Inday TrendingInday Trending
Hiniwalayan ng Doktor ang Nobya Dahil Waitress Lang Ito, Nagsisi Siya nang Magkita Silang Muli

Hiniwalayan ng Doktor ang Nobya Dahil Waitress Lang Ito, Nagsisi Siya nang Magkita Silang Muli

Para sa pamilya ni Rj, isang malaking kahihiyan ang hindi maging ma-tagumpay sa larangan ng medisina. Halos lahat ng kanyang mga tiya at tiyo ay mga doktor.

Ang kanyang ina ay OB Gyne, na siyang nagpapaanak sa mga buntis. Habang ang kanyang ama naman ay dentista, espesyalista sa ngipin.

Bata pa lamang siya ay nakatatak na sa kanyang isip na susunod siya sa yapak ng mga nakatatanda. Kahit kailan ay hindi siya lumihis ng pangarap.

Kaya naman wala siyang ibang ginawa kundi mag-aral. Para kasi mahasa ang utak sa pagkuha ng kursong medisina, kailangang alagaan ang kanyang grades. Bahay-eskwela lang siya palagi, ayaw niyang masira ang kanyang record.

Kolehiyo siya noon nang siya’y magkagusto sa isang babae. Maganda, matalino, mabait at masipag ang ka eskwela niyang si Elisa at marami-rami ang lalaking nagkakandarapa para makausap lang ito.

Balitadong mahilig mang-basted ng manliligaw ang dalaga dahil wala sa isip nito ang pag-ibig, focused ito masyado sa pag-aaral. Nang malaman ni Rj iyon ay tila lalo siyang nahulog kay Elisa.

Lingid sa kanyang kaalaman, matagal na ring may gusto ang dalaga sa kanya. Tuwing makakasalubong nga siya nito sa hallway ng eskwelahan ay lumilihis ito ng daan upang di niya mapansin ang namumulang pisngi dahil sa sobrang hiya.

Sa wakas ay nakahanap ng tyempo si Rj, nilakasan niya ang loob na lapitan ang dalaga at kausapin ito.

“Uy, Elisa!” nakangiting bati ng binata na halatang kinakabahan pa.

Nagdadalawang isip pang bumati si Elisa dahil hindi siya makapaniwalang tinawag siya ni RJ.

“Elisa!” muling tawag ng binata.

“Ay! RJ! Ikaw pala yan,” kinakabahang sagot ng dalaga, kunwari ay hindi narinig ang unang pagtawag.

Inimbitahan ng binata si Elisa na sabay na silang kumain ng tanghalian. Iyon na ang naging simula ng pagkilala nila sa isa’t isa.

Ang kanilang pagkakaibigan ay lumalim nang lumalim, hanggang naamin na rin ni Rj ang kanyang intensyon- nais niyang ligawan ang dalaga.

Dahil matagal na rin namang lihim na gusto ni Elisa ang binata ay pumayag na rin siyang magpaligaw.

Mula noon, palagi na silang magkasama. Sa tanghalian, at maging sa mga oras na parehas silang walang klase. Madalas silang makitang magkasama sa library ng kanilang paaralan, bonding na nila ang mag-aral ng sabay.

Pero isang trahedya ang naging dahilan ng pagbabago sa buhay ni Elisa.

Naaksidente ang kanyang ina habang pauwi ito mula sa trabaho. Agad rumesponde ang mga tao sa paligid ngunit hindi na umabot ng buhay sa ospital ang ginang. Masyado nang maraming dugo ang nawala rito.

Sanggol pa lamang siya noon ng iwan na sila ng kanyang ama, kaya naman ulilang lubos na ngayon ang dalaga.

Hindi niya malaman kung ano ang gagawin dahil wala na ring magpapaaral sa kanya.

Nakitira si Elisa noon sa kanyang mga tiyahin at nagsimulang maghanap ng trabaho kung saan pwede ang hindi nakatapos ng kolehiyo. Plano parin niyang bumalik sa pag-aaral, mag-iipon lamang muna siya.

Nagkataon naman na naghahanap ng waitress sa isang restaurant sa bayan kung saan sila nakatira, kaya agad-agad siyang nag-apply. Sinuwerte namang natanggap..

Naging mahirap ito para sa dalaga, ngunit dahil nariyan ang kanyang nobyo na palaging sumusuporta sa kanya ay kinakaya ni Elisa.

Nang makatapos si RJ ng kolehiyo at itinuloy ang pag-aaral para maging doktor, nagsimula ring magbago ang pakikitungo niya sa kanyang nobya.

“Ano ba naman yan Elisa! Kailan ka ba babalik ulit sa pag-aaral? Ilang taon ka nang nagtatrabaho ah?” sambit ni RJ.

“Nakakapag-ipon naman ako, pero hindi sumasapat parin para makabalik ako sa pag-aaral. Tumutulong rin kasi ako kina tita bilang pasasalamat dahil pinatira nila ako sa bahay nila,” sagot naman ng dalaga.

“Ewan ko sayo, ikaw ang bahala. Baka naman doktor na ako tapos waitress ka pa rin?” inis na sagot ng binata.

Hindi na lamang sumasagot si Elisa tuwing sasabihan siya ng masasakit na salita ng nobyo. Bagamat nag-iiwan ng malalim na sugat ang matatalas na katagang lumalabas sa bibig nito.

Hanggang sa dumating ang araw na si RJ na mismo ang nakipaghiwalay sa dalaga.

Nabalitaan rin kasi ng kanyang mga magulang na hindi pa nakakatapos ng kolehiyo ang nobya niya. Bukod doon, naisip rin ni RJ na hindi talaga sila nararapat sa isa’t isa.

Ang gusto niya ay isang successful na babae at hindi waitress lang ang makasama sa buhay. Iyon ang sinabi niya mismo kay Elisa.

“S-Sigurado ka ba?” nakatungong sabi ng dalaga, itinatago ang panginginig ng boses at pinipigil mapaiyak.

Bumuntong hininga si Rj, “Pasensya kana. Ngayon ko lang naisip na sinayang lang natin ang panahon ng isa’t isa, Magkaibang magkaiba na tayo, hindi na tayo bagay,”

Tumango ang dalaga, ang sakit-sakit. Para siyang sinaksak pero totoo naman diba? Mabilis siyang tumalikod at naglakad palayo.

Hindi naging madali ang lahat para kay Elisa, pakiramdam niya ay wala nang natira sa kanya kaya nawalan na siya ng pag-asa.

Ang mga kaibigan na lamang niya sa trabaho ang nagiging dahilan niya kung bakit siya nagpapatuloy. Araw-araw siyang pinaaalahanan ng mga ito na wag sumuko.

Limang taon ang lumipas at muling nagkrus ang landas ng dating magkasintahan sa isang hindi inaasahang lugar.

Pumasok sa isang coffee shop noon si RJ habang hinihintay ang isa sa kanyang mga kaibigan. Lahat ng mga ito ay may pamilya na, bagong kasal o ikakasal pa lamang. Siya na lamang ang single.

Hindi maiwasang mapag-usapan ang kanyang buhay nang dumating ang kanyang mga kaibigan.

“Eh bakit kasi hindi ka pa maghanap ng magiging nobya mo?” tanong ng isa.

“Wala pa kasi akong nakikita na papantay kay Elisa. Ewan ko ba kasi kung bakit ko siya pinakawalan. Ang t*nga-t*nga ko noon. Ang yabang ko pa noon, dahil waitress lang siya. Pero ako itong malungkot ngayon.” nakangiting sabi ng binata pero kita pa rin ang lungkot sa mga mata niya.

Pinilit baguhin ni RJ ang pinag-uusapan, nang mapansin na wala pa rin ang kanilang inorder na pagkain. Tumawag siya ng waitress, “Miss, excuse me? Nasaan ang manager mo? Kanina pa kami naghihintay sa order namin pero bakit ang tagal?” bungad niya agad ay inis.

Agad na tinawag ng waitress ang manager niya at ilang segundo lamang ay may babaeng papalapit sa mesa kung nasaan si RJ.

“Excuse me, sir, pasensya na po ha,” sambit ng babae sa lalaking nakatalikod.

Mabilis na lumingon si RJ sa kanyang likod para makita kung sino ang nag sasalita. Nanlaki ang mata niya ng makilala ang kaharap – si Elisa.

Halatang nagulat rin ito nang Makita siya pero agad rin namang nakabawi.

“O, hello RJ, ikaw pala yan,” Ani Elisa.

“E-Elisa?” nabubulol na tanong ng binata.

Naguluhan rin ang mga kasama ni RJ sa mga nangyayari dahil matagal na nilang kilala si Elisa ngunit iba ang awra ng dalaga ngayon.

Hindi na ito ang mahiyain at malungkot na Elisa. Ang nasa harap nila ay isang masaya at confident na babae.

“Mga sir, we are sorry kung medyo natagalan ang order niyo. But I will make sure na maise-serve siya within two minutes. Thank you and sorry again,” sambit ni Elisa, at umalis na rin siya pagkatapos makausap ang mga ito.

Agad siyang hinabol na RJ, “Elisa!”

Lumingon ang babae at nakita si RJ na nasa likod agad niya, “Yes?” nakangiting sagot niya.

“Ikaw ang manager dito?” mahinang tanong ng binata.

“Ay, hindi. Ako ang may-ari nito. bago pa lang itong restaurant ko, pero salamat sa Diyos kasi marami agad akong customer,” sagot naman ni Elisa.

“Wow! Ang galing mo naman!” ani RJ, tumikhim ito bago nagsalitang muli, “Oo nga pala, may gagawin ka ba bukas? Lunch? I mean, sabay tayo..like before. You know, ” tanong ng binata.

“Naku pasensya ka na, may lakad kasi ako bukas eh. May mga aayusin ako para sa kasal ko,” sagot naman ni Elisa.

“Ah, kasal.. “ mahinang sagot ni RJ.

“Sige ha, may aasikasuhin lang ako sa kusina. Sa susunod nalang siguro RJ. Nice to see you again,” ani Elisa at tuluyan nang umalis.

Tila nanlambot ang binata sa kinatatayuan niya habang paulit-ulit na naririnig sa kanyang utak ang salitang ‘kasal’.

“Ikakasal na siya..Huli na ang lahat..“ bulong niya sa kanyang sarili.

Labis ang kanyang pagsisisi na tinapos niya ang relasyon niya kay Elisa noon. Kung sana ay sinuportahan niya ang kanyang dating nobya sa mga panahong kailangan siya nito at nagsilbi silang inspirasyon ng isa’t isa, nakuha niya sana ang totoong tagumpay. Ang masayang buhay.

Advertisement