Malayo ang Loob ng Dalaga sa Kanyang Ama, Nang Isugod Ito sa Ospital ay Bumulaga sa Kanya ang Masakit na Katotohanan
Pinaghahandaan na ng pamilya Reyes ang pagdating ng pangalawang anak ni Tina at Paul. Maging ang kanilang panganay na si Mikaela, limang taong gulang, ay inaasam-asam nang makita ang kanyang kapatid.
“Kailan na ba namin makikita si Junior?” tanong ng isa sa kanilang pinsan.
“Malapit na, hintayin lang natin ang paglabas niya,” nakangiting sagot ni Paul.
Nang sa wakas ay humilab ang tyan ni Tina, kahit masakit ay hindi iyon mababakas sa mukha ng babae. Bagkus ay nakangiti pa ito at excited sa paglabas ng bagong miyembro ng kanyang pamilya.
Si Mikaela naman ay sobrang saya na sa wakas ay makikita na niya ang sanggol na dati rati’y pinakikinggan niya lang ang pagsipa sa tyan ng kanyang ina.
Naging mabuting ate ang bata at kailanman ay hindi nakaramdam ng selos, kahit pa matagal na panahon siyang nasanay na siya lang ang baby.
Hanggang sa na-dalaga at nag-binata na ang magkapatid ay malapit pa rin sila sa isa’t isa. Kahit nga crush ay hindi sila nahihiyang pag-usapan.
Kadalasan pa nga, napagkakamalan silang may relasyon dahil hindi naman talaga sila magkamukha. Nginingitian na lamang nila ang mga ganoong usapan.
“Akala ko talaga e, kayo!” sambit ng isa sa kanilang mga ka-eskwela.
“Grabe ha? Kahit magkapatid talaga kami,” natatawang sagot naman ni Mikaela.
“Sobrang close ninyo kasi sa isa’t isa lalo na pag nag-aasaran kayo. Kaya nga nagulat ako na magkapatid talaga kayo!” sagot ng kanilang kausap.
Natatawa na lamang ang dalawa tuwing may magsasabi noon sa kanila. Mas kamukha ni Mikaela ang kanyang nanay at kahawig naman ni Junior ang kanyang tatay.
Pabor ito kay Mikaela. Wala naman siyang problema sa kanyang ama, ngunit hindi lang talaga siya lumaking malapit dito. Naaalala niya kasi na noong siya’y bata pa lamang, bihira niya lamang makita ang lalaki dahil lagi itong nasa trabaho maghapon. At tuwing ito’y umuuwi naman sa kanila, kung hindi pagod ay nilalaro si Junior. Wala itong oras sa kanya.
Pinipilit namang bumawi ni Paul sa kanyang panganay na anak, ngunit talagang habang lumalaki si Mikaela ay nagiging mailap ang bata.
Ang kanilang pagkakalayo ng loob ay lumala pa nang lumala hanggang sa maka-graduate na sa kolehiyo ang dalaga.
Taon ang lumipas nang makatanggap ng masamang balita ang kanilang pamilya. Nagkaroon ng sakit na kanser si Paul. Mayroon naman silang naitabing ipon noon na maaaring ilaan para sa kanyang pagpapagamot. Pero nang makausap nila ang doctor, halos wala pa sa kalahati ang ipong iyon para sa gamutan ng lalaki.
Problemado ang buong pamilya, bukod tanging si Mikaela lamang ang tila ba hindi apektado.
“Ate, okay ka lang ba?” tanong ni Junior sa kanyang kapatid.
“Aba, oo naman. Bakit naman magiging hindi?” sagot niya.
“Eh syempre kasi si papa, alam mo na. Hindi natin alam kung hanggang kailan nalang natin siya makakasama,” sagot ni Junior.
“Ikaw kasi sanay ka na nandyan si papa. Sa akin parang ganun lang rin. Parang wala lang naman.” aniya.
“Ano ka ba ate? Ano bang pinagsasasabi mo? Tatay parin natin siya,” medyo nasaktang sabi ng binata.
“Oo nga. Eh hindi ko naman naramdaman na tatay ko siya eh! Nagsasabi lang ako ng totoo,” galit na sagot ni Mikaela.
Lumayo na lang si Junior sa kanyang kapatid. Ayaw na niyang makipag-away dahil alam niyang hindi siya mananalo sa taong sarado ang utak.
Lingid sa kaalaman nilang dalawa, narinig ng kanilang nanay ang kanilang pag-uusap. Malungkot na lumapit ang ale sa panganay na anak.
“Anak.. Mikaela, pwede ba tayong mag-usap?” anito.
“Sige ma. Tungkol saan po ba ito? May problema po ba?” sagot naman niya.
“May kailangan akong sabihin sayo. Pero sana ay huwag kang magalit sa akin, maging sa papa mo,” sambit ni Tina. Naging seryoso lalo ang mukha ni Mikaela.
“Napakabata ko noong magbuntis ako sayo. Pero wala akong pagsisisi. Napakasaya ko nang dumating ka, kaya lang.. noong malaman kong buntis ako ay iniwan rin ako ng ama mo,” sabi niya sa kanyang anak.
“Ha? Iniwan ka ni papa? Kaya pala ganoon ang nararamdaman ko sa kanya! Parang may hindi tama!” naiinis na sabat agad ni Mikaela.
“Hindi, anak. Makinig ka nang mabuti sa akin. Ang papa Paul mo ay ang lalaking nakilala ko noong ikaw ay dalawang taong gulang na. Siya ang tumayong tatay sa iyo noong mga panahong inabandona tayo ng totoong ama mo. Nagpapasalamat ako, dahil kahit hindi niya iyon kailangang gawin, ginawa parin niya dahil mahal niya tayo pareho.” naiiyak na paliwanag ni Tina.
Hindi makapagsalita si Mikaela, nang makabawi kahit paano ay saka lang niya tinanong ang ina. Sa pagitan ng paghikbi, “Ma… Bakit ngayon mo lang sinasabi ang lahat ng ito? Hindi ko maintindihan,”
“Gustong ilihim sa iyo ito ng papa mo dahil gusto ka niyang protektahan sa lahat ng possibleng sakit na maramdaman mo pag sinabi namin ang totoo. Araw-araw siyanag malungkot tuwing sinusubukan niyang mapalapit sayo pero ikaw ang lumalayo. Pero hindi siya nawawalan ng pag-asa. Mahal na mahal ka ng papa mo, anak. Ikaw ang nag-iisang prinsesa sa buhay niya,” sambit ni Tina, at sabay na niyakap ang anak.
Hindi nakapagsalita agad ang dalaga dahil hindi parin siya makapaniwala sinabi ng ina. Doon niya naisip na iyon pala ang posibleng dahilan kung bakit napapalayo ang loob niya sa kanyang ama. Pero laking pagsisisi rin niya dahil ilang taon ang nasayang niya, na sana ay naging malapit sana siya sa kanyang tatay na tinanggap siya bilang sariling anak.
Naisip ni Mikaela na hindi pa huli ang lahat para bumawi sa lahat ng sakripisyo ng kanyang papa. Mula noon, siya na ang nag-prisintang magbantay rito sa ospital.
Naging dahilan rin ito ni Paul para labanan ang kanyang sakit – gusto pa niyang makasama ng matagal ang kanyang pamilya.
Tunay ngang totoo ang himala. Dahil sa mga tulong din ng ibang taong malapit sa pamilya, naipagamot si Paul at tuluyang nawala ang kanser sa kanyang katawan! Labis ang pasasalamat nila sa Diyos lalo na si Mikaela, dahil makakabawi na siya ngayon sa kanyang papa.