Inday TrendingInday Trending
Tuwing Kaarawan ng Anak, Nagkikita ang Dating Mag-asawa upang Ipagdiwang Ito; May Pag-asa pa Palang Mabuo ang Kanilang Pamilya

Tuwing Kaarawan ng Anak, Nagkikita ang Dating Mag-asawa upang Ipagdiwang Ito; May Pag-asa pa Palang Mabuo ang Kanilang Pamilya

Tatlong taon na simula nang magpasiyang makipaghiwalay ang ginang na si Shiela sa kaniyang asawa dahil lamang sa isang pag-aaway.

Araw ng Linggo noon, alas sais ng umaga, habang siya’y naghahanda sa kanilang pag-alis patungong simbahan, napansin niyang tulog pa rin ang asawa niya kahit pa makailang beses na niya itong ginising.

Naunahan pa itong mag-ayos ng anak nilang lalaki na noon ay limang taong gulang lamang na labis niyang ikinagalit.

“Hindi ka ba talaga babangon d’yan?” tanong niya rito matapos niya itong bahagyang tadyakan sa paa.

“Baka pupwedeng kayo muna ni bunso ang magsimba, mahal, masakit talaga ang katawan ko, eh,” katwiran nito na ikinangiwi niya.

“Bakit sasakit ang katawan mo, eh, wala ka namang ginawa maghapon kahapon kung hindi ang humilata?” sarkastiko niyang sabi rito.

“Hindi ko rin alam, mahal,” tipid nitong sagot saka nagtalukbong ng kumot.

“Nagdadahilan ka na naman! Tuwing Linggo na lang gan’yan ka! Pero kapag magkakayayaan kayong magkakatrabaho na maggala sa Tagaytay, kahit alas tres ng umaga, nagigising ka! Ito na nga lang ang araw kung kailan natin mailalabas si bunso, hindi ka pa sasama!” sigaw niya rito.

“Pasensya na talaga…” sabi pa nito.

“Maghiwalay na lang tayo! Pagod na pagod na ako sa ugali mong iyan!” bulyaw niya rito dahilan para magsimula silang magtalo at hindi kalaunan, nagpasiya na rin silang maghiwalay.

Simula noon, isang beses sa isang taon na lang sila nagkikita ng ginoong ito. Kung hindi araw ng Pasko, madalas, sa kaarawan ng kanilang anak sila nagsasama-samang tatlo upang ipagdiwang ito.

Kaya lang, tuwing nagkikita silang dalawa, hindi nila maiwasang hindi magtalo sa harapan ng kanilang anak na labis niyang ikinaiinis. Pilitin man niya ang sarili na huwag patulan ang mga ‘walang kwentang’ opinyon nito, hindi niya mawari kung bakit tila ba dumadaloy na sa ugat niya ang galit dito.

Sa katunayan, ngayong nalalapit na ang kaarawan ng kanilang anak, agad na siyang nakaramdam ng pagkainis nang malaman sa walong taong gulang nilang anak na magpupunta ito sa kanilang bahay sa araw na iyon.

“Pupwede mo po ba akong ipagluto ng paborito kong spaghetti, mama? Si papa na raw po ang magdadala ng cake ko!” sambit nito na hindi naman niya matanggihan.

“Hindi lang spaghetti ang ipagluluto ko para sa’yo, anak! Magluluto rin ako ng paborito mong fried chicken, buko pandan, at lumpiang shanghai!” tugon niya na labis nitong ikinatuwa.

Ilang araw pa ang lumipas, dumating na nga ang araw ng kaarawan ng kanilang anak. Katulad ng sabi ng kaniyang anak, nagpunta nga sa kanilang bahay ang dati niyang asawa bitbit-bitbit ang isang mamahaling cake at isang galon ng sorbetes habang siya’y abala sa pag-aayos ng lamesa.

“Tulungan na kita, baka isipin ng anak mo, wala akong kwentang ama,” bulong nito sa kaniya saka tumulong sa pagsasalansan ng mga niluto niyang putahe.

“Wala ka naman talagang kwentang ama!” sigaw niya rito.

“Ikaw ang walang kwenta! Ang dali-dali para sa’yo makipaghiwalay sa akin! Hindi mo man lang inisip ang magiging kalagayan ni bunso!” bulyaw nito sa kaniya.

“Ayos naman po ako kahit hiwalay kayo, papa. Nasasaktan po ako dati, pero ayos na po ako ngayon. Pwede nga po na huwag na tayong magkita-kitang tatlo para hindi na po kayo nag-aaway,” sabat ng kanilang anak saka naupo sa harapan ng lamesa na ikinatahimik nilang dalawa.

“Naku, anak, huwag mong sabihing ‘yan. Hiwalay lang kami pero hindi namin pinuputol ang responsibilidad namin sa’yo,” paliwanag niya rito.

“Oo nga, anak, pasensya ka na kay papa, ha? Inaamin kong ako palagi ang dahilan ng pag-aaway namin. Sige na, kumain na tayo!” segunda ng kaniyang asawa na ikinangiti naman ng kanilang anak, “Wala talagang kupas ang luto ng mama mo, ano? Ito ang pinakanami-miss ko, eh!” dagdag pa nito sabay kain sa spaghetti na niluto niya na bahagya niyang ikinakilig.

Sa pagkakataong iyon, naisip niyang malaki pala talaga ang epekto ng kanilang paghihiwalay hindi lang sa kanilang mag-asawa kung hindi pati na rin sa kanilang anak na maagang namulat sa ganitong klaseng buhay na labis niyang ikinakonsensya.

Napagtanto niya ring mahal niya pa rin ang dating asawa dahil hindi niya matanggal sa isipan noong araw na iyon ang sinabi nito tungkol sa luto niya. Hindi niya ring maiwasang hindi ito tingnan habang nakikipaglaro ito sa kanilang anak na minsan niya lang makitang humahagalpak ng tawa.

“Siguro naman, hindi pa huli ang lahat para ituwid namin ang kamalian namin,” sabi niya, “Gusto mo bang dito na magpalipas ng gabi?” alok niya sa ginoo na ikinalaki ng mata ng kaniyang anak.

“Ngayong gabi lang ba? Hindi ba pwedeng dito na ako ulit tumira?” sagot nito, agad niyang naramdaman ang pag-iinit ng mukha bunsod ng pagkakilig dahilan para siya’y mapahangos papasok ng banyo at doon matamis na ngumiti.

Iyon na ang naging simula ng muling pagkabuo ng kanilang pamilya. Hirap man siyang amining nagkamali siya sa harap ng asawa niyang pilyo, ginawa niya pa rin ito alang-alang sa anak nilang umaasa na mabuong muli ang kanilang pamilya.

Advertisement