
Labanan ng Kambal
Masayang dinampot ni Louie ang isang bouquet ng roses bago bumaba sa kotse. May bitbit rin siyang cake at chocolate. At siyempre ang pinakamalahaga sa lahat. Kinapa niya ang bulsa at napangiti nang maramdaman ang kahon ng singsing roon.
Ngayon kasi ang isa sa pinakamahalagang araw ng kaniyang buhay. Aalukin niya na ng kasal ang nobya niyang si Sarah. Hindi rin biro ang kanilang pinagdaanan.
May kakambal ang babae, si Kristine. Teenager pa lamang siya nang makilala niya ang dalawa. Sa totoo lang ang unang nagkagusto sa kaniya ay si Kristine. Pero ewan niya ba. May kung ano rito na hindi niya masyadong gusto. Hanggang pagkakaibigan lang talaga ang kaya niyang maibigay sa dalaga.
Iba naman ang naramdaman niya sa kakambal nito. Una pa lang ay nabighani na siya kay Sarah. Oo, alam niya na para siyang baliw dahil magkamukha naman ang dalawa. Pero ganoon yata talaga ang puso. Hindi matuturuan kung kanino dapat na tumibok. Mahinhin si Sarah at kabaligtaran ng kapatid nitong malakas ang loob.
Matagal niyang niligawan ang babae. Alam niyang gusto na rin siya nito pero pinipigilan lang dahil ayaw nitong masaktan ang kapatid. Lalo niya itong minahal sa taglay nitong kabaitan at ‘di naman nagtagal ay sinagot na rin siya. Buti na lang ay tanggap ni Kristine lahat.
Hanggang sa dumating ang oras na kinailangan niyang mag-abroad. Siyempre ay para na rin makaipon sa kinabukasan nila ni Sarah.
Habang nasa Amerika siya ay isang masamang balita ang dumating, pumanaw na si Kristine. Ang sabi ni Sarah ay inatake raw sa puso ang kakambal nito. Matapos noon ay na-stroke naman ang ina ng dalawa dahil sa pagkawala ng anak. Kaya alam niyang sobrang bigat ng dinadala ng kaawa-awa niyang nobya ngayon. Mag-isa na lang ito na kinakaya ang lahat dahil maaga rin naman itong nawalan ng ama.
Kaya heto siya handang-handa nang magsimula ng buhay kasama nito.
Umihip ang malakas na hangin at napatigil siya sa kinatatayuan nang matanaw ang isang dalagang nakatanaw sa kaniya mula sa malayo. Nakaputi ito. Hindi siya maaaring magkamali.
Tumayo ang lahat ng balahibo niya sa katawan nang makitang nakalutang sa ere ang babae.
“Kristine…” nangangatog na bulong niya.
“Huwag kang magpakasal,” bulong nito. Malayo ito pero rinig niya iyon sa hangin.
Napa-sign of the cross si Louie tapos ay nagmamadaling binuksan ang gate. Ilang katok pa sa pinto at sinalubong siya ng ngiting-ngiting si Sarah.
“Babe, namiss kita!” sabi ng babae. Lumambitin ito sa batok niya tapos ay hinalikan siya.
Nabigla man ay napangiti si Louie. Namiss nga siguro siya ng babae dahil hindi naman ito ganito. Kadalasan ay namumula lang ang pisngi kapag humihiling siya ng halik. Pero heto sabik na sabik sa kaniya.
“Kumusta si tita?” tanong niya agad.
“Ah, okay naman siya. How’s U.S.?” tanong ng kaniyang nobya.
Napakunot ang noo ni Louie, “Okay naman, babe. Gusto ko sanang makita si tita kasi may pasalubong rin ako sa kaniya.”
Parang tinatamad na tumayo ang babae. “Come on.” Iginiya siya nito sa kwarto kung saan naroon ang nakaratay na ina.
Hinaplos niya ang kamay ng ginang. Nakaramdam ng awa si Louie. Wala itong ipinakita sa kaniya kung ‘di kabutihan kahit pa nasaktan niya nang ‘di sinasadya ang isa sa kambal nito.
Dahan-dahan dumilat ang mata nito at nanlaki iyon nang makita siya. Umungol ang babae pero ‘di magawang magsalita dahil nga sa stroke.
“Is she okay?” natatarantang sabi niya kay Sarah. Niyakap siya ng dalaga. “Yes, huwag kang mag-panic. Ganiyan rin ako dati noong unang beses pero napansin ko na umuungol si mama kapag hindi siya makahinga.” Pagkasabi noon ay kinuha nito ang oxygen at isinalpak sa bibig ng ginang.
Hindi ito tumigil sa pag-ungol kaya niyaya na siyang lumabas ni Sarah. “Come on. Baka naste-stress siya kapag nakikita ka kasi naaalala niya ang tampuhan namin ni Kristine noon.”
Nang marinig niya ang pangalan ng babae ay bumalik sa utak niya ang eksena kanina. “Babe, nakita ko ang kakambal mo.”
Agad na tumingala sa kaniya si Sarah. Nakakunot ang noo nito. “That’s impossible. You know she’s gone right?”
“Hindi ako nagsisinungaling. Alam mo namang ‘di ako naniniwala sa multo pero I saw her! Lumulutang ang paa niya tapos…”
“Alam mo I am starting to think na baka kaya naiisip mo si Kristine ay dahil nagsisisi ka na ako ang niligawan mo. Baka nga after all siya pala talaga ang gusto mo,” nagtatampong sabi ng nobya.
Napabuntong-hininga naman si Louie. Hinawakan niya ang dalawang balikat ng nagtatampong nobya tapos ay iniharap ito sa kaniya.
“Alam mong hindi totoo iyan. Kaibigan ko lang si Kristine. Ikaw ang mahal ko, Sarah. In fact, kaya nga ako umuwi ng Pinas…” sabi niya tapos ay hinugot ang singsing sa kaniyang bulsa at isinuot iyon sa kamay ng babae. “Kasi gusto kong tanungin ka, will you be my wife?”
Hindi makapaniwala ang dalaga. Sunud-sunod itong tumango at niyakap siya.
Nakangiti naman si Louie pero hindi niya alam, parang may iba siyang nararamdaman. Dahil siguro sa pagpapakita sa kaniya ni Kristine. Sana naman ay matahimik na ang kaluluwa ng babae dahil nangangako naman siyang iingatan at mamahalin ang kapatid nito.
Mabilis lumipas ang mga araw at ‘di inaasahang pumanaw na rin ang ina ng kaniyang nobya.
“Babe, if you want we can postpone the wedding. Masyadong maraming nangyayari at gusto ko sanang makahinga ka muna…”
“No. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. ‘Di na ko maghihintay pa. Mawawala ang lungkot ko kung makakasama na kita,” madamdaming wika ni Sarah.
Gaya ng hiling ng babae ay minadali nila ang kasal. Sa simbahan pa rin iyon pero dinoble ni Louie ang gastos para naman maasikasong mabuti ng mga organizer ang wedding kahit pa mabilisan lang ang paghahanda.
Mangiyak-ngiyak na naglakad mag-isa papuntang altar si Sarah. Pero napahinto siya nang makita ang nakatayo sa tabi ni Louie.
Ang kaniyang kakambal! Nanlilisik ang mata nito at nakangiti sa kaniya.
“Tigilan mo na ko. Hindi ka totoo,” bulong ni Sarah. Ang totoo kasi ay hindi lang naman si Louie ang minumulto nito. Pati siya. Binabalewala niya lang.
“Ma’am are you okay?” narinig niyang tanong ng photographer. Nagbulungan na rin ang mga tao.
Bago pa siya makasagot ay halos lumuwa ang mata niya nang makitang palapit sa kaniya ang multo. Binalot ng kilabot ang buo niyang katawan dahil kadalasan ay nakatayo lang ito sa malayo. Ngayon ay parang isasama na siya sa kabilang buhay!
Itinaas nito ang dalawang kamay, aktong sasakalin siya.
Sa sobrang takot ay napasigaw si Sarah ng malakas na malakas. Nasabunutan niya rin ang kaniyang sarili.
“Tigilan mo na ko! Ayoko na! Wala ka na sa mundo! Manahimik ka na! Tigilan mo na ko magsama na kayo ni mama!”
Ang kasunod niyang isiniwalat ang nagpanganga sa lahat lalo na kay Louie.
“Inaamin ko na! Hindi ako si Sarah! Si Kristine ako! Sinakal ko ang kakambal ko dahil hadlang siya sa pag-ibig ko kay Louie! Nasaksikhan iyon ni mama kaya na-stroke siya!” Kasunod ay tumawa siyang parang baliw.
“Si mama! Ako rin ang tum*das sa kaniya dahil baka ibuking niya ko! Louie, akin ka lang, Louie!”
Nangangatog na napaluhod ang lalaki sa harap. Diyos ko po. Ang multo palang nagpapakita sa kaniya ay walang iba kung hindi si Sarah, ang babaeng mahal niya!
Inililigtas lang siya nito sa pagpapakasal sa makasarili nitong kapatid!
Mabuti na lamang ay isa sa mga bisita ang tumawag sa mga pulis at inaresto ang nawala na sa ulirat na si Kristine.
Dumalaw sa sementeryo si Louie. Hinaplos niya ang lapida ng kaniyang minamahal.
“Salamat. Sa’yo talaga dapat ito.” wika niya tapos ay iniwan doon ang singsing.
Umihip ang malakas na hangin at natanaw niya sa ‘di kalayuan ang ngayo’y nakangiti na babae.
“Mahal kita…”