Pinahiya ng Ginang ang Isang Matanda nang Payuhan Siya Nito sa Ingay na Nagagawa, Siya ang Nahiya Dito Kalaunan

Pinahiya ng Ginang ang Isang Matanda nang Payuhan Siya Nito sa Ingay na Nagagawa, Siya ang Nahiya Dito Kalaunan

InspiringMysteryStories

Alas siyete na ng umaga at imbes na tilaok ng manok ang gumising sa Barangay Masagana, bunganga ng bagong lipat na si Jodi ang gumigising sa mga kapitbahay. 

Kung hindi siya malakas na nakipagkukwentuhan sa mga ginang na nagbebenta ng almusal sa kanilang eskinita, tinatadtaran niya naman ng sermon at sigaw ang mga anak niyang tamad pumasok sa eskwela. 

Pagsabihan man siya ng may-ari ng bahay na inuupahan niya dahil sa ingay na nagagawa niya na inirereklamo ng kanilang mga kabarangay, siya pa ang nagagalit dito. 

Sagot niya rito, “Wala ba akong karapatan na magsalita? Malamang, maririnig nila ang ingay ng bunganga ko dahil dikit-dikit lang ang bahay dito! Kung ayaw nila sa bunganga ko, lumipat sila ng bahay sa panchong! Doon, tahimik!” kaya siya’y pinauubaya na lang sa mga awtoridad sa barangay na halos araw-araw, nasa kaniyang bahay para siya’y pagsabihan. 

Ngunit hindi pa roon natatapos ang pag-iingay niya dahil tuwing ayaw matulog ng anak niyang bunso tuwing oras ng siyesta, walang tigil niya itong hahagupitin ng patpat habang binubungangaan na talagang ikinabahala na ng isang matanda na nakatira sa tapat ng kanilang bahay. 

“Ah, eh, Jodi, hindi naman sa nangingialam ako sa pagdidisplina mo sa anak mo, ha? Pero kasi tingin ko, hindi mo naman siya kailangang pagbuhatan ng kamay para gawin niya ang kagustuhan mo. Lalayo ang loob niyan sa’yo, sige ka,” payo nito na ikinataas ng kilay niya. 

“Hindi pa kayo nangingialam niyan, manang, ha? Kung ako sa’yo, uunahin kong pakialaman ang paliligo ko para hindi ako mangamoy lupa katulad mo,” sarkastiko niyang tugon saka ito sinarhan ng pintuan.

Marami mang nakakita sa ginawa niyang iyon sa ginang, hindi pa rin siya nakaramdam ni katiting na pangongonsenya at lalo pang pinagalitan ang anak. 

Simula noon, unti-unti na siyang nilayuan ng kaniyang mga kapitbahay. Natigil man ang halos araw-araw na pagbisita ng barangay sa kaniyang bahay dahil sa ingay na nagagawa niya, ramdam naman niyang tuwing siya’y lalabas ng pamamahay upang mamalengke, magwalis o bumili sa tindahan, magsisitahimik ang mga ginang na palagi niyang kakwentuhan noon o kung hindi naman, magsisipasukan sa kani-kanilang bahay na talagang kaniyang ikinainis. 

“Baka akala niyo, maaapektuhan ako ng pag-iwas niyo?” bulong niya sa sarili nang makita niyang agad na nagsialisan ang mga ginang sa dadaanan niya palabas ng kanilang eskinita, “Mabubuhay pa rin naman ako kahit wala akong kasundong kapitbahay,” dagdag niya pa saka tuluyan nang nagtungo sa palengke upang bumili ng kanilang ulam. 

Ilang minuto pa ang nakalipas, nakabili na nga siya agad ng mga kailangan niyang sangkap sa lulutuing ulam. Kaya naman, agad na rin siyang nagpasiyang umuwi sa kanilang bahay. 

Ngunit, malayo pa man siya sa tapat ng kanilang Barangay Hall, nakita niyang naroon ang ilan niyang kapitbahay kasama na ang ginang na bahagya niyang pinahiya at dahil mayroon din siyang pagkatsismosa, dahan-dahan siyang naglakad patungo roon at nakiusyoso. 

“Madam Kira, paalisin mo na kasi si Jodi sa lugar natin! Kayang-kaya mo naman ‘yon dahil ikaw ang may-ari ng lupang tinitirhan nating lahat!” nguso ng isang ginang. 

“Oo nga, madam, hindi pa rin tumitigil sa kakaputak, eh! Nakakaabala na siya talaga!” segunda pa ng isa habang kitang-kita sa mukha ang panggigigil. 

“Huwag kayong gan’yan. Katulad niyo na may kaniya-kaniya ring paupahan sa lupang iyan, kumikita ang isa niyong kasamahan sa upa niya sa bahay. Bukod pa roon, ayokong malayo siya sa akin dahil pakiramdam ko, kailangan niya ng gabay sa pagpapalaki sa mga anak niya katulad ng ginagawa ko sa inyo,” katwiran nito na ikinalaki ng mata niya. 

“Sa bagay, basta, madam, huwag mo na siyang isama sa bibigyan mo ng ayuda, ha? Kami-kami na lang! Tutal, kami lang naman ang gumagalang sa’yo,” bulong pa ng isa na lalo niyang ikinagulat. 

“Ayuda? Nagbibigay ka ng ayuda, manang? Ikaw din ang may-ari ng lupang tinitirikan ng mga kabahayang ito?” sabat niya dahilan para manlaki ang mata ng mga ginang na naroon. 

“Ah, eh, oo, hija, kaya kita napagsabihan noong isang araw. Gusto ko kasing mapayapa lang ang buhay ng mga pinapatira ko sa lupa ko. Pasensya ka na rin sa mga ito, ha, sobra kasi sila kung rumespeto sa akin kaya nagagalit sila sa’yo,” paliwanag ng matanda sa kaniya na labis niyang ikinakonsensya. 

“Kaya pala sobrang mura lang ng mga paupahan dito. Iisa lang pala ang may-ari ng lupa at ang iba ay libre na ngang nakakatira, may ayuda pa. Ngayon po, naiintindihan ko na kung bakit nila ako nilalayuan. Pasensya na po kayo sa asal ko,” sambit niya rito habang nakatungo. 

Ngumiti lang ito saka tinapik-tapik ang likuran niya.

“Ayos lang iyon, hija, lahat naman tayo, may bahong tinatago. Sadyang ‘yong iyo, nakita namin agad,” biro nito na ikinatawa niya. 

“Pangako po, simula ngayon, matututo na akong makisama,” sabi niya rito. 

Simula noon, binawasbawasan na niya ang labis na pag-iingay at nirespeto ang kaniyang mga kapitbahay lalo na ang matandang naninirahan sa katapat niyang bahay. 

At dahil doon, unti-unting dumami ang mga kapitbahay niyang nakapapalagayan niya ng loob na nagbigay sa kaniya ng sayang hindi niya pa nararanasan noon.

More Stories