Hindi Inasikaso ng Biyenan ang Kanyang Manugang Matapos Nitong Manganak, Isang Trahedya ang Nangyari na Nagturo sa Kanya ng Leksyon
Kasalukuyang ipinagbubuntis ni Leona ang pangalawang anak nila ni Berto. Ang kanilang panganay na anak ay apat na taong gulang na babae.
Mula nang manganak sa kanilang panganay ay umalis na sa trabaho si Leona dahil siya na ang mag-aalaga sa kanyang anak. Pabor ito sa kanyang mister dahil wala silang tiwala kapag kukuha pa ng kasambahay.
Dahil sila ngayon ay nasa kanilang pangalawang anak na, nakiusap si Berto sa kanyang nanay na si Mildred na doon muna siya manirahan sa bahay nila para mayroong titingin sa kanyang asawa tuwing nasa trabaho siya.
Pumayag naman ang kanyang nanay at nakikita naman niya na talagang tinutulungan nito ang kanyang misis.
Ngunit iba pala ang kanyang nanay kapag ka nasa trabaho na si Berto.
“Leona, nagluto ka na ba ng pananghalian?” tanong ni Mildred sa manugang habang nakataas kaagad ang kilay.
“Ay pasensya na po ma, magluluto pa lang ho ako kasi tinapos ko lang ang labada,” paghingi ng tawad ng misis.
“Aba bilisan mong kumilos dyan, ang bagal-bagal mo! Noong ako ang nasa kalagayan mo noon, hindi ako ganyan kabagal at katamad, Leona!” galit na sambit ni Mildred.
“Pasensya na po ma, sige po at magluluto na ako,” paalam ng misis bago pumunta sa kusina.
“’Wag mo akong lulutuan ng prito ha! Ang pangit-pangit mong magprito!” sigaw ng biyenan.
Hindi na sumagot pa si Leona at sinunod na lamang ang utos ng kanyang biyenan.
Ang totoo niyan, halos araw-araw ay ganito ang lagay ni Leona mula ng makasama nila ang kanyang biyenan sa bahay. Wala naman siyang problema sa mga gawaing bahay noon, pero mula kasi ng kasama na nila ang biyenan niya ay ultimo mga labada niya ay kay Leona pa ipapagawa.
Wala namang kaso para kay Leona na paglingkuran ang kanyang biyenan dahil alam niya naman na magulang niya na rin ito. Pero kung minsan ay talagang hindi na rin siya makatakas sa mga sakit-sakit ng kanyang katawan lalo pa’t nasa ika-pitong buwan na siya ng pagbubuntis.
Minsan, ikinasasama lang ng kanyang loob ay tuwing umuuwi ang kanyang asawa, doon lang talagang tumutulong sa gawaing bahay ang kanyang biyenan. Para bang biglang nagiging mabait siya sa tuwing nariyan si Berto.
Buong akala ni Leona ay magbabago ang kanyang biyenan pagtapos niyang manganak, ngunit hindi pa rin pala.
Sa katotohan ay mas lumala pa ang trato sa kanya ni Mildred.
Bago sila lumabas ng ospital ay kabilin-bilinan ng doktor niya na huwag muna siyang gagawa ng mga mabibigat na gawaing bahay para humilom muna ang kanyang sugat. Pero parang hindi ito lubos na naintindihan ng kanyang biyenan.
“Ma, papasok na ho ako. Makikisuyo lang po muna sa pag-aalaga kay Leona ha? Uuwi rin ako kaagad at hindi na ako mag o-overtime para makatulong ako rito,” pakiusap ni Berto sa kanyang ina.
“Oo sige, ako na ang bahala,” nakangiting sagot ni Mildred.
Ngunit pagkaalis na pagkaalis ni Berto, “Hoy Leona!,” sigaw agad ng biyenan niya.
“Leona!” sigaw muli ni Mildred dahil mukhang hindi siya narinig ng manugang.
Matapos ang ilan pang segundo. “Ma pasensya na hindi ako nakababa kaagad, medyo kumikirot pa po kasi ang tahi ko kaya mabagal ako sa hagdan,” sagot ni Leona. “Ano po pala iyon?”
“Ikaw Leona tumigil-tigil ka sa kaartehan mo ha? Ilang araw na ‘yang tahi mo, masakit pa rin? Magluto ka na, hindi pa ako kumakain dito,” sambit ni Mildred.
“Ma, pasensya na po ha? Pero nahihilo-hilo pa po kasi talaga ako, saka baka umiyak ulit si bunso. Okay lang po ba na kayo muna ang magluto ng tanghalian? Ako na lang ho ulit sa hapunan.”
“Maririnig mo naman ‘pag umiyak ang apo ko eh, saka kakatulog lang niya ‘di ba? Magluto ka na doon. Uminom ka ng tubig para ‘di ka aarte-arte ng hilo d’yan,” iritang sagot ni Mildred.
Hindi na sumagot pa si Leona at binilisan na lamang magluto ng tanghalian. Dinala na rin niya ang kanyang dalawang anak sa sala para nababantayan niya ang mga ito, habang ang kanyang biyenan ay nasa labas ng kanilang bahay at nakikipag-tsismisan sa mga kapitbahay.
Tiniis ni Leona ang sakit ng ulo at katawan na nararamdaman niya. Sa maagang pagdating ni Berto, nadatnan niya ang kanyang asawa na nagluluto ng hapunan at ang kanyang nanay naman ay nasa sala at nanonood ng telebisyon.
“Oh, Leona, pwede ka na raw bang tumatayo-tayo at magluto? ‘Di ba sabi ng doktor ‘wag ka munang magpagod?” tanong ni Berto sa misis.
“Nako! Iyang asawa mo, ayaw magpaawat. Sinabi ko naman na, na ako na ang bahala sa pagluluto at mga gawaing bahay, pero siya na lang daw kaya hinayaan ko na!” naiinis na sabat ni Mildred.
Tatanungin sana ulit ni Berto ang asawa ngunit biglang nahimatay ang kanyang misis!
Nagising na lamang si Leona na nasa ospital na siya. Pagdilat niya, nakita niya agad ang kanyang asawa sa tabi niya, ang kanyang biyenan na nakaupo katabi ang kanyang panganay at buhat ang kanyang bunso. Napansin niyang malungkot ang mukha ng biyenan nang biglang pumasok ang doktor sa kanilang kwarto.
“Magandang gabi ho, ako po si Dra. Ramos,” bati ng doktor.
“Magandang gabi rin ho, dok. Kumusta na po ang misis ko?” mabilis na tanong ni Berto.
“Kailangan ng pahinga ng misis mo. Over fatigue siya at hindi ito maaari dahil bagong panganak lang siya. Dapat sana ay mayroon siyang katulong sa mga gawaing bahay hanggang sa gumaling siya,” sambit ng doktor.
“Sa ngayon ay magpahinga muna ang misis mo rito, at sasabihin ko naman kung kailan siya makakalabas. Ang mahalaga ay mabantayan muna natin kung stable na ang kalagayan niya,” dagdag pa ng doktor.
Tumango na lamang ang mag-asawa nang biglang nagsalita si Mildred.
“Berto, Leona, mga anak, kasalanan ko ito. Kung naging mabuting biyenan sana ako at tinulungan ko si Leona ay hindi siya aabot sa ganito. Sana mapatawad niyo ako mga anak, simula ngayon ay babawi ako sa inyo,” naiiyak na sambit niya.
Tinupad nga ni Mildred ang kanyang pangako, tinutulungan na niya ang kanyang manugang lalo pa’t alam niya kung gaano kahirap mag-alaga ng isang bata at ang isang sanggol.