Nalaman ng Binata na Nambababae ang Kanyang Tatay, Nanlumo Siya nang Makilala Kung Sino ang Babae Nito
Bakasyon na rin ni Macky sa wakas, at isang taon na lamang ay makakatapos na siya sa kolehiyo. Nagpasya siyang umuwi muna sa probinsya kung nasaan ang kanyang mga magulang at kapatid na babae.
Nag-aaral kasi sa syudad ang binata dahil dito siya piniling pag-aralin ng kanyang ama. Wala namang problema sa kanya dahil mas maganda nga naman talagang mag-aral doon.
Lahat kasi halos ng mga kaibigan niya ay nagsi-uwian rin sa kani-kanilang mga probinsya para magbakasyon, kaya naman nakigaya na rin siya.
Isang araw, habang naglalakad-lakad siya sa bayan para maghanap sana ng makakainan, ay nakabangga niya ang isang magandang babae.
“Aray! Tumingin ka naman sa- Macky??” napatili ang babae nang makita ang binata.
“Pasensya ka na miss, mahina kasi ako sa memorya, ano ulit ang pangalan mo?” tanong ni Macky.
“Ano ka ba naman?! Ako ito ‘no, si Rachelle!” nakangiting sambit ng dalaga.
“Rachelle? ‘Yong kaklase ko nung high school?” hindi makapaniwalang sabi ni Macky.
Tumango ang dalaga para sabihing tama ang hula ng binata.
“Wow! Rachelle! Ang laki ng pinagbago mo ah! Maganda ka na noon pero mas malaki ang ginanda mo ngayon!” pambobola ng binata.
“Nako, Macky! Ewan ko sayo. Talagang hilig mo pa ring mambola,” nakangiting sabi ng dalaga.
Itinuloy nila ang kanilang kwentuhan sa isang malapit na kainan habang sila’y nanananghalian. Mula noon ay halos araw-araw na silang nagkikita.
Kaya naman, hindi naging malabo na ang kanilang relasyon ay mas naging lumalim pa.
Dumating din ang pagkakataon na inihayag ng binata na nais niyang ligawan si Rachelle – at siyempre ay pumayag naman ang dalaga.
Isang araw, habang naglalakad siya papunta sa tagpuan nila ni Rachelle ay nakita niya ang kanyang tatay na naglalakad sa Bayan, pasakay sa kanyang sasakyan at may kasamang ibang babae. Siguradong-sigurado ang binata na tatay niya ang kanyang nakita at hindi na rin niya matanggal ang hitsura ng babae sa kanyang isipan.
Tinawagan niya si Rachelle noong mga oras na iyon…
“Rachelle, uhm, sorry ha, hindi ako makakapunta ngayon sa tagpuan natin…” naiiyak na sabi ng binata.
“Ah ganoon ba? Hmm. Bakit? May problema ka ba?” sagot ng dalaga.
“Wala naman Rachelle, pero kailangan lang kasi ako ni mama ngayon sa bahay,” sagot naman ng binata.
“Ah oh sige, naiintindihan ko. Walang problema. Tatawagan ko na lang ang mama ko, siya na lang ang aayain ko ngayon,” sagot ng dalaga.
“Pasensya ka na talaga ha, makakapunta ba ang mama mo?” tanong ni Macky.
“Oo, makakapunta naman si mama, alam ko lumabas lang din siya kanina pa kasi nagkita sila nung manliligaw niya,” natatawang sagot ni Rachelle.
“Mabuti naman at masaya ang mama mo,” napangiting sabi ng binata. “Sige Rachelle, kung ayos lang sa’yo, para makabawi ako, ay pupuntahan na lang kita sa bahay niyo,” dagdag ng binata.
“Ready ka na ba magpakita kay mama?” pagtukso ng dalaga.
“Oo naman, ganoon ako kaseryoso sa’yo eh,” sagot ni Macky.
“Oh sige na nga. Ite-text ko nalang sa’yo kung saan kami nakatira para mapuntahan mo at hindi ka maligaw,” muling pang-aasar ng dalaga.
Nanlulumong naglakad pauwi ang binata at ‘di niya malaman kung paano niya sasabihin sa kanyang nanay ang nakita niya – na may ibang babae ang kanyang ama.
Pero matapos niyang mapag-isipan ng matagal, minabuti niyang ‘wag sabihin sa kanyang nanay at hayaan niyang tatay niya ang umamin sa kasalanan niyang ito. Paghahandaan na lang niya kung paano niya sasabihin sa kanyang tatay ang sikretong ito.
Kinagabihan, gaya ng napag-usapan, nagpunta si Macky sa bahay ng kanyang nililigawan. Kabadong-kabado ang binata at nakalimutan pansamantala ang problema ng pamilya habang naglalakad papalapit sa pintuan ng bahay nila Rachelle.
“Ding dong!” maingay na tunog ng kanilang doorbell.
“Saglit lang, hijo!” sigaw ng babae sa loob ng bahay. Labis ang kaba na nararamdaman ni Macky dahil sigurado siyang nanay na iyon ni Rachelle.
Nang magbukas ang pinto… namutla ang binata.
Natulala si Macky at umaasa na sana ay maling bahay ang napuntahan niya. Dahil ang babaeng nagbukas ng pintuan, na nanay ni Rachelle ay ang babaeng nakita niya kaninang umaga na kasama ng kanyanag tatay.
“Halika, pasok ka, hijo,” pag-imbita ng nanay ni Rachelle.
“Wag kang kabahan, ano ka ba hijo! Hindi ako nangangain,” dagdag ng nanay nito nang mapansing parang tuod na nakatayo sa pinto si Macky.
Nagising ulit ang diwa ng binata at pumasok na sa loob ng bahay nila.
Habang sila ay kumakain ng hapunan, bigla muling tumunog ang doorbell ng kanilang bahay.
“May bisita ka ba, ma?” tanong ni Rachelle.
“Oo anak, naisip ko kasi, dahil pinakilala mo ang manliligaw mo, ipapakilala ko na rin ang akin,” nakangiting sagot ng nanay ni Rachelle.
Tuwang-tuwa ang dalaga, pero gusto nang tumakbo paalis ng bahay naman si Macky. Hindi siya handang makita ang kanyang tatay.
Pagbukas ng pintuan, nagkatitigan ang mag-ama. Nagtaka ang mag-ina sa naging reaksyon nila at nakumpirma na sila’y magkakilala matapos tawaging “papa” ni Macky ang lalaki.
Sa sobrang galit ng mag-ina, pinalayas nila ang dalawang lalaki sa kanilang pamamahay. Habang sila’y naglalakad papasok sa kotse ng kanyang tatay…
“Kailan mo sasabihin kay mama ang panloloko mong ito, pa??” galit na galit na sabi ng anak.
“’Wag kang mag-alala nak, tatapusin ko na ang ugnayan ko sa babae na iyon, wag mo lang sabihin sa mama mo,” pagmamakaawa ng kanyang tatay.
“Alam mo pa, kung talagang mahal mo si mama, aaminin mo ang mali mo at hihingi ka ng kapatawaran!” sigaw ng binata at lumabas ng kotse ng kanyang tatay. Tumakbo ito palayo sa kanyang ama para makapag-isip isip.
Kinabukasan, maagang nagpunta si Macky sa bahay nila Rachelle, para kausapin ang kanyang ina. At sakto namang nakasalubong niya ang nanay ng dalaga habang papasok pa lang ito sa trabaho.
“Ms. Sanez, sana ho ay mapatawad niyo ang tatay ko. Alam kong napakasakit ng ginawa niya sa inyo, at wag ho kayo mag-alala dahil kung hindi aamin ang papa ko, ay ako mismo ang magsasabi nito kay mama. Pero sana ho ay mapatawad niyo rin ako dahil hindi ko sinabi agad sa inyo at kay Rachelle na nalaman ko din ang pagkakamali ng tatay ko.”
“Hindi pa kita masasagot sa ngayon dahil napakasakit pa ng mga pangyayari. Pero umalis ka na lang rin dahil ayaw kang makita ng anak ko,” anito.
“Naiintindihan ko po. At nirerespeto ko po ang desisyon ninyo. Pero sana po, maniwala kayo sa sasabihin ko na hindi ako katulad ng tatay ko. Malaki ang respeto ko kay Rachelle at hindi ko siya kayang saktan,” sambit ni Macky at tuluyan nang umalis.
Ilang linggo na ang nakalipas at malapit na ulit bumalik ng syudad si Macky para mag-aral, sa araw-araw na nagdaan ay patuloy siyang umasa na baka sakaling mapatawad pa siya ni Rachelle, ngunit unti-unti ay nawawalan na rin siya ng pag-asa.
Dumating ang araw ng pagluwas ni Macky pabalik ng syudad nang may biglang kumatok sa bahay nila. Laking gulat ng binata nang makita si Rachelle na nakatayo sa labas ng kanilang bahay. Bago pa man siya magsalita ay nauna na ang dalaga…
“Macky, alam kong paalis ka na ngayon. Pero nakapag-isip ako ng mabuti at tama ka nga. Ang kasalanan ng tatay mo ay hindi dapat maipasa sa’yo. Gusto kong malaman mo na gusto kong bigyan pa ng isang tyansa ang kung ano mang meron sa atin. Magiging malayo tayo sa isa’t isa pero alam kong makakayanan natin ito,” nakangiting sambit ni Rachelle.
Natahimik sa sobrang tuwa ang binata. Hindi siya makapaniwala na maaayos pa rin pala ang kanilang relasyon.
Nagkayakapan aang dalawa at nangako sa isa’t-isa na magiging bukas palagi ang kanilang komunikasyon.
Isang taon ang nakalipas at parehas nang nakatapos ng kolehiyo si Macky at si Rachelle. Ilang linggo na lamang ay susunod na rin si Rachelle sa syudad dahil doon na siya magtatrabaho.
Para sa nanay ni Rachelle, naghihintay pa rin siya ng lalaking para talaga sa kanya.
At para naman sa mga magulang ni Macky, sadyang mahal ng kanyang nanay ang tatay niya kaya’t pinatawad niya ito. Binigyan rin niya ng tyansa ang asawa na itama ang mga pagkakamali niya.
Masaya ang dalaga dahil nagawa niyang magpatawad, at ginagawa naman ni Macky ang lahat ng kanyaang makakaya para hindi masira ang tiwalang ito.