Mala-Anghel ang Pagkakakilala ng Binata at Ina Nito sa Dalaga; Kalauna’y Lumabas Din ang Tunay Nitong Kulay

Mala-Anghel ang Pagkakakilala ng Binata at Ina Nito sa Dalaga; Kalauna’y Lumabas Din ang Tunay Nitong Kulay

FamilyKarmaStories

“Mommy, siya po si Cindy, girlfriend ko,” sambit ni Adrian.

“Nice meeting you po Tita Mommy,” pagbati ni Cindy.

Nangiti ang ina ni Adrian na si Vivian at sumagot sa dalaga, “Nice meeting you too, hija. Maraming magagandang nabanggit sa’kin ang anak ko tungkol sa’yo.”

Kinilala nina Vivian at Cindy ang isa’t-isa sa pagkikitang iyon. Buong gabi silang nagkuwentuhan hanggang sa hapag-kainan na tila ba ay matagal nang magkakilala.

Nang matapos ang gabi ay inihatid na ni Adrian si Cindy sa bahay nito na abot tainga ang ngiti. Ikinatuwa niya kasi ang maayos at magalang na pakikitungo ng kasintahan sa kaniyang ina. Napakahalaga nito para sa kaniya sapagkat mag-isa lang siyang binuhay ng kaniyang ina kaya naman labis ang pagmamahal niya para rito.

Nang dahil dito ay mas nagustuhan ni Adrian si Cindy. Ganoon din ang ina nito na kinagiliwan ang kagandahan ng kalooban na nakita nito sa dalaga kaya naman parati nang nagkikita ang tatlo. Kung minsan ay nagkikita sila para kumain na para bang isang pamilya. Kung minsan naman ay lalabas sila para mamili at mamasyal, o ‘di kaya’y magkikita sila para lang makapagkumustahan.

“Tita Mommy, mukhang nagpapagutom na naman po kayo. Heto po at dinalhan ko kayo ng niltuo kong kare-kare. Pagsaluhan na po natin,” aya ni Cindy sa ina ni Adrian.

“Tita Mommy, kamusta na po kayo? Baka naman masyado kayo nagpapakapagod sa negosyo niyo. Magpahinga naman po kayo. Umupo po kayo at mamasahihin ko ‘yung balikat niyo,” dagdag pa ng dalaga.

Ngunit ‘di nagtagal, ang magandang imahe ni Cindy sa paningin nina Adrian at ina nito ay unti-unting nasira. Bagamat magalang at napakalambing ng pakikitungo nito sa kanila ay kabaligtaran naman ang pag-uugali nito sa ibang mga tao.

May ilang ulit na napansin nina Adrian ang masamang pakikitungo ni Cindy sa iba. Isa na rito ay noong kumain sila sa labas kung saan ininsulto nito at ipinahiya ang isa mga nagsisilbi roon.

“Ano ba naman ‘to! Hindi na ganoon kainit ‘tong sinerve mong pagkain at ‘di naman malamig ‘tong binigay mong tubig. Ganito ba talaga ang service dito? Ayusin mo naman! Parang ayaw mo na sa trabaho mo eh!” bulyaw ni Cindy.

Sa tuwing nangyayari ito ay biglang napapatahimik ang mag-ina. Kinakausap na lamang ni Adrian ang kasintahan kapag sila na lamang dalawa. Agad namang humihingi ng kapatawaran si Cindy sa inasal niya ngunit paulit-ulit pa rin itong nangyayari.

Nang minsang nakita ng ina ni Adrian si Cindy sa isang mall, lalapitan niya sana ito nang bigla siyang natigilan. Nasaksihan niya ang masamang pagtrato ni Cindy sa isang matandang tiga-linis. Hindi pa nakuntento ang dalaga na sigaw-sigawan ito, tinulak at dinuro-duro pa niya ito bago iwan na nakasalampak sa sahig ang kaawa-awang matanda.

Ikinagulat ito ng ina ni Adrian. Alam niya na iba ang ugali ng dalaga kahit kasama sila pero mas malala pala ang masamang ugali nito kapag hindi sila kasama ng kaniyang anak.

Nung nabanggit ito ni Vivian sa kaniyang anak na si Adrian ay biglang napaisip ang binata. Unti-unti na itong natuturn-off sa kasintahan at napapadalawang-isip na kung ganoong klaseng babae ba talaga ang gusto niyang pakasalan at makasama habambuhay.

Nalinawan at nawala ang pagdadalawang-isip ni Adrian nang sorpresa niyang dinalaw si Cindy sa bahay nito. Dito niya nakita kung ano ang tunay na ugali ni Cindy sa kanilang tahanan. Nasaksihan niya kung paano nito bastusin ang sarili nitong mga magulang. Dahil si Cindy na ang bumubuhay sa kanila ngayon gawa ng kanilang edad at wala nang trabaho ay sinisigaw-sigawan at minumura-mura niya na lang ang mga ito. Kung umasta siya ay para bang siyang reyna na kinagagalitan ang matatandang alipin nito.

Natigilan lamang si Cindy nang makita niya si Adrian. Agad niya itong inalayo sa kanilang bahay at humingi ng dispensa sa nakita nito. Sinubukan ni Cindy na ipaliwanag ang nangyari ngunit hindi na ito nais na pakinggan pa ni Adrian. Para sa binata ay sapat na ang kaniyang nasaksihan.

Nang dahil dito ay napagdesisyunan ni Adrian na tuluyan nang hiwalayan si Cindy na hindi matanggap ng dalaga.

“Bakit ka nakikipaghiwalay? Ano bang maling nagawa ko? Lahat naman ay ginawa ko para maging okay tayo. Pati nga Mommy mo pinakikisamahan ko,” sumbat ni Cindy.

“Yun na nga eh. Mahusay kang makitungo sa amin pero hindi maayos ang ugali mo sa ibang mga tao at lalo na sa sarili mong mga magulang. ‘Pag nagtagal, maaring ganyan din ang gawin mo sa amin,” sagot ni Adrian.

“Si Mommy lang ang tumayong magulang ko simula nung ipinanganak ako. Kahit na ganoon ay malaki ang nagawa niya para sa akin. Ganoon din ang mga magulang mo. Malaki ang nagawa nila para marating mo ang kinatatayuan mo ngayon. Sana balang araw ay matauhan ka at tratuhin mo sila at ibang mga tao nang tama,” dagdag pa ng binata.

Hindi na nakapagsalita pa si Cindy. Hindi na niya na dinipensahan pa ang sarili dahil mas nangibabaw ang sama ng loob niya kay Adrian. Hindi niya matanggap at maintindihan ang mga sinabi nito ng araw na ‘yun.

Naunawaan niya na lamang ito nang bigla siyang magkasakit nang malubha at wala ibang nag-alaga sa kaniya kundi ang kaniyang mga magulang. Ginawa nila ang lahat upang mapagamot siya kahit na kapos sila sa pera.

Sa pananatili niyang nakaratay sa ospital nang matagal na panahon kung saan iba’t-ibang mga tao ang nakakasalamuha niya at nag-aasikaso sa kaniya ay natuto siyang magpakumbaba at makisama nang maayos sa lahat ng tao.

More Stories