Nakipagtanan ang Dalaga sa Dating Nobyo ng Kaniyang Ate, Habambuhay Kaya Siyang Maging Masaya?
“Sinabi nang hindi ako papayag! Ayoko! Hindi pwede!” giit ni Tessie, nanay ng magkapatid na si Sierra at Cindy.
“Mahal ko po siya, at mahal niya rin ako. Hindi niya gagawin sa akin ang ginawa niya kay ate!” pagpupumilit ng bunsong anak na si Cindy.
“Hindi ka ba nahihiya sa ate mo? Ilang taon niyang iniyakan ang lalaking iyan! Tapos ngayon, sasabihin mo sa aking nobyo mo na siya?!” galit na galit na sigaw ng inang si Tessie.
Nakakunot ang noo ng amang si Rommel habang pinakikinggan ang sagutan ng kanyang mag-ina. Sang-ayon siya sa galit ng kanyang asawa, paano ba nama’y saksi ang kanilang buong tahanan dalawang taon ang nakalilipas nang halos araw-araw ay hindi kumain dala ng labis na pighati ang kanilang panganay na si Sierra nang lokohin siya ng nobyong si Erik.
Patuloy pa ring ipinaglalaban ni Cindy ang relasyon nilang dalawa ng ex-boyfriend ng ate niya, kaya naman hindi na nakapagpigil pa si Rommel at sumingit na sa usapan.
“Ganyan ka ba naming pinalaki, Cindy? Alam kong alam mo na hindi matinong lalaki iyang si Erik! Bukod sa walang trabaho at tambay lang diyan sa kanto, niloko niya ang ate mo noon! Nahihibang ka na ba?!” sabat ng amang si Rommel.
“Pati ba naman ikaw, papa?! Akala ko kakampi kita! Walang nakakaintindi sa’kin dito sa bahay na ‘to!” sigaw ni Cindy sa kanyang mga magulang.
Paliwanag pa ng dalaga ay nakausap at nakapagpaalam na raw siya sa ate niyang si Sierra, na ngayon ay nagtatrabaho sa ibang bansa, at pumayag naman daw ito sa pakikipagrelasyon niya kay Erik.
Kaliwa’t kanang sigawan ang pumalahaw sa kanilang tahanan ng gabing iyon, ngunit kinabukasan ay nagulat si Tessie nang buksan ang silid ng kanilang bunsong anak.
“Nakipagtanan na ang anak natin! Rommel! Rommel!” sigaw ni Tessie habang binabasa ang maikling sulat na iniwan ng dalaga.
“Ngayon lang ako naging ganito kasaya, mama at papa. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi ninyo magawang maging masaya para sa akin. Si Ate Sierra nga ay pumayag na sa relasyon namin ni Erik, pero kayong dalawa pa ang naging problema ko. Aalis na ako, at kasama ko si Erik. Lalayo na lamang kami sa inyo upang maipagpatuloy ang pagmamahalan namin. Hindi ko kailangan ng pag-apruba ninyo sa kung sino ang dapat kong mahalin. Hindi ko kaya kailangan para sumaya.”
Halos gumuho ang mundo ng mag-asawa. Hindi nila akalain na ang anak nilang masayahin, maganda, matalino, at may delikadesa ay makikipagtanan lamang sa lalaking walang kakwenta-kwenta.
Agad nilang tinawagan si Sierra upang ibalita ang nangyari.
“Anak? Nakipagtanan na ang kapatid mo kay Erik,” humihikbing sabi ni Tessie kay Sierra sa telepono.
“Ha?!” tanging salitang nasabi ni Sierra dala ng pagkagulat.
“Ang sabi niya’y sang-ayon ka raw sa pakikipagrelasyon niya sa lalaking iyon. Bakit mo naman iyon nasabi, anak?” tanong nag nag-aalalang si Rommel.
“Papa, wala akong sinabi sa kanyang pumapayag ako. Ang sabi ko ay bahala siya dahil buhay niya iyon. Pero pinayuhan ko siya, at ipinaalala ko sa kanya ang lahat ng panglolokong ginawa sa akin ng k*pal na iyon. Hindi ko naman akalain ganyan ang mangyayari,” malungkot na sagot ni Sierra.
Ilang buwan ang lumipas, at dumating ang araw ng uwi ni Sierra galing ibang bansa. Nagluto si Tessie ng Kare-kare na paboritong-paborito ng kanyang dalawang anak. Masaya man sa pagdating ng kanilang panganay ay ramdam ng kanilang buong pamilya ang pagkawala ng bunsong si Cindy. Siya kasi ang “joker” ng pamilya na palaging nagpapatawa sa tuwing sila’y magkakasama.
“Alam mo? Sana’y binugbog at binangasan ko na ang mukha niyang Erik na ‘yan noon pa lang e! E ‘di sana’y narito pa ang kapatid mo,” malungkot na sabi ng amang si Rommel.
“Hindi mo kasalanan iyon, papa. Desisyon iyon ni Cindy,” sagot naman ni Sierra.
Habang nagsasalo-salo ng kanilang hapunan ang mag-anak, nabulabog sila sa isang katok sa kanilang pintuan. Laking gulat nila nang makita ang bugbog-saradong si Cindy na nakatayo sa harapan ng kanilang pamamahay.
“Diyos ko po! Anak, anong nangyari?!” sigaw ng nag-aalalang ina. Hindi rin maipinta ang mukha ni Sierra at ni Rommel.
Ikinuwento ni Cindy na magmula nang makipagtanan siya kay Erik, wala na itong ginawa kung hindi ang makipag-inuman at magsugal. Ang sweldo pa ng dalaga ang siyang ginagamit ng lalaki bilang pagtustos sa kaniyang bisyo. Ngunit nang matanggal si Cindy sa trabaho, halos araw-arawin na rin ng lalaki ang pananakit sa kawawang dalaga.
“Bakit ngayon ka lang umuwi, Cindy?! Matagal na palang ginagawa sa’yo ng t*rantadong iyon ‘yan e!” umiiyak na sigaw ni Sierra nang makita ang kahabag-habag na sitwasyon ng kanyang bunsong kapatid.
“Ate… ate… sorry! Hiyang-hiya kasi ako sa’yo. Ang kapal ng mukha ko! Ang kapal kapal!” humahagulgol na sabi ni Cindy habang lumuluhod sa harap ng kanyang ate.
“Tama na, Cindy. Tumayo ka na d’yan. Tumahan ka na, please,” umiiyak din namang sagot ni Sierra habang itinatayo ang kapatid.
“G*ga ka ba? Hindi masisira ng isang lalaki ang pagiging magkapatid natin,” tumatawang dagdag ni Sierra.
Nagyakap ng napakahigpit ang magkapatid. Naluluha naman sa tabi ang mag-asawa nang makitang maayos nang muli ang kanilang pamilya. Nangako naman si Cindy na kailanma’y hindi na siya mahihibang pa sa pag-ibig, at magiging sensitibo na sa damdamin ng ibang tao, lalo na’t sa kanyang pamilya.
“Tara, kain na tayo,” pagyaya ni Cindy matapos niyang maligo at magbihis ng maayos.
“Anong kakain? Aalis tayong apat,” wika ni Rommel sabay kuha ng kanyang baseball bat.
“Bakit, papa? Saan tayo pupunta?”
Hindi na sumagot si Rommel at pinasakay na lamang ang mag-anak sa kanilang sasakyan. Laking gulat nila nang sila ay bumaba sa isang bahay na kinaroroonan pala ni Erik.
Walang sali-salita ay sinuntok ng napakalakas sa mukha ni Rommel si Erik.
“Kulang pa ‘yan! Matagal ko na dapat ginawa sa’yo ‘yan noong sinaktan mo ang panganay ko. Ngayong tinuhog mo pati ang bunso ko, heto pa ang sa’yo!” sigaw ni Rommel habang iniambang ihahampas ang baseball bat sa ulo ng lalaki.
Takot na takot at naihi pa sa kanyang shorts ang lalaki.
“Huwag po! Huwag po! Tama na po!” sigaw ni Erik.
Tawang-tawa naman ang mag-anak. Ni hindi dumampi sa kanya ang baseball bat ng kanilang ama ngunit kulang na lang ay madumi na rin ito sa kanyang salawal.
“Ano?! Babae lang ang kaya mong saktan?! Hindi ako t*nga para bugbugin at lumpuhin ka. Sa kulungan ka mabulok!” ‘ika ni Rommel.
Maya-maya pa ay dumating na ang pulisya. Ang mga pasa sa katawan ni Cindy, pati na rin ang iilang mga kaibigan niya na tumestigo laban kay Erik ang nagsilbing daan upang matamo ng kanilang pamilya ang hustisya. Hinatulan si Erik ng dalawampung taong pagkakakulong dahil sa ginawa niyang pangmamaltrato kay Cindy.
Bukod pa rito, sumikat rin si Erik sa social media gaya ng Facebook nang i-upload ng magkapatid ang video ni Erik habang umiihi sa salawal nang makompronta ng kanilang ama.
Nabubulok na nga sa kulungan ay wala pang mukhang maiharap si Erik sa mga tao. Tuwang-tuwa ang magkapatid, pati ang kanilang ama’t ina nang makita ang sinapit ng binata. Magmula noo’y nangako si Sierra at Cindy na walang sinuman ang maaaring makasira sa relasyon nila bilang magkapatid. Naging mapili na rin sila sa kanilang magiging susunod na karelasyon.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!