpakasal. Isang taon pa lamang silang kasal noon nang inasam na nila ang magkaroon ng anak.

Nang manganak si Karla ay nag-resign na siya sa kanyang trabaho upang alagaan ang kanilang anak.

Ilang beses nang nakiusap si Karla sa kanyang mister na magkaroon sila ng kasambahay. Ngunit para makatipid ay hindi pumayag si Mike.

“Ako nga Karla tigil-tigilan mo sa kaartehan na ‘yan! Anong katulong ang pinagsasasabi mo, eh nandyan ka?!” naiiritang sabi ng kanyang mister.

“Ah, sige. Walang problema. Pasensya ka na kung naitanong ko pa,” malungkot na sagot ni Karla. Hindi na lang siya nagpa-halata dahil, iniiwasan niyang magalit ang mister niya sa kanya.

Ngunit ang mga araw niya ay nagiging mas mahirap habang tumatagal. Pakiramdam niya kung minsan ay paulit-ulit na lamang ang ginagawa niya.

Kung minsan pa ay sumasama ang kanyang loob tuwing parang walang tiwala ang kanya mismong asawa pagdating sa pera.

Hindi naman siya nagrereklamo dahil sobra rin ang pinadadala sa kanya. Matapos niyang magbayad ng mga buwan ang bayarin, itatabi niya ang sobrang pera para sa kanilang mga anak. Hindi man lang nakakabili ng pansariling gamit itong si Karla dahil ikakagalit ito ng mister niya. Kaya naman kahit luma na ang kanyang mga damit ay ito pa rin ang kanyang mga isinusuot.

Iniintindi ito ni misis dahil alam niyang gusto lang naman magtipid ng kanyang mister.

Ngunit, gumuho ang mundo ni Karla nang malaman niya, galing mismo sa katrabaho ni Mike, na mayroon siyang ibang babae – kaya pala nag-iba na ang pagtrato sa kanya ng kanyang asawa.

Hindi niya ipinaalam sa kanyang asawa na alam niya ang tungkol sa kabit nito. Imbis na magmukmok, ay minabuti niyang humanap ng trabaho na pupwedeng gawin habang siya’y nasa bahay lang. Bukod pa riyan, patuloy pa rin siyang naging mabuting asawa sa kabila ng panloloko ng kanyang mister.

Sa pagkakaalam ni Karla, pangalawang linggo ng Nobyembre ay tapos na ang kontrata ni Mike at makakasama na niya ang kanya ito. Ngunit dumating ito noong huling linggo na ng buwan.

Napag-alaman niya na pinuntahan pala nito ang kanyang kabit. Napakasakit man nito para sa kanya ngunit nagpakatatag siya para sa kanilang dalawang anak.

Sa mga sumunod na linggo ay halos laging umaalis ng kanilang bahay si Mike. Kung minsan ay sinasama niya ang kanyang dalawang anak. Kung isasama man niya ang kanyang misis ay halos hindi naman sila nag-uusap dahil palaging iritable si Mike sa kanya.

Ilang linggo pa ang lumipas at napansin ni Karla na hindi na ganoon kadalas umalis si Mike ng kanilang bahay katulad ng dati. Pilit man niyang mapabilis ang proseso ng kanyang pagsampa muli ng barko ay kailangan niya pa ring hintayin ang ilan pang buwan.

Ngayon, problemado na si Mike kung saan siya kukuha ng panggastos nila sa pang araw-araw habang siya’y hindi pa ulit nakakasampa ng barko.

Isang araw, siya’y umalis ng bahay nila nang napakaaga para sana pumunta sa ibang kamag-anak. Manghihiram muna sana siya ng pera sa kanila. Noong araw na iyon ay halos wala nang laman ang kanilang ref at wala pa silang kakainin.

“Eh anong nangyari sa ipon mo?” tanong ng kanyang pinsan na sinubukan niyang hiraman ng pera.

“Naubos na kasi ‘insan eh, masyadong maraming napamili. Pero babayaran naman kita, pagka-sampa ko ulit,” sagot ni Mike.

“Eto lang ang sobra kong pera, ‘insan. Pasensya ka na ha,” aniya, sabay abot ng isang libo sa kanyang pinsan.

Medyo nabawasan ang iniisip niya ngunit alam niyang magiging problema ulit ito kapag naubos na ang perang hawak niya.

Pag-uwi niya sa kanyang bahay, dalawang anak lamang niya ang nadatnan niya.

Ilang oras ang lumipas at dumating rin ang kanyang misis.

“At saan ka nanggaling? Hindi ka nagpapaalam! At hindi pa kami kumakain ng mga anak m-“ naputol ang kanyang pagsasalita nang makita niya ang dalawang malaking bag na dala ng asawa niya na punong-puno ng grocery.

“Pasensya ka na. Wala na kasi tayong pagkain kanina sa ref kaya bumili na ako. Medyo kulang pa ang mga ‘to kaya bibili nalang ako ulit,” sagot niya.

Halatang nagtaka ang mister kung saan nakuha ni Karla ang pera na pambili sa mga ito, ngunit dahil sa kanyang pagmamataas ay hindi niya ito maitanong. Nakita ni Karla ang reaksyon ng mister kaya’t sinagot niya ang tanong na hindi nito masambit.

“May kaunti akong ipon kaya’t nakabili ako ng grocery. Huwag kang mag-alala, dahil kinita ko naman lahat ng mga pinambili ko rito,” aniya.

Hindi na nakasagot pa si Mike dahil nagtataka pa rin siya sa mga nangyayari.

“Naghanap ako ng trabaho. Nagbenta-benta ako ng iba-ibang produkto para magkaroon ako ng kaunting maidadagdag para sa atin. Nang malaman ko kasi ang tungkol sa ibang babae mo, doon ko naisip na kailangang mayroon akong kita para kung iwan mo kami ay mayroon akong maipapakain sa mga anak natin,” dagdag pa ni Karla.

Nagulat si Mike sa mga sinabi ng misis at wala siyang ibang naramdaman kundi kahihiyan sa kanyang mga ginawa.

Itinigil na niya ang kanyang pambababae at mula noon ay bumawi siya sa kanyang mag-iina. Nagpapasalamat rin siya sa kanyang misis dahil kahit siya’y nagloko ay hindi siya iniwan nito. Napatunayan ni Mike na talagang napakabuti ni Karla at sobrang swerte siya rito.

Advertisement