Nilustay sa Bisyo at Luho ng Mag-asawa ang Ipinadalang Pera at Kinita sa Negosyo ng Tiyuhin at Tiyahin, Kawawa Sila nang Mabunyag ang Kanilang Ginawa
Tuwang-tuwa na naman ang mag-asawang Gio at Maila dahil bumalik na galing sa ibang bansa ang tiyuhin at tiyahin ng lalaki na sina Adela at Nardo. Sa tuwing uuwi kasi ang mga ito ay nagbubuhay hari at reyna sila dahil sa mga dalang pasalubong ng dalawang matanda. Binibigyan rin sila nito ng pera dahil sila lang naman ang malapit na kamag-anak.
“Naku, mabuti naman po at naisipan niyong magbakasyon dito. Ano po bang plano niyo habang narito kayo?” tanong ni Gio.
“Isang buwan lang kami rito ng tiya mo. May mga aasikasuhin lang kami at babalik din kami sa Dubai. Kumusta naman kayo rito? Itong bahay hindi niyo ba napapabayaan, naipagawa niyo ba? At ang grocery?” tanong ng tiyuhin. Ang tinutukoy nito ay ang grocery sa tabi ng kanilang bahay na pagmamay-ari ng dalawang matanda na pinababantayan ng mga ito sa mag-asawa habang sila ay nasa ibang bansa.
“Huwag po kayong mag-alala, napagawa na po namin itong bahay at maayos naman po ang grocery store,” sabad naman ni Maila.
“Mabuti naman kung ganoon. Dahil sa inyo rin naman mapupuntang mag-asawa itong bahay at ang grocery na iyan kapag tumama sa bato na mawala kami ng tiyo niyo,” wika ni Adela.
Maya-maya ay niyaya na nilang kumain ang mag-asawa. Naghanda talaga sila ng maraming pagkain para sa pagdating ng mga ito.
Kinagabihan habang nakahiga sa kama sina Gio at Maila ay ‘di nila napigilang pag-usapan ang dalawang matanda.
“Nag-aalala ako, Gio. Paano kung malaman ng tiyo at tiya mo na nalulugi na ang grocery at hindi pa rin natin napapagawa itong bahay? Buti na lang at hindi pa tag-ulan kundi ay makikita nila ang mga tulo ng tubig ulan sa bubong. Ikaw kasi, wala kang tigil sa bisyo mo! Iyong ibinigay nilang pera na pampagawa nitong bahay ay winaldas mo lang sa pagsusugal. Buti sana kung nananalo ka, e pero anong ginawa mo? Ipinatalo mo lahat ang pera! Pati kita ng grocery ay inuubos mo sa sugal kaya nagkandalugi-lugi na ang negosyo nila,” paninisi ni Maila.
“Aba, huwag mo ngang isisi sa akin ang lahat! Ikaw nga itong walang ginawa kundi bumili ng kung ano-ano sa perang galing sa grocery e! Iyang hikaw mo at kuwintas? ‘Di ba ang perang ipinambili mo riyan ay ang kita ng grocery? Puro ka luho kaya nalulugi ang negosyo, kaya huwag mo lang isisi sa akin ang pagkakamali mo,” anito.
Wala palang kaalam-alam sina Adela at Nardo na nalulugi na pala ang negosyo na pinaghirapan nilang ipundar. Bagong kasal pa lang kasi ang mag-asawa nang simulan nila ang negosyong iyon. Dugo at pawis ang naging puhunan nila para mapalago ang grocery.
Isang araw ay ‘di nila inasahan ang pag-ulan ng malakas kaya nataranta ang mag-asawa dahil sa mga patak ng tubig ulan na nagmumula sa mga butas sa bubong.
“Dyusko, ano ito? Akala ko ba ay naipaayos niyo na itong bahay?” tanong ni Adela.
Hindi malaman ng mag-asawa kung ano ang idadahilan.
“A, e napaayos na po namin iyan! Hindi po namin alam kung bakit nagkaganyan!” palusot na sabi ni Maila.
“Ipapaayos ko po ulit kapag huminto ang ulan,” ani Gio.
Nang bisitahin nina Adela at Nardo ang grocery ay nakita nila na halos kaunti na lang ang mga paninda na naroon. Napansin din ng mga ito na mangilan-ngilan na lang ang mga customer na bumibili. Nakaramdam ang dalawang matanda na may hindi magandang nangyayari kaya naisip nilang matyagan ang mag-asawa.
Nang sumunod na araw ay nakita nilang umalis si Gio gamit ang motorsiklo na ipinundar din nilang mag-asawa. Sumakay sila sa pinarang traysikel at palihim na sinundan ang lalaki. Huminto ito sa isang bahay at pumasok roon. Bumaba ang dalawa sa traysikel at inalam kung ano o sino ang pinuntahan ni Gio. Nang biglang may dumating na isang lalaki at nakita sila na patingin-tingin sa labas ng bahay.
“May kailangan po ba kayo?” tanong ng lalaki.
“Nakita kasi namin na pumasok sa bahay na iyan ang anak namin, ano ba ang mayroon diyan sa loob?” palusot ni Nardo.
“Ganoon po ba? Sugalan po ang nasa loob niyan. Regular din po akong nagsusugal diyan kaya baka kilala ko kung ano ang pangalan ng anak niyo,” bunyag ng lalaki.
Nagkatinginan ang mag-asawa. Hindi nila inakala na may bisyo ang pamangkin. Nagpalusot ulit sila at nagsabi ng kunwaring pangalan sa lalaki. Nagpaalam naman ito na titingnan kung nagsusugal roon ang hinahanap nila. Nang tuluyang makapasok ang lalaki sa loob ng pasugalan ay nagmamadaling umalis ang dalawang matanda.
Pagbalik nila sa bahay ay agad nilang kinompronta si Maila tungkol sa bisyo ng asawa nito.
“Matagal na pala ang bisyong pagsusugal ni Gio, hindi mo man lang sinabi sa amin? Magtapat ka nga, Maila. Saan napunta ang perang ipinadala namin para sa pampaayos nitong bahay? Ginamit ba niya sa pagsusugal?” tanong ni Adela.
Wala nang nagawa si Maila kundi aminin ang totoo sa mag-asawa.
“H-hindi po niya ginastos sa pampagawa ng bahay ang ibinigay niyong pera, ipinatalo po niya lahat sa sugal,” sabi ng babae.
Sa aktong iyon ay siya namang dating ni Gio at naabutan ang pag-amin ng asawa.
“Put*ang i*a ka, ‘di ko akalaing ilalaglag mo ako!” anito.
“Tumigil ka! Akala mo ay hindi namin malalaman ang mga ginagawa mo? Inubos mo lang pala sa sugal ang mga perang ipinadala namin,” ani Nardo sa pamangkin.
“Hindi lang naman ako ang dapat niyong sisihin, dapat sisihin niyo rin ang magaling kong asawa dahil ginasta niya sa pagbili ng kung ano-anong mamahaling alahas ang kita ng grocery kaya nalulugi,” bunyag pa ng lalaki.
Nabigla ang dalawang matanda sa ibinunyag ng pamangkin. Ang pinaghirapan nilang negosyo ay nalulugi dahil sa kapabayaan ng mag-asawa.
“Puwede ba, huwag mo lang isisi sa mga alahas ko kung bakit nalulugi ang grocery, sisihin mo rin ang sarili mo dahil sa kita ng grocery mo rin kinukuha ang mga ipinapatalo mo sa sugal!” sabi pa ni Maila.
Hindi na nakapagpigil pa si Nardo at binulyawan na ang mag-asawa.
“Pareho lang kayong dalawa! Inakala namin na pinahahalagahan niyo ang bawat hirap at sakripisyo namin ng tiya niyo sa ibang bansa. Iyon pala ay winawaldas niyo lang sa walang katuturan? Bukas na bukas rin ay aalis na kami, babalik na kami sa Dubai at baka hindi na kami muling bumalik rito. Kung ano ang ibinigay namin sa inyo ay iyon na lang at wala na kayong matatanggap sa amin mula ngayon kahit isang kusing. Kayo na ang bahalang gumawa ng paraan para isalba ang grocery. Sana sa pag-alis namin ay matuto kayong magpahalaga sa kung anuman ang ibinigay sa inyo,” wika ng matandang lalaki.
Natuloy ang pagbalik nina Adela at Nardo sa Dubai at walang iniwan na kahit magkano ang mga ito sa mag-asawa. Laking pagsisisi ng dalawa sa ginawa nilang pagwawaldas ng perang pinaghirapan ng tiyuhin at tiyahin. Ngayon ay namumroblema sila kung paano iaahon ang naluluging grocery na pinagkukuhanan nila ng ikabubuhay. Kung hindi nila pinairal ang pagbibisyo at pagiging maluho ay hindi sana nagkaroon ng problema ang kanilang negosyo at hindi nawalan ng gana ang dalawang matanda na tulungan sila.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!