
Walang Lihim na Hindi Mabubunyag
Bata pa lamang sina Irish at Krizna ay matalik na silang magkaibigan. Kahit sa pinapasukang eskwelahan mula elementarya hanggang sa kolehiyo ay pareho sila. Mas magaling sa lahat ng bagay si Irish dahil siya ay mas matalino. Mas magaling sa sports at mas maganda kaysa sa matalik niyang kaibigan na si Krizna.
Kahit kailan naman ay hindi kinainggitan ni Krizna ang mga katangiang iyon ng kaniyang kaibigan. Para sa kaniya ay proud na proud pa nga siya na kaibigan niya ito.
Isang araw ay niyaya siya nito na kumain sila sa labas.
“Bestie, halika kain tayo. Treat ko!” yaya ng dalaga.
“Sige ba. Himala nagyaya ka yata. Hindi ka ba busy ngayon? ‘Di ba marami kayong ganap ngayon sa student council dahil intrams na sa susunod na linggo?” tanong ni Krizna. “Naku, makakapaghintay naman iyon. Mas gusto kong lumabas ngayon kasama ka at ang boyfriend ko,” sabi pa ni Irish.
“Ano? Kasama ang boyfriend mo?” gulat na wika ni Krizna.
“Oo naman. Bakit may problema ba? Para namang hindi mo kilala si Arthur. Matagal na rin naman kayong magkakilala, ‘di ba?” sagot ng kaibigan.
“Pero baka ma-OP lang ako sa inyo. Date niyo iyon, eh, tapos makikigulo pa ako,” giit ni Krizna.
“Ano ka ba? Hindi naman ito date, eh. Kakain lang tayong tatlo sa labas. Huwag ka nang mahiya. Tara na at naghihintay na si Arthur sa labas,” sagot ni Irish.
Walang nagawa si Krizna kung ‘di ang sumama kay Irish. Paglabas nila sa eskwelahan ay bumungad agad sa kanila si Arthur. Hindi nakalagpas sa paningin ni Krizna ang kaguwapuhan ng lalaki. Nakangiti itong bumati sa kanila.
“O, mabuti naman at lumabas na kayo. Hey, Krizna. Sabi ni Irish sasama ka raw sa amin. Nice! Tara na at para makakain na tayo!” wika ng lalaki.
“Nakakahiya nga sa inyo, eh. Sasabit pa ako sa lakad niyo,” sagot ni Krizna.
“Wala kang dapat ikahiya dahil kaibigan mo ang girlfriend ko. Eh, ‘di kaibigan na rin kita. O, ano pang hinihintay niyo? Sakay na!” yaya ni Arthur sa kanila habang binubuksan na ang pinto ng kotse nito.
Naging masaya ang paglabas nilang tatlo. Hindi lang iyon isang beses nangyari dahil ilang beses din silang nagsamang tatlo sa mga gimikan at doon sila naging mas malapit sa isa’t isa.
Ang itinatagong damdamin ni Krizna kay Arthur ay lalong nabuhay nang mas lalo siyang napalapit rito.
Matagal ng may lihim na pagtingin si Krizna kay Arthur kahit noong nasa hayskul pa lamang silang tatlo ngunit ang kaibigan niyang si Irish ang nagustuhan nito kaya wala siyang nagawa kung ‘di itago ang nararamdaman niya sa lalaki para sa matalik niyang kaibigan. At ngayon ay bumabalik na naman ang pagkagusto niya rito pero kailangan pa rin niyang pigilin ang bugso ng kaniyang damdamin dahil ang puso ng kaniyang pinakamamahal ay hawak na ni Irish.
Dumating ang araw ng kanilang pagtatapos sa kolehiyo.
Masuwerte sina Krizna at Arthur dahil natanggap agad sila sa inapplayan nilang trabaho.
Dahil sa may kaya ang pamilya ni Irish ay mas pinili nito na magbakasyon muna sa ibang bansa bago maghanap ng trabaho.
“Ikaw na muna ang bahala kay Arthur, ha? Babalik ako pagkaraan ng dalawang linggo. Gusto ko lang ipahinga ang utak ko dahil ilang taon din tayong nagsunog ng kilay sa pag-aaral,” wika ni Irish sa kaibigan.
“Bakit ako?” gulat na tanong ni Krizna.
“Siyempre ikaw lang ang mapagkakatiwalan ko. Kaibigan mo rin naman si Arthur ‘di ba? Bantayan mo siya para sa akin. Maaasahan ko ba?” saad ni Irish.
Napabuntong-hininga na lamang si Krizna. “Ano pa nga ba ang magagawa ko?”
“Naku, salamat bestie!” masayang sabi ni Irish.
Mabilis na lumipas ang dalawang linggo ngunit kahit tawag at text ay hindi nagawang gawin ni Irish kina Krizna at Arthur. Nag-alala na si Krizna kaya gumawa siya ng paraan para makausap ang kaibigan.
Isang araw ay masuwerte niya itong nakausap sa video call.
“Bestie, ano na? Sabi mo ay dalawang linggo ka lang diyan sa Amerika. Bakit hindi ka pa bumabalik? Nagtatanong na si Arthur sa akin. Bakit raw hindi mo sinasagot ang mga tawag at text niya?” tanong ni Krizna. “Ah, eh, sorry, bestie, pero hindi na ako babalik diyan,” sagot ng kaibigan.
“Ano?” gulat na tanong ni Krizna. “Hindi na ako babalik diyan sa Pilipinas. Masaya na ako dito sa piling ni Henry, ang bago kong boyfriend,” pag-amin ni Irish.
Halos mabitawan ni Krizna ang cell phone sa ibinunyag sa kaniya ng kaibigan.
“Diyos ko naman, Irish! Ano bang pumasok sa isip mo at ginawa mo iyan? May boyfriend ka dito sa Pilipinas na mahal na mahal ka. Paano si Arthur? Maawa ka naman dun sa tao!” singal ni Krizna sa kaibigan.
“Pasensya na pero mahal ko na si Henry, eh. Matagal ko ng crush si Henry mula pa noong hayskul tayo. Dito kami nagkita sa Amerika dahil dito siya nagtatrabaho. Nagkamabutihan kami ng loob. Na-realize niya na mahal din niya ako. Bestie, intindihin mo naman ako. Hindi ko na kayang iwan si Henry. Pakiusap huwag mo munang sasabihin kay Arthur. Hayaan mong ako ang magsabi sa kaniya kapag handa na akong magtapat sa kaniya. Pangako ko iyan. Please, bestie, please!” pagsusumamo ni Irish.
Walang nagawa si Krizna kung ‘di ang pagbigyan ang kaibigan. Buo naman kasi ang tiwala niya rito na sasabihin nito ang totoo kay Arthur. Kapag tinatanong sa kaniya ng lalaki kung ano na ang balita kay Irish ay pinagtatakpan niya ang kaibigan at palaging sinasabi na uuwi din ito sa takdang panahon. Natatakot din siyang sabihin rito ang totoo dahil ayaw niyang masaktan ang lalaking mahal niya. Ngunit dumaan ang mga araw, linggo at buwan pero hindi tinupad ni Irish ang kaniyang pangako na magtapat sa nobyo.
Hanggang isang araw ay pinuntahan na lamang ni Arthur si Krizna sa bahay nito.
“Krizna, Krizna! Lumabas ka riyan!” sigaw ng lalaki.
Nang buksan ni Krizna ang pinto ay bumungad sa kanya ang galit na mukha ni Arthur. “Sabihin mo nga sa akin ang totoo. Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik dito si Irish? Iyong totoong sagot ang gusto kong malaman!”
“Ah, eh, kuwan… Ano kasi, eh, hindi pa siya makakauwi kasi may inaasikaso pa siya…”
Hindi na siya nito pinatapos sa pagsasalita ni Arthur.
“Katar*ntaduhan! Pati ba naman ikaw paglilihiman mo ko? Akala ko ba kaibigan din kita? Alam ko na ang dahilan kung bakit ayaw niyang umuwi dito. Dahil may iba na siyang lalaki, tama ba? Ipinagpalit na niya ako sa iba!”
Ikinagulat ni Krizna ang sinabi ni Arthur. Nagtataka siya kung paano nito nalaman ang tungkol kay Irish. “Teka, paanong…”
“Akala niyo siguro hindi ko malalaman, noh? Mabuti na lang pala at may kaibigan akong nagtatrabaho sa Florida. Nakita niya doon ang matalik mong kaibigan na may kasama at kahalikang lalaki sa isang bar. Bakit niya ako niloko? Bakit niyo ako nilokong dalawa? Alam mo na pala ang tungkol kay Irish at sa lalaki niya pero hindi mo man lang sinabi sa akin? Anong klase kang kaibigan, Krizna?” galit na sabi ng lalaki.
“Patawarin mo ako, Arthur. Hindi ko ipinagtapat sa iyo ang totoo dahil ipinangako sa akin ni Irish na sasabihin niya sa iyo ang lahat. Siya daw ang magtatapat sa iyo ng tungkol sa kanila ni Henry. Natakot din akong sabihin sa iyo ang totoo dahil ayaw kitang masaktan,” sagot ng dalaga na hindi na napigilang mapahagulgol.
“Eh, bakit hanggang ngayon ay wala akong natatanggap na tawag at text galing sa kaniya? Ibig sabihin ay ayaw niya talagang ipaalam sa akin. At anong sabi mo? Ayaw mo akong masaktan? Nasaktan na ako, Krizna. Sinaktan niyo akong magkaibigan!” Hindi na rin napigilan ni Arthur na mapaiyak sa harap ni Krizna.
“Patawad, Arthur. Ayaw kitang masaktan dahil mahal kita. Mahal na mahal kita. Noon pa lang noong nasa hayskul tayo ay mahal na kita. Itinago ko lang ang nararamdaman ko sa iyo dahil alam kong ang matalik kong kaibigan na si Irish ang mahal mo,” bulalas ni Krizna.
“Ano? Mahal mo ko? Sasabihin mo sa akin iyan ngayon? Kung mahal mo ko dapat ay sinabi mo sa akin ang totoo at kung mahal mo talaga ako hindi ka magsisinungaling sa akin. Sayang. Pinagkatiwalaan pa man din kita. Ayoko nang marinig ang mga sasabihin mo. Simula ngayon ay hindi kayo bahagi ng buhay ko. Kayong mga nanloko sa akin!” hayag ng lalaki at tuluyan nang umalis.
Sa pag-alis ni Arthur ay lalong napahagulgol ng iyak si Krizna at napasalampak sa sulok. Hindi niya inakala na hahantong sa ganoon ang lahat. Nagtiwala kasi siya kay Irish na ipagtatapat nito kay Arthur ang tungkol sa relasyon nito kay Henry ngunit wala siyang kaalam-alam na pati siya ay niloko ng sariling kaibigan. Nagalit tuloy sa kaniya ang lalaking pinakamamahal niya ng lubos at ngayon ay wala ng tiwala sa kaniya. Pagsisihan man niya na hindi niya sinabi ang totoo rito ay huli na ang lahat dahil sarado na rin ang isip ni Arthur sa mga nangyari.
Mula noon ay umiwas na si Arthur kay Krizna. Hindi na rin nagparamdam si Irish. Malungkot man at nanghihinayang sa kinahantungan nilang tatlo ay isang malaking aral naman ang natutunan ni Krizna. Mas mahalaga pa rin talaga ang pagsasabi ng katotohan dahil kailanman ay walang lihim na hindi mabubunyag.