Isang Binabae ang Nag-alaga sa Kanyang mga Ate at Pamangkin, Hindi Niya Inaasahan ang Gagawin sa Kanya ng mga Ito
Nag-iisang anak na lalaki si Erik, at ang mga kapatid niya ay puro na babae. Dahil siya’y bunso ay talaga namang spoiled na spoiled siya lalo na sa kanyang mga magulang.
Ngunit, noong siya’y nasa edad na kinse ay pumanaw ang kanyang tatay. Hindi rin nagtagal ay sumunod ang kanyang nanay dahil sa labis na kalungkutan.
Simula noon ay ang kanyang mga nakatatandang kapatid na babae na ang tumulong sa kanyang makatapos ng pag-aaral.
Noong siya ay nasa ikatlong taon ng kolehiyo ay laking gulat ng kanyang mga kapatid nang umamin siyang kahit siya’y lalaki, ang puso niya ay gusto rin ng lalaki.
“Ate, may sasabihin sana ako,” anito, “wag kayong magagalit ha.”
“Ano na naman yon?” sagot ng panganay niyang ate.
“Tanggap niyo pa rin ba kung hindi ako tunay na lalaki?” naiiyak na tanong nito.
“Buti naman umamin ka na,” sagot niya.
“Seryoso? Matagal niyo nang alam ‘te?” nagtatakang tanong nito.
Naintindihan naman ng mga kapatid niya iyon dahil siguro sa dahilang siya lamang ang nag-iisang lalaki sa pamilya. Gayon din ang dahilang naispoil din nila ng sobra-sobra si Erik dahil bunsong anak ito.
Simula nang mawala ang kanyang mga magulang ay ang kanyang mga ate ang nagtulong tulong makapag-aral parin siya sa kolehiyo.
Bilang Tourism ang kinuha niyang kurso, ay hindi naging madali ang pagpapaaral sa kanya dahil marami siyang kinakailangang bayaran sa kanyang university.
Dahil ang kanyang mga ate rin ay may sari-sariling asawa at mga anak ay may kanya-kanya rin silang gastusin.
Kaya naman nang ibalita ni Erik na siya ay mamartsa dahil siya’y ga-graduate na ay grabeng iyakan ang narinig sa kanilang buong bahay.
“Finally! Mga atembang! Ga-graduate na akira!!” pasigaw na pagbalita nito.
“Diyos ko! Salamat naman at nakagraduate ka ng vakla ka!” at niyakap siya ng kanyang mga kapatid.
Wala man ang kanyang mga magulang sa kanyang graduation ay napakasaya ni Erik dahil nandoon ang lahat ng kanyang mga ate na talagang proud na proud para sa kanya.
Mula nang siya’y maka-graduate ay tumutulong siya sa kanyang mga ate, bilang kapalit ng pag-papaaral sa kanya noon.
Pinapaalala ng kanyang mga ate na hindi niya responsibilidad ang tumulong sa kanila, ngunit talagang mahal na mahal niya ang kanyang mga kapatid at mga pamangkin kaya naman masaya rin siya sa tuwing nakakatulong siya sa kanyang pamilya.
“Beks! Ano ha, ‘di ka namin pinipilit tumulong dito ha, okay lang kahit hindi, alam mo yan,” paalala nito.
“Jusmiyo naman ate girl, keri lang ano, kayo pa ba?” sagot naman nito.
Palaging excited si Erik sa araw ng pagbisita niya sa kanyang mga kapatid lalo na sa mga pamangkin, dahil ang mga pamagkin niya ang nag-aalis ng kanyang stress sa trabaho.
‘Di rin naman nagtagal ay nagkaroon din ng kasintahan si Erik. Buong puso rin siyang tinanggap pamilya nito.
Para kay Erik, siya na ata ang pinaka-masayang binabae.
Sa trabaho, siya ang palaging napapansin bilang isa sa mga pinakamasipag. Kaya naman di rin nagtagal ay mabilis siyang na-promote bilang isang manager.
Dahil doon ay inako na niya ang responsibilad na paaralin ang kanyang mga pamangkin.
Masaya ito tuwing nakakapagbigay sa kanyang mga pamangkin na halos sariling anak na rin niya ang turing niya sakanila.
“Oy! Lito, mag-aral ka nang mabuti ha? Ayoko ng bagsak, kundi e makokonyatan kita,” pabirong sabi nito sa isa niyang pamangkin.
“Oo naman tito, este tita Erika, matalino kaya ‘to, mana sayo,” pang-aasar na sagot nito.
Malaki rin ang naipon ni Erik, kaya naman siya na ang talagang nagpaaral sa tatlo niyang pamangkin mula nang nag-retire na sa trabaho ang kanyang dalawang ate. Para tuloy siyang isang proud parent sa tuwing ang mga pamagkin niya’y gumagraduate.
May mga araw na naiisip niyang maging lalaki, para magkaroon ng babaeng asawa at magkaroon ng sariling anak, ngunit mas nangingibabaw pa rin sa kanya ang pagtulong sa kanyang mga pamangkin.
Ngunit isang gabi habang siya’y pauwi sa kanila, isang lasing na driver na nagmamaneho ng van ay ang nakabangga sa kanya.
Nang magising siya ay nasa ospital na siya kasama ang kanyang pamilya. Ngunit sa kasamaang palad ay kinailangang putulin ang kanyang paa.
“Pasensya na kayo ate, hindi kasi ako nag-iingat,” sabi nito sa kanyang mga kapatid.
“Baliw ka talaga! E wala ka namang kasalanan,” sagot ng kanyang pangalawang ate.
Dahil kasi sa trahedyang ito, hindi na siya muling makakapagtrabaho.
Ngunit, naiyak siya ng sobra-sobra nang marinig sa kanyang mga pamangkin na sila na ang mag-aalaga sa kanya.
“Hayaan mo Tito Erik, kami na ang bahala sa’yo ngayon, panahon na para masuklian namin ang kabutihang binigay mo sa amin noon,” ani ng isa sa kanyang pamangkin.
“Kung dati ay inalagaan mo kami nung maliliit pa kami hanggang sa ngayong nagtatrabaho na kami, ngayon kami naman ang magbabalik ng pag-aalaga mo,” dugtong pa ng isa sa kanyang mga pamangkin.
Dahil sa kanyang kabutihan na tulungan ang kanyang mga ate, at mga pamangkin noon, hindi nagdalawang isip ang kanyang mga pamangkin ngayon na alagaan ang kanilang Tito Erik.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!