Pinagyayabang ng Ginang ang Tagumpay ng Panganay na Anak; Bakit Kaya Tutol Dito ang Kaniyang Asawa?

Walang ibang bukang bibig ang isang ginang kung hindi ang pangalan ng anak niyang panganay na ngayon ay isa nang matagumpay na binata. Wala man itong pamilya sa edad na tatlumpu’t apat na taong gulang kagaya ng mga kaedad nitong lalaki, mayroon naman itong sandamakmak na mga ari-arian.

Kagaya na lang ng tatlong bahay at lupa na ang isa ay nasa ilalim ng pangalan niya, isang magarang sasakyan, mamahaling mga alahas, at isang restawran na talaga nga namang pinagmamalaki niya sa lahat ng taong kaniyang nakakausap.

Mula kasi ang ginang na si Aling Tessie sa isang mahirap na buhay dahilan para ganoon na lang siya maging masaya sa estado ng buhay na mayroon sila ngayon. 

Sa katunayan, halos manlimos na sila ng asawa niya noon sa lansangan, hindi matulog para makabenta ng sandamakmak na basahan, at kung ano pang trabaho ang kanilang pinasok para lamang mairaos ang pag-aaral ng panganay nilang ito sa isang kilalang unibersidad. 

Hindi naman sila nagsisi sa ginawa nilang ito dahil pagkatapos na pagkatapos nitong mag-aral, agad na itong pumasok sa trabaho at nagkayod kalabaw para lamang matugunan lahat ng kanilang pangangailangan at sila’y mapatigil na sa pagtatrabaho.

Bukod sa trabaho nito sa isang kumpanya sa Maynila, rumaraket pa ito sa pagbebenta ng mga bahay at lupa na talagang nakatulong sa pag-alwan ng kanilang buhay.

Ito ang dahilan para palagi niyang ibida ang anak sa lahat ng nakakausap niya, kilala man niya o hindi basta’t nagkaroon siya ng pagkakataon makausap ang isang tao, hindi maaaring hindi niya mababanggit ang pangalan at tagumpay ng anak niyang ito.

Marami mang natutuwa sa biglang pag-angat ng buhay niya, may iba pa ring tila naiinis sa kayabangang unti-unting humuhubog sa dila niya. Kahit pa ganoon, patuloy niya itong ginagawa dahil katwiran niya, “Dugo’t pawis ng anak ko ang ginamit niya para kumita nang malaki at mairaos kami sa kahirapan. Kaya kailangan lang talagang ipagmalaki ang anak kong ito!” na palagi namang kinokontra ng kaniyang asawa sa hindi niya malamang dahilan.

Advertisement

Muli na naman siyang narinig nitong panay ang pagmamamalaki sa kanilang anak sa bago nilang kapitbahay, isang umaga habang siya’y nagwawalis sa tapat ng kanilang bahay. Nang mapansin niyang masama ang tingin nito sa kaniya, siya’y nagdali-daling pumasok ng kanilang bahay upang tanungin kung anong problema nito.

“Hindi ka ba napapagod sa pagmamalaki sa anak mo?” tanong nito sa kaniya. 

“Hindi kailanman! Hanggang sa huling hininga ko, ipagmamalaki ko ang anak ko!” sagot niya rito habang nakapamewang pa.

“Hindi ka ba nahihiya sa mga kapitbahay natin o kahit sa sarili mo na lang? Hindi mo ba napapansin na halos araw-araw na pinag-uusapan ng mga iyan ang pamilya natin?” tanong pa nito na labis na niyang ikinagalit.

“Wala akong pakialam sa mga chismosang ‘yan na imbes na ituwid ang baluktot nilang buhay, nagagawa pang pag-usapan ang buhay ko!” sigaw niya sa kanilang bintana dahilan para masilayasan sa tapat nila ang mga kapitbahay nilang nag-uumpukan doon. 

“Tumahimik ka na!” saway nito sa kaniya. 

“Ikaw, ni minsan hindi ko narinig na pinagmalaki mo ang anak natin! Hindi mo ba alam na siya na ang nagpapalamon sa’yo ngayon?” galit niyang tanong dito.

“Alam ko, kaya nga sa bawat subo ko ng pagkain, nahahabag ako at nandidiri. Gusto ko man siyang itama, hindi ko magawa, dahil pati ako, natatakot na sa anak mo,” nakatungo nitong sagot.

Advertisement

“Anong kaartehan ‘yan, ha?” muli niyang tanong sabay kurot sa tagiliran nito.

Ngunit imbes na makatanggap siya ng sagot mula rito, kinuha lang nito ang selpon sa bulsa saka inabot sa kaniya. 

Sa labis niyang pagtataka, agad niyang binuksan ang selpon at isang balita tungkol sa isang grupo ng mga kalalakihang nagbebenta ng mga lamang loob ng tao ang pinaghahanap ng batas ngayon.

“Hindi ba’t nand’yan ang pangalan ng anak nating panganay? Hindi pala siya nagbebenta ng bahay at lupa, mahal,” mangiyakngiyak na sabi nito sa kaniya na labis niyang pinanghina, “Kaya trending ang buong pamilya natin ngayon sa buong barangay. Sigurado, sa mga oras na ito, nasa kustodiya na ng mga pulis ang anak natin,” dagdag pa nito dahilan para siya’y agad na magsara ng bahay sa labis na pagkahiyang nararamdaman.

Hindi pa man labis na nagpoproseso sa utak niya ang balitang napanuod, may tumawag nang pulis sa kanila na nagsasabing nasa kulungan na nga ang kanilang anak.

“Paano mo ‘to nasikmura, anak?” tanong niya sa hangin habang tinitingnan ang litrato nito noong ito’y nagtapos ng kolehiyo.

Doon niya napagtantong wala pala talaga siyang dapat ipagmalaki dahil ang anak na pinagyayabang niya, isa pa lang masamang tao.

Lahat ng ari-ariang napundar nito, unti-unting nawala simula noon. Hindi man niya alam kung paano muling haharap sa mga tao dahil sa ginawa ng kaniyang anak, may kaunting kaginhawaan siyang nararamdaman dahil ngayon, mahirap man ang buhay nila, sigurado siyang walang masamang ginagawa ang kanilang pamilya.