May Pag-asa pa Kayang Magbago?

“Bakit dito mo patitirahin ang kapatid mo, Jose? Anong malay mo baka hindi pa nagbago ‘yan at gawan tayo ng masama,” mariing sambit ni Magda sa kaniyang asawa.

“Bigyan mo muna ng pagkakataon si Kuya Nante, mahal. Malay mo naman baka sa pagkakataong ito ay nagbago na siya,” tugon ni Jose.

“Walang matutuluyan ang kuya ko. Hindi naman permanente ang paglagi niya dito. Kapag nakahanap na siya ng trabaho at ng malilipitan ay agad naman siyang aalis,” dagdag pa ng lalaki.

“Hindi ako komportableng narito siya, Jose. Hindi mo ba kami inaalala ng anak mo. Hindi mo alam kung ano na ang tumatakbo sa isip niyang kapatid mo. Basta, Jose, mananatili ang pasya ko. Hindi dito titira ‘yang kapatid mo!” galit na wika ni Magda.

Patuloy ang pagtatalo ng mag-asawa dahil ayaw pumayag ng babae na doon sa kanila pansamantalang manatili ang nakatatandang kapatid ni Jose. Kakalaya lamang kasi nito mula sa bilangguan.

Noong kabataan kasi ni Nante ay napasama ito sa isang grupo na nagpapatakbo ng isang ilegal na pasugalan. Kasabay nito ay ang pagkakalulong ng lalaki sa ipinagbabawal na gamot. Sa dami ng kinasangkutang gulo ng kapatid ni Jose ay sa likod ng rehas ang kaniyang kinahantungan. Nasintensiyahan ito ng labinlimang taon at sa wakas ay nakalabas na rin ng kulungan.

Wala namang matutuluyan itong si Nante sapagkat dalawa lamang silang magkapatid ni Jose at matagal nang sumakabilang buhay ang kanilang mga magulang dahil sa sama ng loob sa kanilang panganay na anak.

Sa kabila nito ay hindi pa rin nag-iba ang tingin ni Jose sa kaniyang Kuya Nante. Naniniwala siya na isang araw ay magbabago ito at hindi na malilihis ng landas.

Advertisement

“Matanda na rin ang Kuya Nante, Magda. Sa tagal niya sa piitan ay sigurado namang napagdusahan na niya ang lahat ng kaniyang mga nagawang kamalian noon. Huwag naman natin siyang tanggalan ng pag-asa. May karapatan naman ang lahat na magbago at itama ang kanilang kamalian,” pagdedepensa ni Jose sa kaniyang kapatid.

“Dalagita na ang anak nating si Celine. Nangangamba ako para sa kaniya. Ano na lamang ang sasabihin ng mga tao diyan sa anak mo, Jose, na may lahi siyang kriminal?” saad ni Magda.

“Tama na ang usapan na ito, Magda. Dito muna pansamantala ang kapatid ko sa ayaw at sa gusto mo!” giit ni Jose.

At sa bahay nga muna ng kapatid namalagi si Nante. Pilit man nakikisama ng lalaki ay malamig pa rin ang pakikitungo ni Magda sa kaniya. Madalas ay pinapaiwas din nito ang anak na si Celine na lumapit sa kaniya at kung maaari ay huwag siya nitong kakausapin.

Isang araw ay naiwang mag-isa si Nante sa bahay sapagkat umalis ang mag-asawa upang pumunta ng palengke. Maaga namang umuwi si Celine mula sa eskwelahan kaya dalawa lamang sila ng kaniyang tiyuhin sa bahay.

Dali-daling pumunta ng silid si Celine habang sinusundan siya ng tingin ni Nante.

Mayamaya ay bigla na lamang sumigaw ng malakas si Celine.

Tiyempo namang papasok ng bahay ang mag-asawang Magda at Jose.

Advertisement

Patakbo silang nagtungo sa silid ng kanilang anak. Nadatnan nilang nakapatong si Nante kay Celine na gusut-gusot ang suot nitong damit. Nang inikot ni Magda ang kaniyang tingin sa silid ng anak ay kapansin-pansin ang nagkalat na mga damit at iba pang gamit ng dalaga. Nakatumba rin ang aparador nito sa sahig.

“Walangh*ya ka! Tumayo ka riyan! Dem*nyo ka!” nangagalaiting bulyaw ni Magda sa kaniyang bayaw. “Magpapaliwanag ako!” sambit naman ni Nante.

“Dem*nyo ka! Pati ang anak ko ay gagawan mo ng masama! Lumayas ka sa pamamahay na ‘to!” Halos mapatid na ang litid ni Magda sa pagsigaw dahil sa galit.

“Tama ako, Jose! Kahit na magpalit ng damit ang isang dem*nyo ay maitim pa rin ang kaniyang budhi!” sambit ng babae sa kaniyang sa asawa.

“Maling-mali na pinagkatiwalaan ka ng asawa ko. Sarili mong pamangkin lalapastanganin mo?” sigaw ni Magda sa kaniyang bayaw.

“Tumawag ka ng pulis, Jose, bago pa makatakas itong kriminal mong kapatid!” tuloy sa pagwawala si Magda.

Sa gitna ng komosyon ay bigla na lamang nagsalita si Celine.

“Ma, huwag niyo pong ipakulong si Tito Nante,” pakiusap ng dalaga. “Wala po siyang ginagawang masama sa akin. Sa katunayan nga po ay iniligtas ako ni tito.”

Advertisement

“Mabilis po ang pangyayari, ma. May inaabot po ako sa itaas ng aking aparador nang bigla na lamang po itong matumba sa akin. Sa takot ko po ay napapikit na lamang ako. Akala ko po ay madadaganan ako. Buti na lamang po ay mabilis akong sinagip ni Tito Nante. Sinalag po niya ang mabigat na aparador na babasagsak sana sa akin. Hinila po niya ako sa damit at sinalo ng kaniyang katawan ang mabigat na aparador,” paliwanag ng dalaga.

“Ako na po ang nakikiusap, ma. Huwag niyo pong ipakulong si Tito Nante,” muling pakiusap ni Celine.

Lubusang ikinabigla ni Magda ang narinig na katotohanan. Buong akala niya kasi ay pinagsasam*ntalahan ng bayaw ang kaniyang anak. Dahil dito ay agad siyang humingi ng tawad kay Nante.

“Patawarin mo ko, Kuya Nante. Hindi dapat kita hinusgahan ng dahil lamang sa nakaraan mo. Patawarin mo rin ako sa hindi magandang pakikitungo ko sa iyo. Sana ay kalimutan na natin ang nangyari at magsimulang muli,” pagpapakumbaba ni Magda.

“Hindi ko naman kayo masisisi kung ganoon ang tingin ninyo sa akin. Ngunit lahat ng iyon ay pinagbayaran ko na. Habang nasa piitan ako ay napagtanto ko ang lahat ng kamalian ko at nangako ako na kung ako ay makakalabas ay gagawin ko ang lahat upang hindi na ako bumalik sa piitan. Madilim man ang aking nakaraan gagamitin ko ang binigay sa aking pangalawang pagkakataon upang maging maganda ang aking kinabukasan,” sambit ni Nante.

“Maraming salamat din pala sa iyo, Jose. Kahit kailan ay hindi mo ko tinalikuran. Sa lahat ng maling nagawa ko ay hindi ka humintong maniwala at manalig na isang araw ay magbabago ako. Salamat sa’yo, kapatid,” dagdag pa ng lalaki.

Nagkapatawaran ang lahat at sila ay nagsimulang muli. Naging maganda na ang pagsasama ng buong mag-anak kasama si Nante. Nakahanap na rin ito ng trabaho ngunit hindi na nila ito hinayaang bumukod pa. Sa bandang huli ay nanaig pa rin ang tiwala ni Jose sa kaniyang kapatid na tuluyan itong magbabago.

Hindi tama na husgahan ang isang tao sa pamamagitan ng kaniyang nakaraan lalo pa kung pinipilit niyang ayusin ang kaniyang kasalukuyan at kinabukasan. Ang lahat ng tao ay may karapatang magbago at itama ang kanilang pagkakamali. Hindi panghuhusga ang kanilang kailangan kung hindi ang ating tulong at gabay para makaahon silang muli.