Inday TrendingInday Trending
Tinalikuran ng Lalaki ang Pagiging Construction Worker at Tinanggap ang Alok ng Kakilala, Ikinapahamak Pala Nito ang Ginawa Niya

Tinalikuran ng Lalaki ang Pagiging Construction Worker at Tinanggap ang Alok ng Kakilala, Ikinapahamak Pala Nito ang Ginawa Niya

Magkababata at magkaibigang tunay ang turingan nina Ricky at Welmer. Kahit lumaki sa hirap ay kinaya ng dalawa ang mga hamon ng buhay. Hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral ang dalawang lalaki. Si Ricky ay second year lang ang naabot sa high school samantalang ang kaibigang si Welmer ay third year. Magkasama rin sa paghahanapbuhay ang dalawa, pagiging construction worker ang pinagkakakitaan nila. Kahit maliit ang kita ay pinagkakasya nila iyon sa araw-araw.

Isang araw ay magkasamang nananghalian sina Ricky at Welmer sa karinderya ni Marie. Parehong may pagtingin ang dalawang lalaki sa magandang dalaga at matagal na nila itong nililigawan kahit pa hadlang ang kahirapan nila sa buhay.

“Ano Marie, may sagot ka na ba sa panliligaw namin sa iyo nitong kaibigan ko?” wika ni Ricky.

“Oo nga, Marie. Kung isa sa amin ang mapangasawa mo ay ibibigay namin sa iyo ang lahat ng gusto mo,” sabi naman ni Welmer.

“Alam mo namang matagal na kaming nanliligaw sa iyo, kahit isa sa amin ay wala ka bang nagugustuhan?” pahabol pa ni Ricky.

“Naku, tigil-tigilan niyo akong dalawa! ‘Di niyo naman ako kayang pakainin. Magkano lang ba ang kinikita niyo sa pagiging construction worker?” sabi ng babae.

“Ako naman Marie kahit maliit lang ang suweldo ko ay titiyakin kong magiging masaya ka sa piling ko. Magsasama tayo sa hirap at ginhawa,” wika ni Ricky.

“Ako kahit imposible ay kakayanin ko, maibigay lang sa iyo ang gusto mong buhay,” ani Welmer.

“Hay naku! Tama na nga kayong dalawa sa mga pambobola niyo! Kung sino na lang ang magugustuhan ko sa inyo kalaunan ay masuwerte, kaya abangan niyo na lang kung sino! Hala, akin na mga order niyo at ipahahanda ko na!” anito.

“Sige Marie, salamat at sa uulitin,” biro ng dalawang lalaki.

Kinagabihan, habang nakahiga ang magkaibigan ay nag-uusap ang dalawa tungkol sa kanilang trabaho. Mula ng parehong maulila ang dalawa ay magkasama na sila sa inuupahan nilang maliit na kuwarto.

“Sawang-sawa na ako sa hirap, pare. Balang araw ay hindi na ako maghihirap. Luluhod ang lahat sa akin at kikilalanin ako bilang pinakasikat na tao dito sa lugar natin. Who you ang mga nanghamak at nang-api sa akin. Kapag dumating iyon ay may maipagmamalaki na ako kay Marie,” sabi ni Welmer.

“Ako naman, simpleng buhay lang ang gusto ko. Kung hindi man ako ang piliin ni Marie ay ayos lang, naiintindihan ko naman ang pinanggagalingan niya kanina. Mahal ko siya, pero kung mas liligaya at mas bubuti ang buhay niya sa lalaking pipiliin niya ay handa akong magpaubaya,” wika naman ni Ricky.

Maya-maya ay niyaya ni Welmer ang kaibigan.

“Tara, pare! May trabahong inaalok sa akin ang kakilala kong si Lando. Sumama ka sa akin kung gusto mo. Malaki ang kikitain natin doon sa alok niya. Paniguradong tiba-tiba tayo!”

“Teka anong trabaho iyan? Baka kung ano na iyan ha, pare. Okay na ako sa trabaho kong marangal.”

“Ano ka ba? Malaking halaga ang kikitain natin doon. Hindi natin iyon kikitain sa pagko-construction lang!” anito.

“E, ano nga iyan? Legal ba iyan?” tanong pa ni Ricky.

Hindi sinagot ng kaibigan ang tanong niya.

“Hay naku! Bahala ka, patuloy tayong magdidildil ng asin kung mananatili tayong construction worker,” sabi pa ni Welmer.

“Ano ba kasi ang magiging trabaho dun?”

“Basta, malalaman mo rin!”

“Ikaw na lang pare, marami pa tayong trabahong gagawin bukas e! Ano, ibig sabihin ay hindi ka makakapasok bukas?” tanong ni Ricky.

“Oo, pare. Simula bukas ay doon na ako magtratrabaho sa inaalok na trabaho ng kakilala ko. Sisiguraduhin ko na magbabago ang buhay ko kapag malaki na ang kita ko. Tiyak na ako na ang pipiliin ni Marie.”

“Sige, bahala ka pare. Mag-ingat ka dun ha? Ako naman ay magsisikap sa trabahong mayroon ako. Balang araw ay makakaahon din ako sa hirap, may awa ang Diyos,” ani Ricky.

“Ano pang hinihintay natin, matulog na tayo at maaga pa tayo sa kanya-kanya nating trabaho bukas,” yaya ng kaibigan.

Lumipas ang dalawang linggo, habang naghahalo ng semento si Ricky ay sinigawan siya ng isang kaibigan.

“Ricky! Alam mo na ba ang nangyari sa kaibigan mong si Welmer?” sigaw ni Gani.

“Ha?! Bakit anong nangyari?”

“Si Welmer, wala na sila Welmer!”

“A-ano?” gulat na sabi ng lalaki.

“Nabaril siya ng mga pulis habang nangho-holdap sa bangko sa kabilang kanto!” anito.

“Hindi nakakibo si Ricky sa sinabi ng kaibigan. Napag-alaman niya na ang pinasok na trabaho pala ng kababata ay ang pagiging holdaper. Sumama ito sa grupo ng kakilala nitong si Lando at planong pagnakawan ang pinakamalapit na bangko sa kanilang lugar.

Nang puntahan niya ang burol ni Welmer ay saka lamang siya napaiyak. Hindi niya inasahan na doon lang nagtapos ang mga pangarap ng kaibigan. Gusto niya itong sisihin dahil mas pinili pa nito ang masamang gawain kaysa magtrabaho ng marangal bilang construction worker ngunit wala na rin siyang magagawa dahil ang kaibigan na ang pumili ng kapalaran nito. Ipinagdasal na lamang niya ang kaluluwa ni Welmer na sana ay mapatawad ito ng Diyos sa ginawa nitong kamalian.

‘Di nagtagal ay nagbunga naman ang pagtitiyaga niya sa panliligaw kay Marie at sinagot siya nito. Kahit maliit lang ang kinikita niya sa kanyang trabaho ay naitaguyod naman niya ang binuong pamilya kasama ang babaeng mahal niya na sana ay ginawa rin ng kaibigang si Welmer para hindi nasayang ang buhay nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement