Nagliwaliw Lamang sa Amerika ang Binata; Nang Pauwiin Siya ng Ina sa Pilipinas ay Hindi Niya Inasahan ang Sasalubong sa Kaniya

Nagliwaliw Lamang sa Amerika ang Binata; Nang Pauwiin Siya ng Ina sa Pilipinas ay Hindi Niya Inasahan ang Sasalubong sa Kaniya

FamilyInspiringStories

Buwan ng Oktubre, nakatanggap si Jay ng mensahe mula sa kaniyang ina na nasa Amerika na roon na lang daw siya magpatuloy ng pag-aaral na agad naman niyang tinanggap dahil alam niyang mga mestisa at magaganda ang mga dalagang naroon na pupwede niyang makarelasyon. 

Oramismo, siya’y agad na nakipaghiwalay sa dalagang nagtiyaga sa kaniya sa loob ng tatlong taon. Naglupasay pa ito at lumuhod sa harap niya upang huwag niya itong iwan. Pagmamakaawa pa nito, “Kaya ko naman kahit hindi tayo magkita araw-araw. Ayos lang sa akin na hindi ka makapagpadala ng mensahe sa akin araw-araw. Basta ipangako mo lang na hindi mo ako iiwan dahil…” na agad niyang pinutol. 

“Akala mo ba madaling magkaroon ng karelasyon na malayo sa’yo? Alam mo, kung mahal mo ako, hahayaan mo akong makapag-aral nang maayos doon nang walang iniintinding pabigat dito sa Pilipinas!” sigaw niya rito saka ito tuluyang iniwan. 

Simula noon, kasabay ng pag-alis niya sa bansa ay ang tuluyan niyang pagputol sa relasyon nila ng dalaga. May natatanggap man siyang mga pangangamusta rito sa social media nang makarating na siya sa Amerika, hindi niya ito pinapansin at mas binibigyang atensyon ang mga naggagandahang babaeng nakapaligid sa kaniya roon. 

Hindi na mabilang sa kaniyang kamay ang dami ng mga Amerikanang kaniyang nakasama sa kama habang siya’y nag-aaral sa kolehiyo roon. Wala siyang ibang ginawa kung hindi ang kumain sa labas kasama ang iba’t ibang babae, magrenta ng motel upang mairaos ang kaniyang pagkalalaki, malulong sa masamang gamot, at sayangin ang lahat ng pera ng kaniyang ina para sa mga mamahaling gamit na kaniyang pinagmamalaki sa mga babae. 

Ngunit, pagkalipas ng ilang taon, nabuking ng kaniyang ina ang lahat ng kalokohan niyang ito at siya’y agad na pinauwi sa Pilipinas. “Mama, ngayong taon na ako makapagtatapos ng kolehiyo, pagbigyan mo na ako!” pagmamakaawa niya rito. “Kahit huwag ka nang makapagtapos, huwag lang masayang lahat ng pinaghirapan ko sa isang walang pangarap na katulad mo!” sigaw nito saka siya pwersahang pinapasok sa airport doon. 

Lingid man sa kagustuhan niya ang pag-uwi sa Pilipinas, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang sundin ito at mabuhay sa pamamagitan ng sariling mga paa rito sa Pilipinas. 

Hindi man niya alam kung saan magsisimula dahil kahit isang libong piso, walang binigay ang kaniyang ina, siya’y tinulak ng kaniyang kumukulong sikmura upang matutong dumiskarte sa buhay. 

Dekalibreng hirap ang naranasan niya. Sa katunayan, umabot na sa puntong gusto na niyang tapusin ang buhay niya dahil sa kahihiyan at kalungkutang nararamdaman. 

Ngunit dahil nga patuloy na kumukulo ang tiyan niya, natuto siyang manlimos, magbenta ng sampaguita, at magpasada. Inipon niya ang kinita niyang pera mula sa mga raket na iyon at ginamit ito upang siya’y makapag-apply ng mas magandang trabaho. 

Hindi nagtagal, siya ay nakuha bilang waiter sa isang fast-food chain at doon na siya unti-unting nakapundar ng mga pansarili niyang pangangailangan. 

Ngunit, hindi niya inaasahang ang trabahong ito ang makapaglalapit sa kaniya muli sa dalagang iniwan niya noon. Isang araw, nakita niya itong tahimik na kumakain sa isang sulok katabi ng malaking palaruan sa pinagtatrababuhan niyang kainan. 

“Hindi ka pa rin nagbabago, mabagal ka pa ring kumain,” bati niya rito, agad na nanlaki ang mata nito nang siya’y makilala. 

“Kumusta?” tipid nitong tanong. 

“Ayos lang, ito, nakikipagbakbakan sa buhay. Mukhang maganda na ang buhay mo ngayon, ha?” tugon niya rito. 

“Mama!” sigaw ng isang bata saka yumakap dito na ikinagulat niya. 

“O, may anak ka na pala? Sino namang tatay ng gwapong batang ‘yan?” pang-uusisa niya pa saka bahagyang pinisil ang pisngi ng bata. 

“Ikaw,” tipid nitong tugon habang pinupunasan ang pawis ng bata na nagpatigil ng mundo niya, “No’ng araw na nakipaghiwalay ka sa akin, iyon ‘yong araw na nalaman kong buntis ako,” kwento pa nito habang pilit na ngumingiti. 

“Ba-bakit hindi mo agad sinabi?” nanginginig niyang tanong. 

“Mahal kita, eh, hindi ba’t sabi mo, kung mahal kita, hahayaan kitang makapag-aral nang mapayapa?” sagot nito habang lumuluha. 

Halu-halong emosyon ang kaniyang nararamdaman noong araw na iyon habang pinagmamasdan ang walang muwang na batang nakatitig lang sa kaniya. 

“Pasensya ka na,” tangi niyang tugon saka ito niyakap, “May rason pala kaya hindi ko natuloy ang pagtapos sa buhay ko. Hindi lang pala sarili kong sikmura ang dapat kong tugunan, kayo rin pala,” dagdag niya pa.

Sa pagkakataong iyon, hindi man niya alam kung mabubuhay niya ang mag-ina, agad na tinibok ng puso niya na panagutan ang mga ito na agad namang tinutulan ng dati niyang kasintahan. 

Ngunit dahil nga hindi niya kayang iwan muli ang dating kasintahan kasama ang kanilang anak, araw-araw niya itong sinuyo simula noon. 

Hinarap at humingi siya ng tawad sa mga magulang nito, nagbibigay siya ng mga pagkain at gamit ng kanilang anak, at araw-araw niya itong dinadaanan sa bahay upang makumusta dahilan para muli niyang makuha ang loob nito paglipas ng kalahating taon.

Nabalitaan ito ng kaniyang ina. Buong akala niya’y magagalit ito at siya’y muling kakasuklaman ngunit kabaliktaran ang naging reaksyon nito. Mangiyakngiyak ito sa tuwa habang pinapakita niya sa video call ang anak niyang natutulog sa dibdib ng kasintahan niya. 

“Hindi mo man nagawang maging isang mabuting anak, naging isang mabuting ama ka, Jay,” payo nito saka agad na nagpadala ng perang pangsimula ng kaniyang maliit na pamilya. 

Simula noon, wala na siyang ibang inisip kung hindi ang kaniyang mag-ina. Hindi na sumagi sa isip niyang mag-abroad o mangbabae dahil ngayon, abot langit na saya ang nararamdaman niya kapiling ang kaniyang mag-ina.

More Stories