Inday TrendingInday Trending
Puro Pagpapaganda ang Ginagawa ng Ina Para Makahanap ng Bagong Asawa, Napabayaan Niya na Pala ang Anak Niya

Puro Pagpapaganda ang Ginagawa ng Ina Para Makahanap ng Bagong Asawa, Napabayaan Niya na Pala ang Anak Niya

Matapos ang limang taong pagsasama, napagdesisyunan ni Marlon na iwan na ang asawang si Janice. Dahilan niya’y nakahanap na siya ng iba na mas mabait, mas maganda, at mas sexy sa kanya. Labis itong ikinawarak ng puso ng babae, at naiwan sa kaniya ang apat na taong anak na babae.

“Mars! Balita ko’y ipinagpalit ka raw ni Marlon sa ibang babae ah? Ang sabi ko naman kasi sa’yo, huwag mong pababayaan ang sarili mo e,” payo ng isa niyang kaibigang nakasalubong niya habang siya ay namamalengke.

“Oo, hayop ‘yon e! Walang malasakit sa amin ng anak niya,” sagot naman ni Janice.

“Hayaan mo siya! Kung ako sa’yo, magpaganda ka na lang ulit. Napakarami pang iba d’yan!” sagot ng babae.

Napaisip si Janice sa sinabi ng dating kaibigan.

“Kung siya nga na hindi naman kagwapuhan e nakabingwit ng mas bata at mas maganda, ako pa kaya? E napabayaan ko lang naman ng kaunti ang sarili ko,” wika niya sa kanyang sarili habang iniisip ang mga maaari niyang gawin upang makahanap ng bagong asawa.

“At isa pa, hindi naman pwedeng siya lang ang masaya!” dagdag pa niya habang nagtitingin ng mga bagong blusa sa palengke.

Nang makauwi, agad pumunta si Janice sa kapitbahay niyang si Vicky upang umorder ng mga pampagandang produkto.

“Buti naman at oorder ka na! E kung ‘di ka pa hiwalayan ni Marlon e ‘di ka na mag-aayos,” wika ni Aling Vicky.

“Ganoon talaga! Ano bang maganda diyan? ‘Yong nakakabata at nakakaputi!” sagot ng babae na tila pilit kinakalimutan ang pang-iiwan ng salawahang asawa.

“Heto, at heto! Mayroon pa rito! Mayroon na ako niyan sa bahay. Hulugan mo na lamang. Bale nasa P5,900.00 iyan lahat,” aniya.

“P5,900.00?! Kay mahal naman! Wala bang tawad?”

“Kuripot pa rin! Huwag mo ngang tipirin ang sarili mo. Tutal may sustento ka pa rin naman mula kay Marlon. O, siya sige. Presyong kaibigan, P5,500.00 na lamang,” anito.

Iniawas ni Janice ang perang pinambili niya ng mga pampagandang produkto mula sa ipon na sana’y gagamitin niya sa pang-araw-araw na pangangailangan nila ng anak niyang si Sarah. Bukod pa roon, naging sunod-sunod na rin ang pagbili niya ng mga bagong damit, pabango, make-up, at mga sapatos.

Ilang buwan ang lumipas at naging matagumpay ang pagpapaganda ni Janice. Pumayat ito, nawala ang mga tighiyawat, at kuminis ang buong katawan. Nagsimula na siyang lumabas-labas at sumasama na siyang muli sa kaniyang mga kaibigan.

Hindi nagtagal at nakabihag na siya ng puso ng isang lalaki. Gwapo ito, matipuno ang pangangatawan, at may kaya sa buhay. Napadalas na ang paglabas niya kasama ito, at halos gabi-gabi na ring iniiwan ang anak niyang si Sarah sa kanyang ina upang makaalis siya.

Ngunit isang araw ay hindi na nakapagtimpi ang kaniyang inang si Lorna.

“Ma, late na po ako uuwi mamaya. Lalabas lang kami ni Raymond at pupuntang Tagaytay,” pagpapaalam nito.

“Ano? Na naman? Gabi-gabi na ‘yan ah? E paano ang anak mo?”

“Kayo na po muna ang bahala kay Sarah. Malaki naman na po siya at hindi na alagain,” sagot nito.

“Malaki na?! Limang taong gulang, malaki na? Alam mo Janice, punong-puno na ako sa’yo! Magmula nang iwan ka ng asawa mo, wala kang ibang inatupag kung hindi ang sarili mo! Malayo na ang loob ng anak mo sa’yo!” sigaw ng babae.

Nakakunot pa ang noo ni Janice na sumagot.

“Bakit, ma? Wala na ba akong karapatang sumaya? Si Marlon na lang ba?! Paano naman ako?!” sagot nito.

“EH ANG ANAK NINYO, PAANO?! Responsibilidad niyo siya! At lalo ka na, ikaw ang ina!” pagpapamukha ni Lorna sa anak.

Natigilan ang dalawa nang magising ang limang taong gulang na batang si Sarah.

“Mama? Aalis po ikaw ulit? Miss na po kita, mama,” paglalambing ng bata.

Halos matunaw ang puso ni Janice. Bigla siyang natauhan nang makita ang kaawa-awang anak niya.

“Anak, patawarin mo ako. Mama, sorry rin po!” biglang hiyaw ng iyak ni Janice.

“Nawala po ako sa sarili nang mawala si Marlon sa akin. Pero pangako po, magbabago na ako. Pangako, panindigan ko na ang pagiging ina ko sa iyo, Sarah,” patuloy niya.

Mula noon ay isinapuso na ni Janice ang pagiging ina. Dahil alam niyang hindi naman malinis at tapat ang intensyon ng kanyang bagong nobyo, at isa pa’y hindi niya naman mahal ito, ay napagdesisyunan niyang makipaghiwalay na lamang dito. Inilaan niya na lamang ang kanyang lakas at pagmamahal sa pag-aalaga sa kaniyang anak.

Ngunit makalipas ang ilang taon, isang lalaki ang dumating sa kanyang buhay. Lahat ng katangian nito ay kabaliktaran ng mga katangian ng mga nakalipas niyang karelasyon. Matapos ang ilang buwang panliligaw ng lalaki sa mag-ina, sa wakas ay sinagot na siya ni Janice. Si Jared na rin ang tumayong bagong ama ni Sarah, at kinalaunan ay nagpakasal na ang dalawa.

Kahit anong unos ang dumating sa buhay ng isang ina, darating at darating ang oras na maaalala niyang mas mahalaga ang pagiging ina kaysa sa kahit anumang bagay.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement