Inday TrendingInday Trending
Sari-sari Store ni Mama

Sari-sari Store ni Mama

Halos mag-aanim na buwan nang hindi umuuwi si Rika sa bahay nila sa probinsya kahit nga nasa Maynila lang naman ang trabaho nito.

“Rika, napapansin ko lang. Bakit parang hindi ka na yata umuuwi sa inyo?” tanong ni Milan, kasamahan ng babae sa bahay na tinitirhan sa Maynila. “May pinag-iipunan kasi ako,” sagot ni Rika sa kaibigan.

“Ay sus, mas mahalaga ‘yung makasama ka ng pamilya mo. ‘Yang pera ay hindi mo naman masasama sa hukay,” saad ni Milan sa babae.

“Hindi ko naman talaga dadalhin sa hukay kasi para naman ‘yun sa mga taong maiiwan ko,” baling ni Rika rito tsaka mabilis na tumayo. Ayaw na niyang makipagtalo pa sa kasama dahil nauumay na siya sa pakikipagtalo sa kaniyang asawa na palagi na lang galit sa kaniya.

“Hello, kumusta naman diyan?” saad ni Rika sa telepono. “O, tumawag na naman ang OFW mong nanay! Kausapin mo,” wika naman ni Daren sa telepono, ang mister ng babae.

“Pa, kausapin mo naman ako ng maayos. Alam mo naman na nag-iipon ako kaya hindi ako makauwi, ‘di ba? Baka naman puwedeng ayusin na natin ito,” pakiusap ni Rika sa lalaki.

“Puro ka ipon. Hindi ka na kilala ng anak mo. Akala mo ay sa abroad ka nagtatrabaho at hindi ka man lang makauwi dito sa amin. Kasya naman kasi ang sahod ko pero mas pinili mo pa rin talagang magtrabaho riyan. Bahala ka sa buhay mo,” baling sa kaniya ng asawa.

“Kung gusto mong maging maayos tayo ay umuwi ka na rito. May pamilya ka na, Rika. Hindi mo na sila kargo pa!” dagdag ni Daren sa asawa.

“Alam mo naman na nandito lang sa Maynila ang magandang sahod ng mga IT na katulad ko. Aanhin ko pang nag-aral ako kung ibuburo mo lang ako sa bahay?” pahayag ni Rika.

“Hindi naman kita binuburo. Masuwerte ka nga at kaya kong buhayin kayo para matutukan mo ang paglaki na anak mo hindi ‘yung mas inuuna mo pa rin ‘yung pamilya mo! Bahala ka sa buhay mo,” galit na sagot sa kaniya ng mister at mabilis na ibinaba ang telepono.

Napahawak na lang si Rika sa kaniyang ulo at napapikit. “Mali ba ‘yung desisyon ko?” sabay tanong nito sa sarili.

Lingid sa kaalaman ng maraming katrabaho ni Rika ay may kaya ang kaniyang mister sa buhay. Engineer ito sa kanilang lugar at nagtatrabaho sa kanilang munisipyo. Maayos ang kanilang katayuan kung titignan ng maraming tao.

Nang sumampa ng dalawang taon ang anak nilang mag-asawa ay bumalik sa pagtatrabaho si Rika sa Maynila kahit pa nga labag iyon sa kalooban ng mister. Napapayag lamang ni Rika ang lalaki nung ipinangako niyang hindi siya papalya sa pag-uwi at hindi pa rin papabayaan ang kanilang anak.

Ngunit mas pinili niyang ipunin ang pera at tiisin muna ang kaniyang sariling pamilya para sa pangakong gusto niyang tuparin.

“Ma, kailan ang day off niyo riyan sa amo niyo? Tara, magkita tayo bago ako umuwi kay Daren,” wika ni Rika sa telepono.

“Ngayon, anak. Gusto mo bang puntahan kita?” saad naman ni Aling Remedios, ang nanay ng babae.

“Hindi na po, ma. Ako na lang ang pupunta riyan,” malambing na sagot ni Rika bago ibinaba ang telepono.

Mabilis na bumiyahe patungong Bulacan si Rika para kitain ang kaniyang nanay. Panganay si Rika sa limang magkakapatid at aminado siyang naging pabaya siyang anak noon sa kaniyang pamilya dahil sa palagi nilang pagtatalo ng kaniyang ina. Itim na tupa nga raw siya ng pamilya at hindi naging maayos na ate o panganay na anak sa kanilang angkan. Mas lalo pa nga niyang napabayaan sila nang maging mag-asawa sila ni Daren dahil tuluyan na siyang napalayo at nagkaroon ng sariling buhay.

“Ma, ayaw mo pa bang huminto sa pamamasukan bilang kasambahay? Huwag ka nang magtrabaho, ma. Ako na ang bahala sa’yo,” pahayag ni Rika sa kaniyang ina habang sila ay kumakain ng tanghalian.

“Anak, napapansin kong panay ang bigay mo ng pera sa akin at panay rin ang pagpunta mo rito. Hindi ba nagagalit ang asawa mo? Dapat umuuwi ka muna sa inyo. Dapat mas nakakasama mo ‘yung anak mo,” sita ng ina ng babae.

“Nandoon naman ang nanay ni Daren at may tagabantay rin kami sa bata kaya naman hindi niyo ho kailangang mag-alala. Ang pag-usapan po natin ay ikaw. Gusto ko nang huminto ka, ma, sa pagtatrabaho. Gawin na lang natin ‘yung maliit na sari-sari store na pangarap niyo dati,” wika ni Rika.

“Anak, malaking pera ang kailangan doon at walang sapat na pera ang mga kapatid mo para magawa natin iyon. Ayaw ko naman na hihingi tayo sa asawa mo. Ayaw ko na may masabi siya lalo na sa pamilya natin,” malungkot sagot ni Aling Remedios.

“Ma, ako ang sasagot. Sahod ko lahat ang gagastusin sa tindahan natin. Ito nga pala ang atm, ma. May pera ‘yan. Sa’yo na ‘yan. Tapos tsaka natin ipapagawa ang tindahan. Baka sa pagbalik ko galing kina Daren,” pahayag muli ni Rika sabay abot ng atm sa kaniyang nanay.

“Anak, kaya ba nagkakandakuba kang magtrabaho ay para lang sa tindahan? Para sa pera na ibinibigay mo sa akin? Diyos ko, mag-aaway kayo ng asawa mo sa ginagawa mong ‘yan. May sarili ka ng pamilya at hindi mo na kami kailangang suportahan ng ganito lalo na ako. Kaya ko pa namang magtrabaho,” iling na sagot ni Aling Remedios sabay balik ng atm sa anak.

“Ma, alam kong wala akong kwentang anak dati kaya nga bumabawi ako ngayon. Kaya nga nagtatrabaho ako para maibigay ko ang lahat ng gusto mo. Para masuportahan na kita sa pinansyal dahil hindi ko nagawa ‘yun kahit minsan,” malungkot na sagot ni Rika.

“Wala akong kwentang anak sa’yo dati. Palagi akong sakit sa ulo at hindi pa ako nakakatulong kahit na kailan tapos nag-asawa pa ako. Lumayo. Kaya pakiramdam ko lalo ko kayong pinabayaan. I’m sorry, ma,” napaluha na lang si Rika.

Niyakap nang mahigpit ni Aling Remedios ang kaniyang anak. Ito yata ang unang pagkakataon na nakapagyakap ang dalawa ng ganoon kahigpit.

“Anak, hindi lang sa pera nakakabawi. Hindi mo kailangan pat*yin ‘yung sarili mo kakatrabaho para lang mabigyan kami ng pera kung sarili mong pamilya ay napapabayaan mo na. Ganun talaga ang mga anak. Kapag nagkakaroon sila ng sariling pamilya ay naiiwan ang kanilang mga magulang. Masakit man pero ‘yun ang totoo,” saad ni Aling Remedios.

“Hindi mo kailangang humingi ng tawad dahil parte iyan ng buhay, ang magkaroon ng sariling pamilya. Ang kita mo dapat sa anak mo, sa pag-aaral niya o sa kinabukasan niyo bilang pamilya. Kung tutulong ka man sa akin ay pag-usapan niyo ng asawa mo. Maraming nasisira ang pera lalo na ang isang pagsasama,” paalala ng ina ni Rika.

“Hindi mo kailangang maging bangko sa akin, anak. Dahil ang pagiging mabuting nanay at mabuting maybahay mo ay sapat ng kabayaran para sa lahat ng kalokohan mo dati sa buhay. Ibig sabihin lang nun ay nagtanda ka na at kahit papaano’y napalaki kita ng maayos,” dagdag pa ng ina.

“Pero, ma, wala pa akong naibibigay na pera sa inyo simula’t sapul. Nakakahiya akong panganay,” umiiyak na saad ni Rika.

“Hindi pera ang sukatan ng pagiging isang anak kung ‘di ang respeto nila sa kanilang magulang. Masaya na ako, anak, na matino na ang buhay mo ngayon kaya naman ingatan mo pa lalo ‘yan,” sagot ni Aling Remedios .

At napuno ng iyak ni Rika ang mga braso ni Aling Remedios. Miss na miss ng babae ang kaniyang ina. Gusto niyang ibalik ang oras at baguhin ang lahat ng kaniyang pagkukulang at pambabastos dati sa ina. Ngayong nakausap niya ang kaniyang ina ay mas lalo pa niyang minahal ito.

Mabilis na umuwi si Rika sa kaniyang asawa at ipinaliwanag ang lahat ng kaniyang pagkakamali at pagkukulang sa pamilya. Maging ang totoong dahilan sa sobra-sobra niyang pagtatrabaho.

“Puwede mo namang sabihin sa akin ang totoo na kaya ka nagtrabaho sa malayo ay dahil gusto mong matupad ang pangarap ng mama mo nang sa ganoon ay makabawi ka sa mga pagkukulang mo sa kaniya. Pero sana, mahal, huwag mo naman kaming pabayaan, ha. Puwede nating gawin ‘yan nang magkasama. Tutulungan natin si mama,” pahayag ni Daren sa asawa.

Hindi pa rin tumigil si Rika sa pagtatrabaho pero mas pinili na lamang niyang humanap ng mapapasukan na mas malapit sa kaniyang pamilya.

Napagawa pa rin ni Rika ang pangarap na sari-sari store ng kaniyang ina at hindi na niya kinailangang ilihim pa ito sa kaniyang asawa o magtrabaho ng malayo sa kaniyang anak.

Ngayon ay patuloy na ginagampanan ni Rika ang kaniyang responsibilidad bilang mabuting anak sa kaniyang ina at ginagawa niya rin ang lahat ng kaniyang makakaya upang maging mabuting asawa at nanay sa sarili niyang pamilya.

Advertisement