Inday TrendingInday Trending
Isang Bata ang Nakitang Patakbo-takbo sa Palengke at Naghahanap ng Mabibilhan ng ‘Diyos’, Nakakalungkot Pala ang Dahilan Kung Bakit

Isang Bata ang Nakitang Patakbo-takbo sa Palengke at Naghahanap ng Mabibilhan ng ‘Diyos’, Nakakalungkot Pala ang Dahilan Kung Bakit

Isang araw, sa isang mataong palengke sa probinsya, may isang batang lalaki na nasa sampung taong gulang ang nakitang nagiikot-ikot.

Sinisilip-silip niya ang mga nadadaanang tindahan at mga pwesto na nasa kalsada lang. Isa sa mga tindahan ang pinasok niya at agad na tinanong ang may-ari ng tindahan, “Magandang umaga po, nagbebenta po ba kayo dito ng Diyos?”

Akala ng tindero ay niloloko siya ng bata, kaya naman mabilis niyang sinagot na,”Wala!” at pinaalis niya agad ang bata. Halos sa buong umaga na siya’y nasa palengke, ay labas masok siya sa mga tindahan para lang maghanap ng tindahan na nagbebenta ng ‘Diyos’.

Maghahapon na at ang makulit na bata ay pumasok sa isang tindahan ay tinanong muli ang tindero, “Magandang hapon po, pasensya na po sa istorbo pero tanong ko lang po kung nagbebenta kayo ng ‘Diyos’ dito?”

Ang tindero ay mukhang nasa edad 50-anyos na at puti na ang karamihan sa kanyang buhok. Ngumiti ang matanda at tinanong ang bata, “Hijo, bakit gusto mong bumili ng ‘Diyos’?”

Laking tuwa ng bata dahil sa unang pagkakataon noong araw na iyon, iba ang sagot sa kanyang tanong at hindi ‘Wala’.

Hindi naiwasang maluha ng batang ito at mabilis na sumagot sa matanda. “Wala na po kasi akong mga magulang, bata pa lang ako. Tapos yung tito ko po ang kumupkop at nag-aalaga sa akin ngayon. Construction worker po ang tito ko at noong isang araw ay nahulugan siya mabigat na bagay sa ulo at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya gumigising at nananatiling nasa opsital.”

“Sinabi po kasi sa akin ng doktor na Diyos lang ang makakapagligtas sa aking tito,” naisip ng bata na baka ganon talaga kagaling ang Diyos na ito.

“Pag nakabili po kasi ako ng ‘Diyos, baka pag nainom o nakain po iyon ng tito ko, baka gumaling na ang mga sakit at sugat niya,” dagdag pa ng inosenteng bata.

Matapos marinig ang kwento ng nakaka-awang bata, hindi maiwasan ng tindero na mamuo ang kanyang luha sa kanyang mga mata.

“Ganoon ba, hijo? Magkano ba ang dala mo ngayon?” tanong ng matanda.

“Mayroon po akong dalang bente,” sagot naman ng bata.

“Tamang-tama iho, bente lang ang halaga ng binibili mo,” nakangiting sagot ng matanda.

Binayad agad ng bata ang bente na hawak-hawak niya at inabot sa matanda. Inabot ng matanda ang isang bote ng tubig na sa bata at sinabing iyon ang kanyang binibili.

“Ipainom mo ito sa iyong tiyuhin, bubuti ang kanyang pakiramdam pag nainom niya ito,” bilin ng matanda.

Sobrang saya ng batang ito at matapos niyang magpasalamat ay mabilis siyang tumakbo pabalik ng ospital kung nasan ang kanyang tiyuhin.

Pagdating niya sa kwarto kung nasaan ang kanyang tito, nagsisisigaw siya ng agad ng, “Tito! Tito! Nabili ko na ang magpapagaling sa iyo. Gagaling ka na rin, malapit na.”

Kinabukasan, isang grupo ng mga magagaling na doktor ang lumipad, sakay ng eroplano, galing sa syudad, papunta sa ospital kung nasaan ang tito ng batang ito.

Isang malakihang operasyon ang ginawa para sa kanyang tiyuhin, at sa kabutihang palad ay naging matagumpay naman ito.

Matapos ang maraming araw ay tuluyang gumaling na ang kanyang tiyuhin.

Ngunit nang oras na para makalabas ng ospital ang mag-tito ay halos mahimatay siya nang makita ang halaga ng lahat ng kanyang babayaran.

“Naku, ma’am pasensya na po pero hindi ko alam kung paano babayaran ang ganito kalaking halaga,” naiiyak na sabi ng tito ng bata.

“Ay sir, ‘wag po kayong mag-alala, bayad na po yang bill niyo, eto po sir oh, nakalagay po sa baba na paid na po ito,” nakangiti namang sagot ng nurse.

“Ha? Pero paano, sino, at bakit?” nagtatakang sagot ng lalaki.

“Isang matanda na mayamang lalaki po ang nagbayad nito. Siya rin ho ang naging responsable sa pagdala ng isang buong grupo ng doktor para maipagamot kayo,” sagot naman ng nurse.

Pinilit alamin ng mag-tito kung sino ang mabuting taong ito na tumulong sa kanila.

Nalaman rin nila dahil sa pagtatanong-tanong na ang matandang ito ay isang bilyonaryo at madalas na nagbabantay ng kanyang maliit na tindahan sa palengke lalo na kapag wala siyang ginagawa.

Mabilis na naalala ng bata kung sino ang matandang tinutukoy na ito kaya dinala niya ang kanyang tiyuhin sa tindahan ng matanda.

Ngunit sa kanilang pagdating, wala na doon ang matanda at isang babae na ang nagbabantay sa tindahan ng mga oras na iyon.

“Naku pasensya na, nasa bakasyon na kasi ang taong hinahanap niyo kasama ang kanyang pamilya,” sambit ng babae.

“Magpapasalamat sana kasi kami sa kanya sa tulong na binigay niya sa amin,” sagot naman ng lalaki.

“Eto ho ang sulat na ipinapabigay niya sa inyo kung sakali raw na bibisita kayo rito sa tindahan niya,” at inabot ng babae ang isang sulat galing sa matanda.

Agad namang binasa ito ng tito ng bata…

“Hijo, hindi mo na ako kailangang pasalamatan. Pamangkin mo ang may dahilan kung bakit nabayaran lahat ng gastos mo sa ospital. Gusto kong malaman mo na napaka-swerte mo dahil napakabuti ng pamangkin mo. Para iligtas ka, bitbit niya ang natatanging bente pesos na mayroon siya at nagpunta sa bawat tindahan dito sa palengke para bumili ng ‘Diyos’. ‘Wag mo rin kalimutang humingi ng pasasalamat sa ‘Diyos’ dahil siya ang nagligtas sa iyo.”

Totoo ngang Diyos ang nagpagaling sa kanya kaya’t pinasalamatan niya rin ang matanda at ang pamangkin niya dahil sila ang naging instrumento ng kanyang paggaling.

Advertisement