Inday TrendingInday Trending
Madalas ay Hindi Niya Makontak ang Asawang Nagtatrabaho sa Malayo; Isang Araw ay Isang Lalaki ang Sumagot ng Tawag Niya

Madalas ay Hindi Niya Makontak ang Asawang Nagtatrabaho sa Malayo; Isang Araw ay Isang Lalaki ang Sumagot ng Tawag Niya

Advertisement

“Hello, Josephine? Mahal, kumusta ka na riyan?” masayang bungad ni Ramon sa kaniyang asawa nang sagutin nito ang tawag. 

Mukhang sa wakas ay natiyempuhan niya itong hindi abala sa trabaho.

“Ayos lang ako rito. Pasensya na kung hindi ako masyadong nakakatawag. Medyo istrikto kasi ang amo ko,” paliwanag nito.

Dalawang taon na ang nakalipas simula noong lumuwas ito para mamasukan bilang isang yaya sa isang may-kayang pamilya.

Noong una ay ayaw pumayag ni Ramon. Katwiran niya ay siya ang padre de pamilya at siya ang dapat na magbanat ng buto para sa pamilya. Ngunit sa huli ay nakumbinsi rin siya ng asawa.

“May sariling pamilya na tayo ngayon, kaya dapat magtulungan tayong dalawa para mabigyan natin ng magandang kinabukasan ang mga bata. Balita ko, malaki-laki raw ang sasahurin kapag doon ako nagtrabaho. Kapag maganda ang kinalabasan nito, hindi na natin kailangan mangutang nang mangutang. Mas marami tayong maiipon!” naalala niyang katwiran ng asawa.

Dahil sa sinabi nito ay tuluyan na siyang pumayag, lalo na’t nangako itong tatawag ito sa kanila araw-araw para hindi nila maramdaman, lalo na ng mga bata, ang distansya sa pagitan nila.

Sa unang isang taon ay ayos naman ang lahat. Tinupad naman nito ang pangako na madalas itong tatawag.

Ngunit nagbago ang lahat dahil noong sumunod na taon, naging madalang ang tawag at text mula sa kaniyang asawa.

“‘Tay, uuwi ba ang Nanay? Bisperas na ng Pasko, kahit tawag wala. Nangako siyang uuwi siya ngayon, hindi po ba?” inosenteng tanong ng kaniyang bunsong anak habang hindi mapuknat ang tingin nito sa pinto. Tila ito umaasa na anumang sandali ay susulpot doon ang ilaw ng kanilang tahanan. 

Hindi niya alam kung paano ito sasagutin dahil maging siya ay hindi sigurado.

“Naku, baka abala ang nanay sa trabaho, anak. Hayaan muna natin, baka may nangyari lang kaya hindi siya makakauwi,” aniya bago pilit na ngumiti rito, kahit ang totoo ay lungkot na lungkot din siya.

Nang masigurado niya na tulog na ang mga bata ay muli niyang tinawagan ang asawa. Hindi dahil galit siya o dismayado, kundi dahil sa labis na pag-alala niya para rito. Matapos ang ilang subok ay sumagot din naman ito.

“Pasensya na kung ‘di ako makakauwi ngayon. May nangyari lang,” bungad nito.

“Kung ako lang ang tatanungin, ayos lang naman. mahal. Ang problema ay ang mga anak natin na maghapon kang hinihintay. Anong nangyari?” usisa niya.

Natahimik ito nang ilang segundo bago sumagot.

“Basta. May dahilan, pero hindi ko pa pwedeng sabihin sa ngayon.”

Kumunot ang noo ni Ramon sa narinig.

“May nililihim ka bang problema sa akin?” nananantiyang tanong niya sa asawa.

“Hindi. Wala kang dapat ipag-alala,” maagap nitong sagot.

“Kung ganun, kailan ka uuwi rito? Miss ka na ng mga bata,” pagkukuwento niya.

“Basta malapit–”

Naputol ang kung anumang sasabihin sana ni Josephine nang isang boses ng lalaki ang tumawag sa pangalan nito mula sa kabilang linya. Ora-orada nitong ibinaba ang tawag.

Mas lalong naging mailap ang asawa niya pagkatapos ng huli nilang pag-uusap. Kapag tinatawagan niya ito ay hindi ito sumasagot. Nang lumaon ay parati nang naka-off ang selpon nito. 

Hanggang sa isang beses, isang lalaki ang sumagot sa tawag niya. Ngunit maagap din nitong ibinaba ang tawag nang marinig ang nagtataka niyang boses.

Pinaglabanan niya ang pagnanais na pagdudahan ang asawa. Kilala niya ito, at alam niya na hindi ito gagawa ng kahit na anong sisira sa pamilyang binuo nila.

Ilang linggo pa na hindi niya nakausap ang kaniyang asawa. Hanggang sa isang araw, nakatanggap siya ng tawag mula sa isang ‘di-kilalang numero.

“Ito po ba si Sir Ramon de Leon? Asawa ni Ma’am Josephine?” tanong ng lalaki.

Agad na kumabog ang dibdib ni Ramon.

“Ako nga po. Sino ho sila?” takang tanong niya.

Isang nakakagulat na balita ang sunod na sinabi nito.

“Ihahatid ko ho pauwi riyan ang asawa n’yo, Sir.”

Maraming katanungan ang pumasok sa isip niya ngunit minabuti niyang kausapin na lang ito ng personal.

Isa pa, masaya rin siya dahil sa wakas,muli nang mabubuo ang pamilya nila pagkatapos ng dalawang taon.

Ngunit ang galak sa puso niya ay napalitan ng pag-aalala nang makita niyang muli ang asawa. Halos hindi niya na ito makilala sa laki ng ipinagbago nito.

Malayo sa dati nitong malusog na pangangatawan, payat na payat ang asawa at halata sa mukha nito ang matinding pagod. Kapansin-pansin din ang mga pilat sa braso nito.

Sa likod nito ay nagtatago ang isang batang lalaki na sa tingin niya ay apat na taong gulang pa lamang.

“A-anong n-nangyari sa’yo? Saka s-sino ang batang ‘yan?” nanginginig na usisa niya sa asawa nang mapalapit siya rito.

Pero imbes na sumagot ay umiiyak na yumakap lamang ito sa kaniya. Napakasakit na marinig ang malakas nitong hagulgol.

Sa utal-utal nitong tinig ay nalaman niya ang naging dahilan ng pagdurusa ng asawa.

“Abusado ang amo ko. Sinasaktan niya nang malala si Simon. Nang sinubukan kong makialam dahil napalapit na rin ako sa bata, ako naman ang napagdiskitahan niya. Ikinukulong niya kami pareho at ginugutom. Wala kaming magawa,” umiiyak nitong kuwento.

“Hindi ko naman maiwan si Simon. Napamahal na sa akin ang bata at hindi maatim ng konsensya ko na iwan siya, kahit pa ama niya ang lalaking iyon,” wika pa nito.

Nangilid ang luha ni Ramon. Naramdaman niya ang matinding awa para sa asawa at sa batang si Simon, habang matinding galit naman para sa lalaking nanakit sa mga ito.

“Natatandaan mo noong bisperas ng Pasko na hindi ako nakauwi? Sinubukan naming tumakas. Kaya lang ay nahuli niya kami. Binugbog niya kami ni Simon nung gabing ‘yun. Ang sabi niya, kapag tinangka kong magsumbong sa’yo o sa mga pulis, tatapusin niya kaming dalawa kaya natakot ako. Pagkatapos, kinuha niya rin ang cellphone ko kaya hindi ko na nasagot ang mga tawag mo,” patuloy nitong pag-alala sa masakit na sinapit. 

Niyakap niya nang mahigpit ang asawa at hinayaan itong humagulgol sa balikat niya.

“Ano na ang nangyari sa kaniya ngayon?” marahang tanong niya. 

“Nakakulong na siya ngayon. Sa awa ng Diyos ay isang kapitbahay ang nagmagandang loob at tumulong.”

Tumango siya habang nakapako ang tingin sa paslit na tahimik na nakaupo sa isang tabi at tila nag-oobserba. Gaya ng asawa niya ay tadtad din ng mga pasa ang bata.

“Dinala ko si Simon dito dahil gusto kong ibigay sa kaniya ang pagmamahal ng pamilya na ipinagkait sa kaniya. Papayag ka ba kung aampunin natin siya?” maya-maya ay nag-aatubiling tanong ni Josephine. Nasa mga mata nito ang piping pakiusap.

Agad siyang tumango. Alam niyang mahalaga para rito ang kapakanan ng bata.

“Nakakabilib ka. Ang tapang-tapang mo. Salamat at bumalik ka,” bulong niya sa asawa.

Muling tumulo ang luha nito. Ngunit sa pagkakataong iyon, hindi na iyon luha ng pighati, kundi luha ng kaligayahan. Magsisimula ulit sila at kalilimutan ang pait ng nakaraan, kasama ang bagong miyembro ng kanilang munting pamilya.

Advertisement