Inday TrendingInday Trending
Hindi Tanggap ng Ama na Beki ang Kanyang Anak Kaya Isinilid Ito sa Sako at Walang Awang Pinagpapalo, Laking Pagsisisi Niya sa Sinapit Nito

Hindi Tanggap ng Ama na Beki ang Kanyang Anak Kaya Isinilid Ito sa Sako at Walang Awang Pinagpapalo, Laking Pagsisisi Niya sa Sinapit Nito

“Itay, tama na po, masakit!” sigaw ni Railey.

Ginugulpi na naman siya ng tatay niya dahil nahuli na naman nito na nagsusuot siya ng damit na pamababae at naglalagay ng make-up sa mukha. Noon pa man ay alam na niya kung ano siya at kung ano ang gusto niya. Kusa na itong lumalabas sa kanyang pagkatao, na isa siyang beki.

Ang unti-unting paglabas ni Railey sa kanyang tunay na sarili ay hindi naman gusto ng kanyang amang si Doroy.

“Tarant*do kang bata ka! Kung ano-anong ginagawa mo sa sarili mo, wala akong anak na b*kla ha! Kapag hindi mo tinigilan iyan ay tatamaan ka ulit sa akin!” pagbabanta ng ama.

Kakaiba ang ginagawang pagdidisiplina nito sa anak dahil sinasaktan nito ang anak habang nakasilid ang bata sa sako. Pinapalo ito ni Doroy ng kawayang patpat habang nakabitin ang sako.

Nang matapos ang pagpaparusa ay puro galos na lumabas ng sako ang bata. Awang-awa ang inang si Chaida sa sinapit ng anak ngunit wala naman itong magawa. Kapag nagalit na ang asawa ay tameme na ang babae kaya hindi man lang nito maipagtanggol ang anak.

“Ayos ka lang ba, anak? Ikaw naman kasi, ayaw mo pang tigilan iyang kalokohan mo kaya ka nagugulpi ng tatay mo e!” anito.

“Ang sakit po ng katawan ko inay. Bakit po ganoon kung magalit si itay, hindi po ba niya ako mahal bilang anak niya?” tanong niya sa ina.

“Mahal ka ng tatay mo, ayaw lang niya na lait-laitin ka at pagtawanan ng mga tao kaya gusto niyang magpakalalaki ka, anak,” anito.

“Inay, ito na ang pagkatao ko e. Dito ako masaya at malaya kaya sana maintindihan naman po ako ni itay.”

“Huwag na matigas ang ulo mo, anak! Sundin mo na lang ang tatay mo para hindi ka na niya saktan,” pakiusap ng ina.

Anuman ang sabihin ng kanyang ama at ina ay hindi sinunod ni Railey. Mas sinunod pa rin niya ang tibok ng kanyang puso kaysa sa dikta ng mga magulang.

Isang araw ay may pa-contest sa kanilang baranggay para sa mga batang beki. Nang malaman ni Railey ang tungkol dito ay agad siyang sumali.

Bago pa man magsimula ang contest ay pinag-aralan niyang mabuti ang kanyang sasayawin at kakantahin pagkatapos ay inayos niya ang sarili na parang isang tunay na babae. Naglagay siya ng kolorete sa mukha at nagsuot ng wig. Nanghiram rin siya ng pambabaeng damit sa isang babae niyang kaibigan.

Nang sumapit ang kompetisyon ay nagpakitang gilas si Railey sa mga hurado at sa mga taong nanonood. Ginalingan niya talaga sa pagsasayaw at pagkanta. Nang sabihin ang resulta ay napatalon siya sa tuwa nang makuha ang unang gantimpala. Palakpakan ang mga taong naroon nang biglang isang pamilyar na mukha ang nakita niya.

“I-itay?” aniya nang makita ang tatay niya na nanonood pala sa kanya.

Tahimik itong lumapit sa entablado at hinawakan nang mahigpit ang kanyang braso.

“Uuwi na tayo!” tanging wika nito.

Hindi namalayan na kinakaladkad na pala siya ng ama pauwi sa kanila. Natulala rin kasi siya nang makita ito kanina. Pagdating sa bahay ay binuhat siya nito at isinilid sa malaking sako ng bigas. Ibinitin siya nito habang nasa loob siya ng sako. Kinuha ulit ng lalaki ang kawayang patpat at walang awa siyang pinagpapalo hanggang magsawa.

“Siguro naman ay hindi mo na uulitin ang ginawa mo kanina kundi ay hindi na itong kawayang patpat ang lalatay sa katawan mo!” galit na sigaw ng ama.

Gaya ng dati ay mahapdi at masakit na naman ang katawan niya sa mga palo nito ngunit para kay Railey ay balewala na ang pananakit sa kanya ng ama. Nasanay na rin siya na palagi siya nitong ginugulpi kahit wala naman siyang ginagawang masama.

Minsan ay nalaman niyang nangangailangan ng malaking halaga ang mga magulang dahil nalugi ang kanilang babuyan kaya gusto niyang makatulong sa mga ito. Masuwerte naman na magkakaroon ulit ng pa-kontes para sa mga kagaya niyang beki sa kanilang baranggay at sa pagkakataong iyon ay hindi lang tropeyo ang maaaring mapanalunan, mayroon na ring kalakip na papremyong pera. Nang malaman niya kung magkano ang premyong puwede niyang makuha ay agad niyang pinaghandaan ang contest. Hindi siya nagdalawang-isip na sumali doon para makuha ang premyo at maibigay sa mga magulang. Sa isip niya ay baka sa pagkakataong iyon ay maintindihan na siya ng ama at maipagmalaki siya nito.

“Kailangan na ako ang manalo. Para kina inay at itay ang laban na ito,” bulong niya sa sarili.

Gaya ng inasahan ay naipanalo niya ang contest at nakuha niya ang malaking premyo ngunit walang kaalam-alam si Railey na nakarating sa kanyang ama ang ginawa niyang pagsuway rito.

Tuwang-tuwa siya dahil maibibigay na niya sa mga magulang ang napanalunang labinlimang-libong piso sa kontes nang makita niya ang ama na nag-aabang sa kanya sa pinto ng kanilang bahay.

“Binalaan na kita pero hindi ka pa rin nakinig. Talagang inuubos mo ang pasensya ko!” galit na sabi ni Doroy.

Binatukan nito ng ubod lakas ang anak at kinaladkad papunta sa likod bahay.

“Itay, huwag po. Ginawa ko lang iyon dahil gusto kong…” hindi na nito naituloy pa ang sasabihin dahil naisilid na siya ng ama sa malaking sako at ibinitin. Imbes na kawayang patpat ang kinuhang pamalo ni Doroy ay isang mahabang tubo ang dinampot nito at inihataw sa katawan ng anak.

“Maawa ka sa anak mo, Doroy! Baka kung anong mangyari sa kanya!” pakiusap ni Chaida sa asawa.

“Tama na po, itay! Hindi ko na po kaya!” sigaw ng anak.

Hindi pinakinggan ni Doroy ang pakiusap ng asawa at pagmamakaawa ng anak. Tila bingi na ito na walang awa sa paghataw ng tubo sa katawan ni Railey na nasa loob ng sako. Nang magsawa sa kapapalo ay saka palang tinigilan ng lalaki ang anak. Nang ibaba nito ang sako at buksan iyon ay laking gulat ng mag-asawa nang makita ang duguang ulo ng kanilang anak.

“I-itay, inay…para po sa inyo. Ako po ang nanalo sa kontes. Malaki pong tulong iyan sa problema natin sa pera…” naghihingalong sabi ng bata habang iniabot sa mga magulang ang napanalunang pera.

“A-anak! Walang hiya ka Doroy napuruhan mo ang anak mo sa ulo!” hagulgol ni Chaida.

“Dyusko, ano itong nagawa ko?” naguguluhang tanong sa sarili habang karga-karga ang naghihingalong anak.

Maya=maya ay bumigay na ang katawan ni Railey at huminto na sa paghinga. Pinilit nilang makarating sa ospital para isalba ang buhay ng anak ngunit bigo sila. Hindi na umabot sa emergency room ang bata sa dami ng dugong nawala sa natamo nitong matinding pinsala sa ulo.

Halos sumabog ang dibdib ni Doroy nang malamang wala na ang anak. Sinisi niya ang sarili sa pagpanaw nito dahil sa labis niyang galit rito ay hindi niya nakontrol ang sarili at di sinasadyang napaslang ang anak.

“Masyado mong pinaghigpitan ang anak mo. Hindi mo tinanggap ang totoo niyang pagkatao. Kasalanan mo ‘to! Ikaw ang pumaslang sa kanya!” paninisi ni Chaida.

“Patawarin mo ako, anak! Kasalanan ko ang lahat, kung inintindi lang sana kita at tinanggap kung ano ka, hindi sana nangyari ito sa iyo!” iyak ni Doroy.

Napagtanto ng mag-asawa na gusto lang palang makatulong sa kanila ni Railey kaya sumali ulit ito sa isang gay contest, ngunit ang kapalit pala ng pagkapanalo nito at pagtulong sa kanila ay ang sarili nitong buhay. Walang katapusang pagsisisi ang nararamdaman ni Doroy sa mga sandaling iyon. Nagsilbi na itong aral sa kanya, na hindi niya malilimutan. Hangga’t humihinga siya ay patuloy siyang uusigin ng katotohanan na sa kanyang mga kamay mismo nawala ang buhay ng kanyang anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement