Inday TrendingInday Trending
Simula ng Umunlad ang Negosyo ng Mister ay Pumangit na Ang Trato Niya Sa Kanyang Misis, Nanlumo Siya nang Mabalitaang Nanakawan Sila

Simula ng Umunlad ang Negosyo ng Mister ay Pumangit na Ang Trato Niya Sa Kanyang Misis, Nanlumo Siya nang Mabalitaang Nanakawan Sila

Hindi naging madali para kay Allen at Myra ang magsimula ng isang pamilya ngunit dahil maagang nabuntis si Myra, hinarap nila ang lahat ng problema.

Mayroon naman silang nakuhang suporta galing sa parehas nilang pamilya pero hindi rin ganoon kalaki ang kinikita nila – sapat lamang ito sa kanilang pangaraw-araw na pangangailangan.

Sa kanilang pagsimula, nakitira muna sila sa mga magulang ni Myra. Maswerte siya dahil masipag si Allen magtrabaho kaya naman lahat ng kailangan niya at ng anak nila ay naibibigay niya.

Ilang buwan pa ang nakalipas at nagpasya silang magpakasal sa huwes bago pa man lumabas ang kanilang anak.

Matapos manganak ni Myra, ilang linggo lang ang lumipas ay agad na siyang pumasok sa trabaho para makatulong sa kanyang asawa. Sila’y nakiusap muna sa nanay ni Myra na siya sana ang pansamantalang mag-alaga sa kanilang anak.

Isang gabi habang nakahiga na ang mag-asawa at nagpapaantok…

“Ayaw ko na ng ganitong buhay…” malungkot na sambit ni Allen sa kanyang asawa.

“Anong ibig mong sabihin? Nagsisisi ka na ba na ako ang napangasawa mo?” nagtatakang tanong ng kanyang misis.

“Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Ang akin lang, hindi ito ang buhay na ipinangako ko sa inyo ng anak ko,” sagot ni Allen.

“Ayaw ko ng nakikitira tayo. Ayaw ko ng di ko kayo palaging nakakasama ng anak ko,” dagdag pa ng mister.

Napatahimik na lamang ang kanyang misis dahil naiintindihan niya kung anong gustong iparating ng kanyang mister.

Mula noon, ang masipag na mag-asawa ay nagdoble pa ng kasipagan. Bukod sa kanilang trabaho sa kani-kanilang mga opisina ay nagsimula rin sila ng isang negosyo – maliit na tindahan.

Dahil maganda rin ang naging puwesto ng kanilang tindahan, marami ang napapadaan at bumibili rito.

At habang parami ng parami ang kanilang kinikita, parami rin ng parami ang nadadagdag na produktong naibebenta nila.

Ang kanilang tindahan na nagbebenta ng mga pang merienda noon at mga iilang kagamitan sa kusina at bahay ay nadagdagan pa ito ng mga damit, alahas at mga sapatos.

Nag-resign na rin sa trabaho si Myra noon para siya na ang mag-alaga sa kanilang anak. Siya na rin ang naging bantay sa kanilang tindahan.

Hindi nakuntento si Allen sa isang tindahan na mayroon sila, kaya naman nang mabigyan ng tamang oportunidad ay nagsimula sila ng isa pang tindahan sa karatig na bayan.

Hanggang sa ang dalawa nilang tindahan ay naging lima. Lahat ng mga iyon ay bunga ng paghihirap ng mag-asawa.

Natupad ang pangarap ni Allen na magkaroon ng sila ng sariling bahay. Hawak na rin nila ang oras nila ngayon kaya naman palagi niyang kasama ang mag-ina niya.

Pero hindi nakatakas si Allen sa mapanlinlang niyang puso at isipan. Dahil sa lahat ng magagandang bagay na nangyari sa kanilang buhay, umakyat ito sa ulo niya at siya’y naging mayabang.

Dumating pa sa puntong sarili niyang misis ay niyayabangan at inaaway na niya. Konting maling nagawa ni Myra ay pinapalaki ng kanyang mister.

Hinahayaan na lamang siya ng kanyang misis dahil alam niyang mahirap rin ang ginagawa niyang pag-asikaso ng kanilang negosyo.

Ngunit, unti-unti rin na nagbago ang pagtrato sa kanya ng kanyang mister. Nakumpirma na lamang niya ang kanyang hinala nang mahuli niya mismo ang kanyang asawa na may kausap at kalandiang ibang babae sa telepono.

“Sino yan?” kalmadong tanong ni Myra para maiwasan nila ang sigawan.

Hindi agad nakasagot si Allen at mabilisang ibinaba ang telepono bago pa man mahuli ng misis.

Pero dahil tingin niya ay pagmamay-ari niya ang kanyang misis, sinabi niya rin kung sino ang kausap niya noong araw na yun. Dahilan niya ay tinatamad na siya kay Myra kaya nagkaroon siya ng mas batang karelasyon.

Imbis na magalit ay inintindi muli ni Myra ang sinabi ng kanyang asawa. Para sa kanya, marami pang gagawing kalokohan ang kanyang mister pero bandang huli ay mister pa rin niya ito.

Hindi sinukuan ni Myra si Allen at nanatili siyang mabuting asawa rito. Tuwing umuuwi ang kanyang mister na siguradong galing sa kanyang kabit ay palagi pa ring ipinagluluto ni Myra ang mister ng mga paborito nitong ulam.

Palagi pa rin niyang ginagawa ang mga bagay na ginagawa niya noon pa man para sa kanyang asawa. Walang pagbabago.

Isang araw ay nabalitaan nilang nilooban ang tatlo sa kanilang mga tindahan! Halos wasak-wasak ang mga gamit na natira rito at karamihan ay talagang natangay na.

Ang makisig na si Allen ay walang ibang nagawa kundi maiyak ng mga oras na iyon. Ang kanya namang misis ay dahan-dahang lumapit sa humahagulgol na asawa.

“Allen, mahal, wag kang mag-alala. Itatayo ulit nating dalawa ang negosyo nating bumagsak. Basta magtulungan lang tayo,” sambit niya habang pinupunasan ang mga luha ng mister.

“Bakit nandito ka pa rin matapos ang lahat ng nagawa ko sayo?” nagtatakang tanong ni Allen matapos mapagtanto kung gaano kalala ang pinaggagagawa niya sa misis.

“Eh syempre Allen, asawa mo ako. Sa hirap man o sa ginhawa ay magtutulungan tayo. Kahit ano’ng mangyari ay nandito ako para sa’yo at sa pamilya natin,” sabi ni Myra.

Paulit-ulit na humingi ng kapatawaran si Allen sa kanyang misis.

Mula noon ay nangako si Allen na magiging mas mabuting asawa para sa kanyang misis.

Unti-unti, dahil sa kanilang pagtutulungan, nabawi agad nila ang mga nawala sa kanilang negosyo. Nag-ingat na rin si Allen para hindi muling matukso sa pera at sa mga babae. Ngayon, nakatutok na siya sa pag-aalaga sa kanyang mag-ina.

Advertisement