Maling Tao, Maling Numero

“Hindi ka pa uuwi?” tanong ni Mary, ang matalik na kaibigan ng secret agent na si Sarah.

Ngumiti si Sarah sa kaibigan habang hinihigop ang mainit na kape, pampatanggal ng antok.­ “Mayamaya siguro. Inaantok na ako. Baka makatulog na naman kasi ako sa jeep at lumagpas.”

Madalas ay nangyayari iyon sa dalaga. Sa sobrang pagod dahil panggabi siya ay ‘di niya napipigilan ang antok kapag sumakay na ng jeep pauwi kaya’t may mga pagkakataong lumalagpas siya. Mas malaking perwisyo iyon dahil bukod sa nababawasan ang oras ng tulog niya ay napapamahal din ang kaniyang pamasahe.

“Tulog tulog din, ha. Napaka-workaholic mo. Nahihigitan mo na ako masyado. Samantalang mas matagal na akong nagtatrabaho sa’yo dito,” saad ni Mary.

Napatitig si Sarah sa kaibigan ngunit tumawa lang ito pagkatapos. Siyempre biro lang iyon. Kaibigan niya ito.

“O siya, sige. Mauuna na akong umuwi. Ingat ka ha!” bilin ni Mary. Humalik ito sa pisngi ng kaibigan bago kumaway at tuluyan ng lumisan.

Pinanood ni Sarah ang likod ng babae habang papalayo ito. Isa si Mary sa mga naging matalik niyang kaibigan noong high school at hanggang ngayon na pareho na silang nagtatrabaho.

Dati kasi ay madalas siyang ma-bully. Kulot kasi ang kaniyang buhok. Mabuti na lang at palagi siyang ipinagtatanggol ni Mary.

Advertisement

Kung mayroon man silang pagkakapareho maliban sa ugali ay malamang ang kulot na buhok na nila iyon. Minsan nga ay napagkakamalan pa silang magkapatid.

Matapos maubos ni Sarah ang kape ay inayos na niya ang kaniyang gamit para tumulak pauwi. Aabutin na 30 minutos ang biyahe mula sa trabaho patungo sa bahay. Pag-uwi sa bahay ay naghilamos siya ng mukha at mabilis na nakatulog.

Mabilis na lumipas ang oras. Parang kanina lang ay pauwi siya, ngayon heto at tumutunog na naman ang alarm. Wala sa sarili niyang inabot ang cell phone. Ngunit nagulat siya nang malamang hindi iyon alarm kung ‘di isang tawag mula sa kaibigan.

“Hoy, Sarah? Nasaan ka na?” tanong ni Mary sa kabilang linya. “Ha?” Kumunot ang noo ni Sarah, naguguluhan sa kaibigan.

“Birthday ko ngayon! Nakalimutan mo? Akala ko ba sasamahan mo ko ngayon na kumain sa labas?” tanong ni Mary.

Napaisip si Sarah at halos magmura ng maalala iyon. Bakit niya nakalimutan?

“Siyempre alam ko. Bakit ko naman makakalimutan?” balik tanong ni Sarah dito. Hindi niya maaaring sabihin ang totoo dahil tiyak na magtatampo ito sa kaniya kagaya noong nakaraang taon. Mahirap pa naman itong suyuin kapag nagalit na.

“Talaga, ha? Baka niloloko mo na naman ako,” tugon ni Mary.

Advertisement

Umiling si Sarah kahit na hindi naman siya nito nakikita. “Ano ka ba? Sige na. Magbihis ka na! Antayin mo na lang ako doon sa lagi nating pinupuntahan.”

Humalakhak si Mary at agad na sumang-ayon. “Isa pa pala!” pahabol pa nito bago matapos ang tawag. Ibinalik ni Sarah ang cell phone sa tenga. “Pakisuot ‘yung damit na pula. ‘Yung katerno nung sa’kin, ha,” pagpapatuloy ng babae.

Magrereklamo sana si Sarah ngunit naibaba na ng kaibigan ang tawag. Sumimangot na lang siya. Alam naman nito na ayaw niya ng mga ganoong kasuotan.

Walang nagawa si Sarah kung ‘di suotin na rin ang damit. Regalo ito sa kaniya ng kaibigan noong huli niyang birthday. At tulad nga ng sinabi nito ay mayroon itong katerno na pag-aari naman ng kaibigan.

Sa ikalawang pagkakataon ay muling tumunog ang cell phone ni Sarah. Hindi na niya tinignan kung sino ang tumatawag sa pag-aakalang si Mary lang iyon.

“Hello, ano? Nasaan ka na?” sabi ni Sarah.

Walang nagsalita sa kabilang linya. Mistulang walang nakakarinig. Kumunot ang kaniyang noo at tinignan ang cell phone. Laking gulat niya nang makitang hindi nakarehistro ang numero sa kaniyang contact list.

“Ah, maling numero ata?” naisip ni Sarah at aktong ibababa na ang tawag nang may biglang nagsalita.

Advertisement

“Ang sabi ko shoot to kill. Dapat nang mawala ang babaeng iyan sa mundo. Wala na siyang pakinabang.”

“Masusunod, boss!” sabi ng isa pang boses.

Nanlamig si Sarah. Ano ito? Mukhang nagkaroon ng glitch. Madalas itong nangyayari sa kaniyang trabaho. Makokonek ang tawag at pag-uusap ng iba sa kaniyang telepono. Hindi niya alam ang detalye dahil hindi ito ang expertise niya pero sigurado siyang hindi maganda ang narinig niya.

“Alam mo naman ang itsura ng babae, hindi ba? ‘Yung kulot, maputi. Mukhang magkikita sila ng kaibigan niya ngayon sa plaza. Abangan mo na lang. Nakapulang bestida,” sabi ng boses.

“Malagom ang boses. Naka-voice changer,” napaisip si Sarah. Napatingin siya sa salamin. “Imposible. Hindi siya ang tinutukoy kung ‘di si Mary! At sino ang lalaking ito? Sangkot ba ito sa kasong hawak ni Mary?”

Naguguluhan si Sarah. Malamig na tumatagaktak ang kaniyang pawis at abot langit ang tahip ng kaniyang dibdib.

“Okay, boss, ako na ang bahala,” sabi ng boses.

Ibinaba ni Sarah ang tawag. Sa nanginginig na kamay ay inabot niyang muli ang kaniyang cell phone para tawagan si Mary. Ilang minuto ang inabot bago ito tuluyang sumagot.

Advertisement

“Papunta na ako, bruha ka! Nasaan ka na?” Masaya ang boses ni Mary. “Ha?” Wala sa sariling sagot si Sarah “Huwag muna. Manatili ka na muna diyan.”

Tumawa si Mary sa sinabi ng kaibigan. “Ano ka ba? Halos pababa na nga ako na sasakyan.”

Hindi na nag-isip pa si Sarah. Kumaripas siya ng takbo patungo sa kinaroroonan ni Mary. “Anong gagawin ko? Dapat ba kong tumawag ng pulis?” Gulung-gulo ang isip ng dalaga.

Sa malayo ay nakita na ni Sarah ang kaibigan na kapareho ng kaniyang damit. Bahagya itong lumingon sa kaniya at kumaway.

Kinagat ni Sarah ang kaniyang labi nang makita ang lalaking nakaitim na medyo lumalapit sa kaibigan. Wala sa sarili ang kaniyang paggalaw. Tumakbo siya patungo kay Mary. Nagulat ito sa kaniyang ginawa.

Kasabay ng isang putok ng baril ay ang mainit na pagtama ng kung ano sa tiyan ni Sarah. Napahiga siya sa sakit. Agad siyang dinaluhan ng kaibigan. Dumaloy ang dugo sa kaniyang tiyan.

Kasabay ng pagngiti ni Mary ay tsaka lang nalinawan si Sarah sa kung sino ang tinutukoy sa misteryosong tawag.

“Kung hindi ka ba naman kasi traydor. Talagang uungusan mo pa ako,” galit na saad ni Mary.

Advertisement

Si Sarah talaga ang tunay na target. Walang sino man ang may balak na masama kay Mary. Kung ‘di si Mary ang may plano para ipap*tay si Sarah dahil lang ayaw niyang maungusan siya ng kaibigan sa trabaho. Mas magaling kasi si Sarah kaysa sa kaniya gayong mas matagal na siyang nagtatrabaho bilang isang secret agent.

Plinano ni Mary ang lahat. Hindi rin nagkataon lang na marinig ni Sarah ang usapan na iyon. Magaling si Mary sa pagmamanipula ng linya ng komunikasyon.

Nang magsimula nang magsilapitan ang mga tao para tumulong at makiusisa sa nangyari ay nagsimula nang umiyak si Mary sa tabi ni Sarah. Parang totoong-totoo ang pagtangis nito.

Pero alam na ni Sarah kung ano ang totoong kulay ng kaibgan. Nagtiwala siya sa maling tao.

“Hindi pala talaga natin puwedeng makilala ang isang tao ng isandaang porsiyento.” Iyun ang nasa isip ni Sarah bago siya tuluyang nilamon ng kadiliman.

Makalipas ang ilang araw ay naaresto si Mary Guerera sa salang pagpapap*tay sa kaibigan nitong si Sarah Cruz. Nagtagumpay nga siyang alisin ang kaibigan sa kaniyang landas pero sa bandang huli ay wala rin siyang napala dahil sa kulungan siya bumagsak.