Inday TrendingInday Trending
Bantay ni Michelle

Bantay ni Michelle

Nagmamadaling kinuha ni Matet ang susi ng kotse. Sinulyapan niya muna ang orasan bago napailing. Late na siya sa kaniyang meeting.

“Honey, paki bilisan!” tawag ni Matet sa mister.

Ilang sandali pa ay lumabas ang nagmamadali ring lalaki sa kwarto. May bitbit itong laptop at hindi magkandaugaga sa pagkakabit ng neck tie.

“Help please,” pakiusap ng lalaki sa asawa.

Inabot rito ni Matet ang susi ng kotse tapos ay tinulungan itong mag-ayos ng kurbata.

“Ano ba kasi ang nangyari sa alarm? Sabi mo sinet mo. Ayan tuloy. Ihahatid mo pa ako sa Makati,” sermon ng babae.

“Okay lang. Ako na lang ang ma-late. Mas maaga ang meeting mo, ‘di ba?” sabi ng lalaki.

Umiyak nang kaunti ang pitong buwang gulang nilang anak, si Michelle, kaya pareho silang napalingon. Kalong ito ng bago nitong yaya, si Cecile. Wala pang isang linggo sa kanila ang babae.

“Bye na, baby love. Ces, ikaw na ang bahala, ah? Gagabihin kami ng uwi ng kuya mo. Vitamins ni Michelle, ha? Tsaka keep your lines open. Tatawag ako from time to time para kumustahin siya,” bilin ni Matet.

“I-lock ang gate. Huwag magpapapasok ng hindi kilala. Kapag nag-claim na kaibigan namin tawagan mo muna kami. Alam mo na naman ang number ng guardhouse, ‘di ba? Tawag ka lang rin doon kapag may kailangan kayo,” segunda naman ni Arthur.

“Opo, ate, kuya. Ingat po kayo,” sagot naman ng yaya. Masuyo pang hinele ang nag-aalburotong baby.

Tumango na ang mag-asawa at lumabas na. Nang marinig ni Cecile ang tunog ng kotseng papalayo ay pasalya niyang inihiga ang bata sa crib. Wala siyang pakialam kahit na umiiyak pa iyon.

Binuksan niya ang ref at kumuha ng maraming chocolates pati na rin chips. Itinaas niya ang paa sa sofa at prenteng nanood ng T.V. Maganda ang mga palabas, palibhasa cable.

“Tanda, gusto mo?” nakangisi pang wika ni Cecile sa lola na nakaupo sa bangkong nasa tabi ng bintana. Tinignan lang naman siya nito ng masama.

Oo nga pala. Hindi lang baby ang alaga niya. Pati na rin ang lola ni Matet ay naiiwan rito sa bahay. Wala naman siyang problema na makakarating sa amo ang mga kalokohan niya dahil baldado naman ang gurang na ito. Sa katunayan ay parang wala rin namang pakialam sina Matet dito dahil ang tanging bilin lang sa kaniya palagi ay si Michelle. Siguro ay hinihintay na lang na mawala sa mundo ang walang silbing matanda.

Speaking of Michelle, nakakairita na talaga ang baby. Wala kasing tigil sa pag-ingit. Ang ganda pa naman ng pinapanood ni Cecile dahil may cable sina Matet.

“Hoy, tumahimik ka, ha.” saway ni Cecile. Nakatayo siya ngayon sa harap ng crib nito at pinandidilatan ito ng mata. Lalong nasindak ang bata at mas lumakas ang pag-iyak. ‘Di napigilan ni Cecile. Sinampal niya ito ng bahagya. Umungol ang matanda sa upuan.

“O, ano tanda? Sasabay ka pa sa ingay nitong apo mo? Pag untugin ko kayong mag-lola, eh!” asar na asar na sabi ng yaya.

Bw*sit talaga, mga istorbo. Tumayo si Cecile at nagtimpla ng gatas. Kung ‘di lang talaga maingay ang sanggol ay pababayaan niya na itong tumirik ang mata sa gutom.

Dalawang araw pa ang nakalipas at palaging ganoon ang eksena sa bahay. Feeling donya ang abusadang katulong kapag wala ang mga amo. Kaawa-awa rin ang dinaranas ng baby sa mga kamay nito.

Hanggang isang hapon ay nagulat na lamang si Cecile na nakatayo ang lola at hinila ang kaniyang buhok.

“Ano ba?” sigaw ni Cecile.

Ilang minuto pa ang lumipas nang dumating sina Arthur at Matet. Maagang natapos ang meeting ng babae at pinayagan ring mag-half day ang lalaki kaya hindi sila ginabi ngayon.

Napabilis ang pagbukas nila ng pinto nang makarinig sila ng sigawan sa loob ng bahay. Baka kasi may nanloob na sa kanila. Baka kung napaano na ang kanilang anak.

Ganoon na lang ang kanilang pagkagimbal nang makitang sobrang gulo ng loob ng bahay. Napatakbo si Matet sa crib at nakahinga ng maluwag dahil mahimbing na natutulog ang kanilang anak.

Si Cecile naman ay patakbong lumabas ng kusina.

“Ate, kuya!” sinimulan na ng katulong na magpanggap na kawawa. Dapat ay sa kaniya maniwala ang mga amo. Nag-iyak-iyakan pa siya.

“Ano ba ang nangyari, Cecile?” tanong ni Arthur. “Minamaltrato po ako ng lola ninyo. Hinehele ko po si baby Michelle nang bigla niyang hilahin ang buhok ko. Sabi niya wala raw akong karapatang saktan ang apo niya dahil lagi niya raw babantayan ang baby. Hindi ko naman po sinasaktan si Michelle. Mahal na mahal ko nga po…”

“Wait, sinong lola ba ang sinasabi mo?” nakakunot ang noong tanong ni Matet.

Naguluhan naman si Cecile. Iniikot niya ang paningin upang ituro ang matanda pero wala ito. Buti na lang at nakita niya ang family picture na nakasabit sa dingding. Naroon ang lola sa gitna.

“Siya po,” nangangatog na turo ni Cecile.

Sa winika niyang iyon ay parehong tinakasan ng kulay ang mukha ng mag-asawa.

“Cecile, imposible iyan. Apo na ako sa tuhod ni Lola Gilda. Hindi niya na inabutan pa si Michelle,” mahinang wika ni Matet.

Nanlaki ang mata ni Cecile lalo pa nang kilabutan siya sa bandang kaliwa at pagtingin niya ay nakatayo roon ang matanda. Masama ang tingin sa kaniya. Dali-dali siyang nagtatakbo palabas ng bahay.

Naiwang nagkakatinginan ang mag-asawa. Ewan ba nila kung bakit parang may nagbubulong na i-check nila ang CCTV sa bahay. Ganoon na lang ang panlulumo nila nang masaksihan ang pananakit ng katulong sa kanilang anak.

Iyak nang iyak si Matet, sising-sisi. Kung hindi pa nagmulto ang kaniyang lola ay hindi nila malalaman na kawawa na pala ang baby nila.

Nagtirik si Matet ng kandila at humingi ng tawad. Nangako siya sa matanda na lagi niya nang babantayan ang kaniyang anak.

Pinahanap nila si Cecile pero nagtago na ang babae. Pero parang himala nang bigla na lamang itong sumuko at nagkusa nang magpakulong. Ayon dito ay hindi ito pinatatahimik ni Lola Gilda.

Ang kuwentong ito ay isang halimbawa na hindi natatapos sa kabilang buhay ang pagmamahal ng pamilya. Kahit na pumanaw na ang matanda ay hindi nahinto ang kaniyang pagiging lola.

Advertisement