Gabi-gabing Tumatakas ang Dalaga para Magwalwal; Isang Trahedya ang Magpapatigil sa Pagiging Iresponsable Niya

Gabi-gabing Tumatakas ang Dalaga para Magwalwal; Isang Trahedya ang Magpapatigil sa Pagiging Iresponsable Niya

FamilyHeartbreakingStories

“Sige na, Daddy! Payagan niyo na akong mag-dorm!” pagpupumilit ni Alexa sa kaniyang mga magulang isang gabi habang kumakain sila ng hapunan.

Nagkatinginan ang dalawa. 

“Dorm? Bakit mo naman biglang naisipan ‘yan?” takang tanong ng kaniyang ama. 

Lihim na napangiti si Alexa. Matagal niya na iyong pinag-isipan kaya marami na siyang nakahandang dahilan.

“Kasi po madalas na mabigat ang trapiko papunta sa school, hindi tuloy maiwasan na ma-late kung minsan. Pag mag-dorm ako, kahit tanghali na ako magising, ayos lang. Magkakaroon pa ako ng mas maraming oras para makapagpahinga at makapag-aral. Siguradong malaking tulong ‘yun para tumaas ang mga grado ko,” litanya niya sa magulang. 

“Talaga ba? Baka naman ayaw mo lang dito sa bahay kasi nababantayan ka namin dito ng Daddy mo,” kontra ng kaniyang ina. 

Nanlaki ang mata niya sa sinabi nito. 

“Hindi po! Mas madali lang po talaga mag-dorm!” giit niya. 

Bumuntong-hininga ang kaniyang ama saka nilingon ang kakambal niya na tahimik lang na kumakain.

“Ano sa tingin mo, Angeli? Totoo ba ang sinasabi ng kapatid mo?” tanong nito. 

Awtomatiko siyang ngumiwi. Hindi na bago sa kaniya ang tagpo. Kambal sila, magkasing-edad lang sila ni Angeli, pero sa kanilang dalawa, ito ang lubos na pinagkakatiwalaan ng kanilang mga magulang.

Ito kasi ang ‘di hamak na mas matalino, mas magalang, mas matino, at mas mabait habang siya naman ay ang kabaligtaran. Siya ang pasaway, sakit sa ulo, at malditang anak. 

“Tingin ko tama naman po, kapag may dorm, mas tipid sa pamasahe at sa oras,” maagap na sagot ni Angeli. 

Sandaling nag-usap ang kaniyang mga magulang at halos sumigaw siya sa tuwa nang marinig ang desisyon ng kaniyang mga magulang. 

“Papayagan ka namin. Pero mayroon kaming kondisyon. Gusto naming kasama mo si Angeli sa dorm mo para mababantayan ka niya. Para kapag may ginawa kang kalokohan, malalaman namin agad,” anang kaniyang ama. 

Napawi ang kaniyang ngiti. “Bakit naman po? Hindi n’yo ba ako pinagkakatiwalaan?” 

Ngumiti ang kaniyang ina. “Hindi naman sa ganoon. Mas mapapanatag lang talaga kami ng Daddy mo kung kasama mo ang kapatid mo.” 

Hati ang damdamin ni Alexa. Masaya man siya ay hindi niya mapigilan ang magdamdam. Noon pa man ay ramdam niya na na si Angeli ang paboritong anak. 

Gayunpaman ay sabik pa rin siya. Masaya niyang ibinalita sa mga kaibigan ang pagpayag ng kaniyang magulang. Gaya niya ay tuwang-tuwa ang mga ito.

“Talaga? Buti naman! Ibig sabihin ba niyan makakasama ka na sa mga gimik namin?” tanong ni Guia, isa sa mga kaibigan niya. 

Humigikhik siya. “Oo naman! Hindi na ako bantay-sarado nila Mommy ‘pag nasa dorm na ako.” 

“E, paano yung kapatid mo? Hindi ba magsusumbong ‘yun?” anito. 

Nakangisi niyang nilingon ang kapatid na mahimbing ang tulog. 

“Naku, wala ‘yun! Madali lang tumakas!” pagsasawalang-bahala niya.

Kaya naman mula yata nang makalipat sila sa dormitoryo, walang gabi na hindi siya tumatakas para sumama sa mga kaibigan na magpunta kung saan-saang bar. Halos nalibot na nga nila ang lahat ng bar sa buong syudad.

Walang kaalam-alam ang kakambal niya dahil pumupuslit siya kapag tulog na ito. 

Ngunit gaya nga ng tanyag na kasabihan, lahat ng sikreto ay mabubunyag din balang araw. Isa gabi, patingkayad siya naglalakad papalabas ng dorm upang muling kitain ang mga kaibigan niya nang gulatin siya ng isang tinig. Ang tinig ng kakambal niya. 

“Saan ka pupunta?” malamig na tanong nito. Wala itong kangiti-ngiti. 

“Kakain lang sa labas,” kabadong palusot niya.

Imbes na sumagot ay may kinuha ito sa ilalim ng kama niya. Ang mga pakete ng sigarilyo na ginagamit nilang magkakaibigan. 

“E ano ‘tong mga ‘to? Bakit may ganito ka? Hindi ba’t bawal ‘to sa’tin?” tukoy nito sa mga pakete ng sigarilyo. 

Hindi siya nakaimik.

“Alam mo namang hindi ‘to pwede. Malalagot ka kapag nalaman nila Mommy ang ginagawa mo,” mahinahong paalala nito. 

“Ngayon lang naman, Angeli. Palampasin mo na,” pakiusap niya sa kapatid. 

“Alam ko na gabi-gabi ka umalis. Nagpapanggap lang akong tulog at walang alam. Umaasa ako na titino ka nang kusa, gaya ng pangako mo kay Daddy,” pahayag nito.

Nagulat man siya sa narinig ay hindi siya nagpahalata.

“Alam mo naman pala, e. Ipagpatuloy mo na lang ang pagpapanggap mo kung ganun,” nakangisi niyang suhestiyon.

Umiling ito. 

“Hindi pwede ito, Alexa. Masamang impluwensya sa’yo ang mga kaibigan mo. Hindi mo ba nakikita? Pati paninigarilyo natutunan mo na,” sermon ng dalaga. 

Iritable niya itong inirapan. 

“Sige, isumbong mo ako! Tutal diyan ka naman magaling, ang magpabida sa harap nila Daddy. Pero kapag ginawa mo ‘yan, tandaan mo, hinding-hindi na kita kakausapin!” pananakot niya sa kapatid bago siya nagdadabog na lumabas.  

Sa bar ay nagpakalasing siya nang husto. Sayaw rito, inom doon ang ginawa niya hanggang sa hindi niya na kaya. 

Hindi niya rin naman maasahan ang mga kaibigan na pawang lasing na lasing din, kaya naman mag-isa siyang umuwi ng bahay. 

Wala na siya sa katinuan nang maglakad palabas ng bar, kaya ni hindi niya napansin ang isang kotseng paparating habang tumatawid siya. 

Huli na para umiwas kaya’t pumikit na lang siya. Ngunit sa huling segundo ay may tumulak sa kaniya. 

Nang mahismasmasan si Alexa ay agad-agad niyang nilingon ang paligid at doon ay nakita niya ang isang katawang nakahandusay. Alam niya na ito ang nagligtas sa kaniya. Kung hindi dahil dito ay baka siya na ang duguan ngayon at walang malay. 

Nanginginig niya itong nilapitan. At tila papanawan siya ng ulirat nang makilala niya ang nakahandusay. Walang iba kundi si Angeli. 

“Tulong! Tulong po!” umiiyak niyang sigaw.

Mabuti na lang at agad silang dinaluhan ng mga tao at sinugod sa pinakamalapit na ospital. 

Sa kabutihang palad hindi naman masyadong malala ang sinapit nito ngunit hindi nabawasan kahit kaunti ang pagsisising nararamdaman niya habang minamasdan ang walang malay niyang kakambal. 

“Angeli, sorry talaga. Ang sama-sama kong kapatid. Sorry!” umiiyak niyang bungad nang magmulat ito ng mata kapagkuwan. 

Ngumiti lang ito at hinawakan nang mahigpit ang kaniyang kamay.

“Ayos lang ako. ‘Wag ka nang umiyak diyan. Desisyon ko na iligtas ka sa kapahamakan, s’yempre, dahil kapatid kita at ayaw ko na masaktan ka,” anito. 

Napaluha lang si Alexa nang mas matindi. Hanggang sa huli kasi ay nagpaka-ate pa rin ito sa kaniya. 

Dahil sa nangyari ay isang bagay ang napagtanto ni Alexa. Wala ni katiting na pagnanais ang kakambal niya na ungusan siya, o ‘di kaya ay ipahamak siya. Ang nais lang nito ay maayos siya.

Kaya naman nangako siya na bilang ganti ay hindi na siya gagawa ng mga bagay na ikapapahamak niya. Sisimulan niya na ring isipin ang kapakanan ng kapatid niya, dahil iyon naman talaga ang ginagawa ng magkakapamilya—ang palaguin ang isa’t isa.

More Stories